2011
Kailangan ng Panginoon ng mga Misyonero
Enero 2011


Mensahe ng Unang Panguluhan

Kailangan ng Panginoon ng mga Misyonero

Larawan
President Thomas S. Monson

Noong Oktubre sa pangkalahatang kumperensya ay nanawagan ako para sa mas marami pang misyonero. Bawat may kakayahang binata ay dapat maging karapat-dapat at handang maglingkod sa mission. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos. Mga kabataan, hinihikayat ko kayong maghandang maglingkod bilang misyonero. Manaliting malinis, walang bahid-dungis at karapat-dapat na kumatawan sa Panginoon. Maging malusog at malakas. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Kung saan mayroon, makibahagi sa seminary at institute. Pag-aralang mabuti ang hanbuk ng misyonero na Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Mga kabataang babae, samantalang wala kayong gayong responsibilidad ng priesthood tulad ng mga kabataang lalaki, na maglingkod ng full-time na misyon, maaari rin kayong magbigay ng mahalagang kontribusyon bilang misyonero, at ikagagalak namin ang inyong paglilingkod.

Sa inyong mga nakatatandang kapatid ng Simbahan, ipinaaalala ko sa inyo na kailangan ng Panginoon ng marami, mas marami pa sa inyo upang maglingkod bilang mga full-time missionary. Kung wala pa kayo sa panahon kung kailan maaari na kayong maglingkod na mag-asawa, hinihikayat ko kayo na maghanda na ngayon para sa araw na kung kailan kayo at ang inyong kabiyak ay maaari nang maglingkod. May ilan lamang na mga pagkakataon sa inyong buhay kung kailan maaari ninyong matamasa ang matamis na diwa at kasiyahan ng paglilingkod nang magkasama sa gawain ng Guro.

Ngayon, maaaring ang ilan sa inyo ay sadyang mahiyain o iniisip na kulang ang inyong kakayahan upang tanggapin ang tawag na maglingkod. Alalahanin na gawain ito ng Panginoon, at kapag nasa paglilingkod tayo ng Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Palalakasin ng Panginoon ang likod upang makaya ang pasaning iaatang dito.

Maaaring madama ng iba, kahit karapat-dapat silang maglingkod, na may mas mahahalaga silang prayoridad. Naaalala kong mabuti ang pangako ng Panginoon: “Yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin” (I Samuel 2:30). Walang sinuman sa atin ang makapagpaparangal sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas nang higit kaysa paglilingkod bilang deboto at mahabaging misyonero.

Isang halimbawa ng gayong paglilingkod ang karanasan ng mga misyonerong sina Juliusz at Dorothy Fussek, na tinawag na magmisyon sa Poland. Si Brother Fussek ay isinilang sa Poland. Sinasalita niya ang wika doon. Mahal niya ang mga tao. Si Sister Fussek ay isinilang sa England at may kaunting alam tungkol sa Poland ngunit walang alam tungkol sa mga mamamayan nito. Sinimulan nila ang kanilang tungkulin nang may pagtitiwala sa Panginoon. Malungkot ang gawain at napakabigat ng kanilang tungkulin. Wala pang naitatag na mission noon sa Poland. Ang tungkuling ibinigay sa mga Fussek ay ihanda ang daan upang makapagtatag ng mission doon.

Nasiraan ba ng loob sina Elder at Sister Fussek dahil sa bigat ng kanilang tungkulin o gawain? Hindi kahit isang saglit. Alam nilang tinawag sila ng Diyos. Nagdasal sila at hiningi ang Kanyang banal na tulong, at buong-puso nilang inilaan ang kanilang sarili sa kanilang gawain.

Di nagtagal sina Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol; Elder Hans B. Ringger, na miyembro noon ng Pitumpu; at ako, kasama ni Elder Fussek, ay nakipagpulong sa ministro ng mga gawaing ukol sa relihiyon na si Adam Wopatka, ng pamahalaan ng Poland. Narinig naming sinabi niya, “Malugod naming tinatanggap ang inyong simbahan dito. Maaari kayong magtayo ng mga gusali; maaari ninyong ipadala ang inyong mga misyonero. Ang lalaking ito,” habang nakaturo kay Juliusz Fussek, “ay naglingkod na mainam sa inyong simbahan. Lubos ninyong mapasasalamatan ang kanyang halimbawa at gawain.”

Gaya ng mga Fussek, gawin natin ang nararapat nating gawin sa gawain ng Panginoon. Sa gayon, gaya nina Juliusz at Dorothy Fussek, ay mabibigkas natin ang Awit na:

“Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.

“… Siyang nagiingat sa iyo, ay hindi iidlip.

“Narito, siyang nagiingat ng Israel hindi iidlip ni matutulog man” (Mga Awit 121:2–4).

Mga paglalarawan nina Hyun Gyu Lee, Matthew Reier, at Craig Dimond

Mga larawang kuha nina Richard M. Romney at David Newman