2013
Hi, Ako si Erika na taga-El Salvador
Hulyo 2013


Hi, Ako si Erika na taga-El Salvador

Ang pangalan ko ay Erika Z., at nakatira ako sa lungsod ng San Salvador sa El Salvador, at gustung-gusto kong maghanda ng mga pangalan para sa mga ordenansa sa templo.

Itinanong ng mga Relief Society sister sa branch namin kung gusto kong matutong mag-index ng mga pangalan gamit ang FamilySearch program. Gusto kong tumulong. Gusto rin ng nanay ko na tumulong ako, kaya sabay naming pinag-aralan kung paano mag-index.

Nang magsimula ako, isang buong araw kong na-index ang siyam na pangalan. Pero ngayon matapos magsikap at magpraktis, kaya ko nang mag-index ng 300 pangalan sa isang araw.

Matapos gawin ang homework ko, nag-iindex ako ng mga pangalan. Para sa akin, ang pag-iindex ay kasingsaya ng paglalaro o panonood ng TV. Pero alam ko na mas dakila ang layunin nito.

Alam ko na biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng pagkakataong tumulong sa paghahanda ng mga pangalan para sa mga ordenansa sa templo para sa mahigit 2,000 ninunong Salvadorian na nasa daigdig ng mga espiritu.

Mga larawan ni Erika at ng Relief Society sa kagandahang-loob ng pamilya ni Erika, larawan ng San Salvador El Salvador Temple na kuha ni Matthew Reier © IRI