2011
Sa Presensya ng mga Anghel
Enero 2011


Mula sa Misyon

Sa Presensya ng mga Anghel

Nang italaga ako bilang misyonero, nangako sa akin ang stake president ko na may mga pagkakataong madarama ko ang presensya ng mga anghel at poproteksyunan nila ako.

Noong 2003 natawag akong magmisyon sa Ivory Coast, sa kanlurang Africa. Sa pagsasaliksik ko, nalaman ko na madalas masangkot sa digmaang sibil ang bansa, ngunit napanatag ako nang malaman ko na itinigil ang labanan sa lugar. Mas napayapa pa ako nang maitalaga ako. Nangako sa akin ang stake president ko na habang naglilingkod ako, may mga pagkakataong madarama ko ang presensya ng mga anghel at poproteksyunan nila ako. Ipinangako rin sa akin na kung ako ay masunurin, ligtas akong makakauwi.

Sa mga unang buwan ng aking misyon, pinayuhan kami ng mission president na maging handa. Sa apartment namin sa kabiserang lungsod ng Abidjan, nag-imbak kami ng tatlong-araw na suplay ng pagkain at tubig, at sa mga miting tumanggap kami ng mga pagsasanay kung ano ang gagawin kapag may mangyaring labanan.

Sa kabila nito, kinabahan kami nang sirain ng mga rebelde ang kasunduang itigil ang labanan noong Nobyembre 4, 2004. Nagtakda ng curfew ang aming mga lider sa mission na alas-6:00 n.g. Sa huling pagtuturo namin kinabukasan, nakarinig kami ng biglang pagsabog. Agad kaming nagtapos sa panalangin, nag-iwan kami sa pamilya ng isang kabanatang babasahin mula sa Aklat ni Mormon, at dali-daling umuwi. Halos kasunod naming dumating ang isa pang magkompanyon sa apartment namin. Tumawag ang mga assistant at sinabihan kami na huwag umalis sa apartment anuman ang mangyari—para sa simbahan man o maging para sa pagkain. Nalaman namin na ilang tagapamayapang Pranses ang namatay sa mga pambobomba, kaya sinalakay ng France ang paliparan ng hukbong sandatahan, kaya nawasak ang maliit na hukbong panghihimpapawid ng Ivory Coast. Bilang ganti, nagkaroon ng matitinding kaguluhan sa kabisera.

Libu-libong nagprotesta ang dumagsa sa mga kalsada, may dalang mga machete, ninakawan ang mga tindahang Pranses, at pinasok ang mga bahay na hinihinala nilang tirahan ng mga Pranses. Mula sa bintana, nakita namin ang nangyayaring karahasan. Alam namin na delikado kami dahil puti ang aming balat.

Linggo ng hapon, Nobyembre 7, sa gitna ng mga sigawan, putukan, at pagsabog, nagdaos kaming apat ng sacrament meeting sa aming apartment. Matapos basbasan at ipasa ang tinapay at tubig mula sa aming tatlong-araw na suplay ng pagkain, bawat isa sa amin ay nagbahagi ng talata sa banal na kasulatan at nagpatotoo. Binasa ko ang Doktrina at mga Tipan 84:88: “At sinuman ang tatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.” Nang mabasa ko ito, pinag-isipan ko ang ibinigay na basbas sa akin ng aking stake president, at alam kong maliligtas ako.

Hindi kami lumabas ng apartment nang isang linggo. Binisita kami ng mga lider at miyembro ng ward at dinalhan kami ng pagkain. Isang miyembro ang kumuha ng aming mensahe at nag-e-mail sa aming mga pamilya, para ipaalam na ligtas kami. Kahanga-hanga ang pagtulong ng mga miyembrong ito! Samantala, ipinagdasal naman ng aming mga pamilya at miyembro ng Simbahan sa buong mundo ang aming kaligtasan. Habang nagdarasal ang pamilya ko, nakadama sila ng panatag na katiyakan na magiging ayos ang aking kalagayan.

Biyernes, Nobyembre 12, nang simulan ang paglikas namin. Inihatid kami ng mga Ivorian na miyembro ng Simbahan sa mga kalsada ng Abidjan, at bagama’t nabalitaan namin na may ibang mga tumakas na nasaktan, ligtas kaming nakadaan sa mga barikada papuntang tahanan ng embahador ng Britanya. Pagkatapos ay inilikas kami ng hukbo ng Britanya palabas ng bansa, at nasagot ang mga dalangin ng pamilya ko nang makita nila sa balita na nailikas ako at ang dalawa pang elder. Sa dilim ng gabi, dinala ng mga miyembro ang iba pang mga misyonerong hindi taga-Africa sa mission home. Mula roon inilikas sila ng Italian air force sa Ghana, kung saan kami nagkita-kita.

Sa kabila ng maraming pagsalakay sa mga dayuhan sa buong bansa, walang misyonerong nasaktan sa mga kaguluhan, at walang napasok na mga apartment ng mga misyonero. Dahil nakinig kami sa payo ng mission president, ligtas kaming nakauwi nang magsimula ang kaguluhan at may mga suplay kaming kailangan para manatiling ligtas. At mas nakapapanatag pa kaysa proteksyon ng militar ay ang pagkaalam na pinangalagaan kami ng Panginoon.

Habang inililikas kami, nalaman ko na noong Linggo ng hapon matapos ang aming sacrament meeting, naghahanda ang isang grupo ng mga nagpoprotesta na pasukin ang aming apartment. Isa sa mga kapitbahay namin ang sumigaw, “Hindi sila mga Pranses!” ngunit ayaw nilang umalis. Sa huli, isa pang kapitbahay ang sumigaw, “Mga misyonero sila!” at nag-alisan ang mga nanggugulo. Muli kong naalala ang mga salitang, “Ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo,” at natanto ko na natupad sa akin ang pangako sa basbas ng aking stake president. Nakita ko ang katuparan ng propesiya.

Paglalarawan ni Richard Hull