2011
Ang Kasaysayan at Pamana ng Relief Society
Enero 2011


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Kasaysayan at Pamana ng Relief Society

Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dadalawin ninyo. Gamitin ang mga tanong upang matulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong sariling buhay ang Relief Society.

Larawan
Relief Society seal

Pananampalataya • Pamilya • Kapanatagan

Naalala ni Eliza R. Snow ang turo ni Propetang Joseph Smith na “bagama’t ngayon lang lumitaw ang pangalang ito [Relief Society], noon pa man ay may ganito nang institusyon.”1

Dinalaw ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo si Joseph Smith at sa pamamagitan niya ay ipinanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo sa mundo. Ang Relief Society ay bahagi ng panunumbalik na iyon. Nang maorganisa ang kababaihan, noon lamang ganap na nabuo ang organisasyon ng Simbahan.2

Sa mga buwang darating, bawat Mensahe sa Visiting Teaching ay magbibigay sa atin ng pagkakataong matuto pa tungkol sa kasaysayan ng Relief Society at sa bahagi nito sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa maraming dahilan, ang maunawaan ang ating kasaysayan ay hindi lamang mahalaga kundi kailangan.

Una, ang pag-unawa sa ating kasaysayan ay humihikayat sa atin na maging kababaihan ng Diyos na kailangan nating kahinatnan. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga halimbawa ng mararangal na babaeng Banal sa mga Huling Araw, maaari tayong matuto mula sa nakaraan kung paano harapin ang kinabukasan.3

Ikalawa, itinuturo sa atin ng kasaysayan na ang mga alituntuning umiral sa Simbahan noon ay siya ring mga saligang alituntunin natin ngayon. Ang kaalamang ito at ang ating mga layunin—na palakasin ang ating pananampalataya at sariling kabutihan, patatagin ang mga pamilya at tahanan, at tulungan ang mga nangangailangan—ay iniuugnay ang ating nakaraan sa ating kasalukuyan.

Ikatlo, kapag pinahalagahan natin ang ating kasaysayan, mas maibabahagi natin ang ating espirituwal na pamana. Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Naipapasa ninyo ang pamana sa pagtulong ninyo sa iba na tanggapin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa sa puso nila. … Ang kasaysayan ng Relief Society ay mababasa at mabibilang, ngunit ipinapasa ang pamana nang puso sa puso.”4

Sa huli, ang pag-unawa sa ating kasaysayan ay ginagawa tayong epektibong bahagi ng hinaharap ng Relief Society. Ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Alam natin na ang kababaihang may malalim na pagpapahalaga sa nakaraan ay mag-aalala tungkol sa paghuhubog ng mabuting kinabukasan.”5

Julie B. Beck, Relief Society general president.

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Esther 9:28–29; Mga Taga Roma 16:1–2; Alma 37:8; Moroni 7:45–47

Mula sa Ating Kasaysayan

“Ang Relief Society ay organisasyon ng Diyos para sa kababaihan.”6 Sa kanyang katungkulan bilang propeta, inorganisa ni Joseph Smith ang Relief Society noong Marso 17, 1842. Ang maliit na grupo sa unang pulong na iyon ay binuo ng iba’t ibang matatapat na babae, na katulad ng kababaihan sa Relief Society ngayon. “Ang pinakabata ay tatlong dalagita, at ang pinakamatanda ay isang babaeng mahigit 50 ang edad. Labing-isa sa kababaihang ito ang may-asawa, dalawa ang balo, anim ang dalaga, at ang isa ay hindi alam kung may-asawa o wala. Ang kanilang mga pinag-aralan at pinagmulan ay lubhang magkakaiba, gayundin ang kanilang mga kabuhayan. Ang kanilang pagkakaiba-iba ay lubha pang mag-iibayo sa patuloy na paglago ng organisasyon, ngunit sila ay nagkaisa at patuloy na magkakaisa.”7

Mga Tala

  1. Eliza R. Snow, “Female Relief Society,” Deseret News, Abr. 22, 1868, 81.

  2. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 528.

  3. Tingnan sa L. Tom Perry, “Ang Lumang Paraan ng Pagharap sa Kinabukasan,” Liahona, Nob. 2009, 73–76.

  4. Henry B. Eyring, “Ang Walang-kupas na Pamana ng Relief Society,” Liahona, Nob. 2009, 124–25.

  5. Spencer W. Kimball, “Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 102.

  6. Spencer W. Kimball, “Relief Society—Its Promise and Potential,” Ensign, Mar. 1976, 4.

  7. Jill Mulvay Derr, Janath Russell Cannon, at Maureen Ursenbach Beecher, Women of Covenant (1992), 28.