2011
Dapat Kang Mag-seminary
Enero 2011


Dapat Kang Mag-seminary

Ang simpleng mungkahi ng isang kaibigan ay nagpabago ng aking buhay.

“Lisa, dapat kang mag-seminary,” ang simpleng sabi ni Ashley. Nasa harapan namin ang mga folder ng mga listahang nagpapakita ng mga klaseng pagpipilian para sa susunod na pasukan, noong nagsisimula pa lang kami sa hayskul.

Wala sa sariling tiningnan ko ang aking kaibigan, hanggang sa huli ay nagawa kong ngumiti. Ayokong sabihin ito sa kanya, pero malayung-malayo sa isip ko ang seminary. Hindi ako gaanong aktibong miyembro ng Simbahan noon, halos buong buhay ko. Sa paglipas ng mga taon, lumaki ako na kakaunti ang alam sa ebanghelyo pero hindi ako nakatanggap ng malakas na patotoo sa katotohanan nito.

Habang pauwi mula sa eskuwelahan sa araw na iyon, nagsimula akong magkainteres sa seminary. Si Ashley, gayundin ang ibang mga kaibigan ko, ay tila sabik na sabik lahat na maging bahagi nito. Ginusto kong gawin din ang ginagawa ng mga kaibigan ko, kahit hindi ko maunawaan ang ginagawa nila o kung bakit nila ito ginagawa. Matapos kong ipaalam ang plano ko sa aking mga magulang at makuha ang pahintulot nila, nagpasiya akong mag-seminary sa unang taon ko sa hayskul.

Hindi ko alam noon ang laki ng epekto ng simpleng desisyong iyon sa buhay ko. Ang unang taon ko sa seminary ay nagpabago sa buhay ko nang makita ko na ang sarili ko at ang iba bilang mga anak ng Diyos, na minamahal at itinatangi. Nagsimula akong magsimba tuwing Linggo, kahit hindi aktibo ang pamilya ko.

Nakatapos na ako ng hayskul, pero lagi kong pasasalamatan ang seminary. Sa loob ng isang oras na iyon bawat araw, nasagot ang mga dalangin ko at napalakas ang aking patotoo. Tinulungan ako ng seminary na maghanda para sa kasal sa templo at hinikayat akong magsikap na maging mas mabuting tao.

Alam kong mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin. Alam ko na ang seminary ay isang pagpapalang tumulong sa akin na magtayo ng matibay na pundasyon kay Jesucristo. Hinihikayat ko kayong mag-enrol sa seminary. Babaguhin din nito ang buhay ninyo.

Paglalarawan ni Doug Fakkel