2011
Ano ang Bago sa Pansariling Pag-unlad?
Enero 2011


Ano ang Bago sa Pansariling Pag-unlad?

Larawan
Elaine S. Dalton

Ngayon ang panahon upang maghanda para sa napakagandang hinaharap na naghihintay sa inyo. Ang Pansariling Pag-unlad ay tutulungan kayong maghanda at maunawaan ang inyong pagkatao bilang anak na babae ng Diyos.

Ang Pansariling Pag-unlad ay hindi isang programang hiwalay sa inyong buhay. Matutulungan kayo nitong mas lumapit sa Tagapagligtas, maglingkod sa iba, matuto ng mga kasanayan sa pamumuno, makipag-ugnayan, at maghanda para sa mga tipan sa templo. Matutulungan kayo ng Pansariling Pag-unlad na magkaroon ng mabubuting gawi. Kapag palagi ninyong ginagawa ang maliliit na bagay, nagiging bahagi ito ng inyong pagkatao at binabago kayo ng mga ito. Tunay na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Ang templo ang pabalat ng binagong buklet na Pansariling Pag-unlad. Ang templo ang dahilan ng lahat ng ginagawa natin sa programa ng Young Women. Umaasa kami na habang nakatingin kayo sa pabalat, maaalala ninyo na ang pakikilahok sa Pansariling Pag-unlad ay tumutulong sa inyo na maghanda sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo balang-araw.

Ang bagong Pansariling Pag-unlad ay kulay rosas! Ang mahinhing pambabaeng kulay na ito ay paalala na kayo ay anak ng ating Ama sa Langit na may kakaibang mga katangian, kaloob, at papel na ginagampanan ng babae.

Sa bagong buklet, ang ilan sa mga karanasan at proyekto sa pinahahalagahan ay nagbago nang bahagya upang maging mas napapanahon at mas nakatuon sa mga tipan sa templo na gagawin at tutuparin ninyo balang-araw. Narito ngayon ang ilang sagot sa inyong mga tanong.

Paano ko sisimulan ang Pansariling Pag-unlad? Madali lang magsimula! Simulan sa isa sa mga pinahahalagahan na nakakaaliw sa iyo. Hindi mo kailangang gawin nang sunud-sunod ang mga pinahahalagahan. Ang paggawa ng mga karanasang kinakailangan ay magpapaunawa sa iyo sa mga pinahahalagahan at kung bakit mahalaga ang mga ito sa buhay mo.

Sino ang maaaring sumali? Ang Pansariling pag-unlad ay para sa mga kabataang babae ng Simbahan, bagama’t maaari ding sumali ang iba. Halimbawa, maaari mong ipasiyang mag-anyaya ng mga kaibigang hindi miyembro ng Simbahan na gumawa ng Pansariling Pag-unlad kasama mo. Sa ilang pagkakataon, maipapasiya rin ng iyong ina na sumali kasama mo sa ilan sa mga karanasan at proyekto sa pinahahalagahan.

Gaano kabilis ko ito dapat gawin? Pagbukas mo ng aklat na Pansariling Pag-unlad, makikita mo ang ilang bagay na ginagawa mo na sa paaralan o tahanan. Purihin ang sarili sa mga bagay na ito at magplano nang maaga upang magawa mo ang mga ito nang may layunin. Magagawa mo ito sa sarili mong bilis. Kung ikaw ay 12 anyos at gumagawa ng isang karanasan bawat buwan at dalawang proyekto bawat taon, matatapos ninyo ito kapag Laurel ka na. At magkakaroon ka ng pagkakataong turuan ang iba pang mga dalagita na gumagawa ng kanilang Pansariling Pag-unlad. Kapag ginawa mo ito, maaari kang makatanggap ng Honor Bee, na simbolo ng karagdagang pagsisikap na paglingkuran ang iba.

Magagawa Ko Ba ang Pansariling Pag-unlad sa Mutual? Magagawa mo ang ilan sa iyong Pansariling Pag-unlad sa Mutual. Ang isang proyekto ay magagawa mong aktibidad sa Mutual. Maaari mo ring gawin ang Pansariling Pag-unlad sa klase mo sa Young Women habang natututo ka tungkol sa mga pinahahalagahan at nag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Anong mga pagkakataon sa pamumuno ang ibinibigay nito sa akin? Habang naghahanda kang gawin ang isang 10-oras na proyekto, maaari kang magpatulong sa iba pang mga dalagita. Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na matuto ng mga kasanayan sa pamumuno para sa mga tungkulin mo sa hinaharap bilang asawa, ina, at maybahay. Tutulungan ka rin nitong matuto kung paano mag-organisa, makipag-ugnayan, at tapusin ang isang mahirap na gawain.

Bakit ako pinagsusulat ng journal? Ang journal na ito ay magiging mahalagang talaan para sa iyo ng panahon mo sa organisasyon ng Young Women at ng mga pangakong iyong ginawa. Ang pagsulat sa iyong journal ay mag-aanyaya rin sa pagsama ng Espiritu Santo.

Ang mga pagpapala ng Pansariling Pag-unlad ay lagpas pa sa panahon mo sa Young Women. Mag-iibayo ang iyong pananampalataya at patotoo sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Magiging handa ka rin para sa iyong banal na misyon at mga gagampanan sa lupa. Matitikman mo ang tamis ng paglilingkod at kagalakan ng mabubuting gawa. Madarama mo ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, na gagabay at magtuturo sa iyo. Magkakaroon ka ng huwaran ng pamumuhay na magpapala sa iyong buhay, ngayon at sa buong kawalang-hanggan. Ito ay huwaran ng pag-unlad at paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo. Nawa’y pagpalain kayo sa pagsisimula ninyo sa huwarang ito ng pag-unlad. Mahal namin kayo! Mahal kayo ng Panginoon! Kayo ay Kanyang minamahal na mga anak.

Ang simbolo ng Beehive ay pukyutan, na paalala ng pagkakasundo, kooperasyon, at paggawa.

Ang simbolo ng Mia Maid ay rosas, na paalala ng pag-ibig, pananampalataya, at kadalisayan.

Ang simbolo ng Laurel ay korona ng laurel, na sagisag ng dangal at tagumpay.

Kuwintas na Sulo

Pagpasok mo sa organisasyon ng Young Women, bibigyan ka ng mga lider mo ng kuwintas na sulo. Ang kuwintas na ito ay sagisag ng iyong katapatang manindigan sa katotohanan at kabutihan sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar. Ipapaalala rin sa iyo ng simbolo ng ningas na “bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa” (D at T 115:5). Isuot nang may pagmamalaki ang kuwintas na ito at alalahanin ang iyong tapat na pangako.

Buklet na Pansariling Pag-unlad

Kapag nakumpleto mo ang mga karanasan at proyekto para sa isang pinahahalagahan, tatanggap ka ng kulay gintong sticker na ilalagay sa likuran ng iyong buklet na Pansariling Pag-unlad. Idagdag ang petsa ng pagkumpleto mo sa pinahahalagahang ito. Ang iyong buklet at journal ang magiging personal mong talaan ng lahat ng mabubuting bagay na nagagawa mo.

Mga Sertipiko sa Pagsulong

Sa pagsulong mo sa kasunod na grupo mula sa dati mong grupo, kikilalanin ka ng iyong bishop o branch president sa pamamagitan ng sertipiko ng pagkilala at pagtatapos. Ilagay ito sa espesyal na lugar upang maipaalala sa iyo ang mga bagay na natutuhan at nagawa mo noong ikaw ay nasa Beehive, Mia Maid, at Laurel.

Mga Ribbon para sa mga Banal na Kasulatan

Kapag nakumpleto mo ang mga karanasan at proyekto para sa isang pinahahalagahan, tatanggap ka ng isang ribbon para markahan ang iyong paboritong talata ng mga banal na kasulatan tungkol sa mga pinahahalagahan. Ang mga ribbon ang kulay ng mga pinahahalagahan: puti para sa pananampalataya, ginto para sa kabanalan, at iba pa. Ibibigay sa iyo ng lider mo ang ribbon na ito sa isang miting ng Young Women.

Pagkilala sa Pagdadalaga

Kapag nakumpleto mo ang Pansariling Pag-unlad, isusulat mo ang iyong patotoo sa iyong journal at iinterbyuhin ka ng bishop o branch president. Sa gayon ay karapat-dapat ka nang tumanggap ng iyong Pagkilala sa Pagdadalaga. Ang medalyon ay binago upang isama ang mga simbolo ng bawat edad gayundin ang templo. May maliit na rubi rin ito sa gitna ng rosas ng Mia Maid. Ang rubi ay simbolo na nakumpleto mo na ang iyong Pansariling Pag-unlad at ang bagong pinahahalagahang kabanalan. Ipapaalala sa iyo ng rubi na ang isang mabuting dalagita ay mahalaga at ang “kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi” (Mga Kawikaan 31:10).

Honor Bee

Matapos makamit ang iyong medalyon, maaari kang magpatuloy upang makamit ang Honor Bee sa pamamagitan ng muling pagbabasa ng Aklat ni Mormon at paggawa ng dagdag na paglilingkod, kabilang na ang pagtulong sa isa pang dalagita sa paggawa ng Pansariling Pag-unlad.

Retrato ni Sister Dalton © Busath Photography; mga drowing na guhit © Dover Publications; usbong ng rosas ni Traci O’very Covey; mga larawang kuha ni Robert Casey

Paglalarawan ni John Luke © IRI