2011
Ang Kasaysayang Nakapaloob sa Bagong Tipan
Enero 2011


Ang Kasaysayang Nakapaloob sa Bagong Tipan

Ang pagkaunawa sa mga pinagmulan ng kamangha-manghang aklat na ito ng mga banal na kasulatan ay makahihikayat sa ating pag-aaral.

Bawat tomo ng sagradong banal na kasulatan ay may kakaibang kasaysayan at nagpapatotoo sa ebanghelyo ng kaligtasan sa sarili nitong paraan. Ang Bagong Tipan ay kinikilala bilang tomo ng mga banal na kasulatan na nagpepreserba sa mga salita ng mga taong personal na kilala si Jesus o sumunod sa Kanya matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli—kaya naging mahalagang sanggunian ang Bagong Tipan para tulungan tayong mas mapalapit sa Tagapagligtas at matunghayan ang Kanyang mortal na ministeryo. Ang pagkaunawa sa kasaysayan ng Bagong Tipan, kung paano ito naipasa sa atin, at kung sino ang sumulat nito ay makadaragdag sa pagpapahalaga natin sa kakaibang aklat na ito ng mga banal na kasulatan at kapalit nito ay nagbibigay ito sa atin ng karagdagang espirituwal na lakas habang tayo, tulad ng mga sinaunang alagad ni Jesucristo, ay humaharap sa sarili nating mga pagsubok.

Ano ang Bagong Tipan?

Makalipas ang maikling panahon pagkamatay ni Jesus, ang salitang “Bagong Tipan” ay hindi na tumukoy sa koleksyon ng mga aklat tungkol sa buhay at kamatayan ng Panginoon kundi mas tiyakang sa isang bagay na sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo sa gabi ng Huling Hapunan: “Ito ang aking dugo ng [bagong] tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:28; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang mga salitang Griyego na isinalin bilang “bagong tipan” ay tunay na tumutukoy sa isang tipan, ang bagong tipan na ipinararating sa atin ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Ang mga nakatala sa Biblia at tinukoy bilang Bagong Tipan ay naglalarawan, nagdodokumento, at nagtuturo tungkol sa bagong tipan na iyon sa pagitan ng Panginoon at ng Kanyang mga tao.

Ang mga iningatang tala sa Bagong Tipan ay nakatuon sa iba’t ibang aspeto ng ministeryo ng Tagapagligtas. Ang Bagong Tipan ay nagsisimula sa Mga Ebanghelyo, isang katagang ibig sabihin ay “mabuting balita,” na tumutukoy sa buhay, ministeryo, at banal na tungkuling ginampanan ni Jesucristo. Ang Bagong Tipan ay naglalaman din ng kasaysayan ng unang gawaing misyonero ng Simbahan (ang aklat ng Mga Gawa); mga sulat mula sa mga sinaunang lider, tulad nina Pedro at Pablo, na nagpapayo sa mga sinaunang Kristiyano (na tinawag ding mga Banal) na manatiling tapat sa pananampalataya; isang patotoo (Sa Mga Hebreo); at isang paghahayag (Apocalipsis) na nangangakong babalik ang Panginoon sa mga huling araw. Bawat manunulat ay may ibang pananaw na inilahad, at bawat isa ay sumulat na may partikular na mambabasa sa isipan sa halip na tangkaing punan ang mga nawawalang impormasyon sa kasaysayan. Sa kalagitnaan ng ikaapat na siglo a.d., ang 27 aklat na nagtala sa bagong tipan ng Panginoon ay pinagsama-sama at inayos tulad ng makikita ngayon.

Paano Naipasa sa Atin ang Bagong Tipan?

Mula sa mas malaking grupo ng mga disipulo, tumawag si Jesus ng 12 kalalakihan bilang mga Apostol. Sumunod sa Kanya ang kalalakihang iyon sa buong ministeryo Niya, naghirap na kasama Niya, at nagtamasa rin ng mga tagumpay at espirituwal na karanasan. Pagkamatay ni Jesus, sinimulang itala ng mga Apostol, at ng iba pang matatapat na alagad, ang kanilang mga karanasan. Dalawang kaganapan ang maaaring nagpaalab sa hangarin nilang ingatan ang kanilang mga talaan tungkol sa buhay ni Jesus: una, ang Jerusalem at ang templo ay napasakamay ng hukbong Romano noong a.d. 70. Ikalawa, laganap na ang mga puwersa ng apostasiya (tingnan sa Mga Gawa 20:29–30). Samakatwid, marami sa mga isinulat sa Bagong Tipan ang itinala upang tulungan ang matatapat na makatahak sa kanilang landas sa kabila ng mga kasawian at pagtatalu-talo sa kanilang panahon.

Sa pagbabalik-tanaw sa kanilang mga karanasan, malalaman natin kung paano nila hinarap ang mga kaguluhan at paano sila pinatatag ng mabuting balita ng ebanghelyo sa pakikibaka sa mga puwersa ng apostasiya.

Sa nalalapit na pagtatapos ng unang siglo, lahat ng naisulat na nakapreserba ngayon sa Bagong Tipan ay natapos na at malawakang napalaganap sa mga sangay ng Simbahan. Ang mga eskriba ay gumawa ng kopya ng mga teksto sa papyrus at kalaunan ay sa materyal na gawa sa balat ng hayop, ngunit kakaunti lang ang makukuhang kopya nito. Tinipon ng mga miyembro ng Simbahan ang mga aklat na nasa kanila at binasa at pinag-aralan ang mga salita ng Panginoon at ng mga Apostol. Ang isang matinding hadlang sa pagpapalaganap ng mga banal na kasulatan ay ang pang-uusig sa mga Kristiyano ng emperador ng Roma na si Diocletian noong a.d. 303. Ipinasunog niya ang mga banal na kasulatan ng mga Kristiyano at puwersahang pinag-alay ng mga sakripisyo ang mga Kristiyano sa mga diyus-diyusan ng mga pagano. Itinago ng maraming matatapat na tao ang mga sagradong teksto sa mga panahong iyon ng pang-uusig. Kalaunan, nang iutos ng unang Kristiyanong emperador na si Constantine ang paggawa ng mga bagong kopya ng mga banal na kasulatan, may nakuha pang mga aklat ang kanyang mga iskolar na ginamit sa mga sangay bago pa lumabas ang utos ni Diocletian. Ang ating makabagong limbag na mga edisyon ng Bagong Tipan ay nagmula sa mga kopya ng Biblia na ginawa sa panahon ni Constantine at samakatwid ay mula sa mga taong isinakripisyo ang kanilang kaligtasan para mapangalagaan ang bagong tipan ng Panginoon.

Di nagtagal matapos iutos ni Constantine na kopyahin at muling palaganapin ang Bagong Tipan, ang mga aklat na bumubuo sa ating Biblia sa kasalukuyan ay isinaayos ayon sa kaayusan nito ngayon. Ang kaayusang ito ay isinunod sa Lumang Tipan. Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng Batas (mga Ebanghelyo), kasaysayan ng Kristiyanismo (Mga Gawa), at mga Propeta (Mga Taga Roma hanggang Apocalipsis). Ang Luma at Bagong Tipan ay kapwa nagtatapos sa pangakong magbabalik ang Panginoon (Malakias at Apocalipsis). Ang pagkakaayos ng mga gawang ito ng mga propeta ay nagbibigay-diin din sa inaasam na kaligtasan at paghahayag sa hinaharap.

Sino ang Sumulat ng Bagong Tipan?

Bawat may-akda ng Bagong Tipan ay nagsulat nang may malinaw na pagkaunawa sa nakapagliligtas na misyon ni Jesucristo. Dalawa sa Mga Ebanghelyo ang isinulat ng mga Apostol: sina Mateo at Juan. Ang mga saksing apostol na ito ay nagbibigay ng patotoo ng isang saksi sa buhay ni Jesus. Dalawang alagad pa ng Panginoon ang nagsulat din ng Mga Ebanghelyo: sina Marcos at Lucas, na nagpatotoo sa kanilang nadama at nakita. Ang dalawang lalaking ito ay nakasamang minsan ni Pablo (tingnan sa Mga Gawa 12:25; II Kay Timoteo 4:11) at bahagyang inilarawan ang kapakanan ng dumaraming mga Banal na nakatira sa labas ng Judea at hindi kailanman nakilala ang Panginoon noong nabubuhay Siya sa lupa. Sa halip, ang kanilang mga tala ay nagbibigay ng malinaw na patotoo tungkol sa Kanya na kanilang pinaniniwalaan.

Ang mga sulat ni Pablo ay malamang na pinakauna sa mga nasusulat sa Bagong Tipan, bagama’t hindi ito isinulat lahat nang sabay-sabay. Ang kanyang patotoo ay nagmula sa kanyang karanasan bilang misyonero, mula sa ilang matitinding pangitain (tingnan sa Mga Gawa 9:1–6; II Mga Taga Corinto 12:1–7), at personal na pakikipag-ugnayan kay Pedro at sa iba pa (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:18–19). Sumulat siya higit sa lahat upang ayusin ang pagtatalu-talo sa mga sangay, ngunit may ilang pagkakataon na sumulat siya sa kanyang mga kaibigan (kina Timoteo at Tito). Sa isang sulat hiniling ni Pablo na tanggapin ng amo ang pagbalik ng isang aliping tumakas na nakilala ni Pablo sa bilangguan (sulat kay Filemon). Karaniwan nang pinaniniwalaan na isinulat ni Pablo ang aklat na Sa Mga Hebreo, bagama’t ang karaniwang panimula sa aklat na tumutukoy na siya ang may-akda noon ay wala roon. Gayunpaman, ang aklat ay nagpapatotoo kung paano tayo buong tapang na makalalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pananampalataya. Kabilang sa Bagong Tipan at kasunod ng mga sulat ni Pablo, ang Sa Mga Hebreo ay isang pormal na pagtalakay tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya sa gitna ng paghihirap.

Ang maikling Sulat ni Santiago ay isinulat din nang mas una at may mga reperensya sa mga turo ni Jesus mula sa Sermon sa Bundok na binanggit at ipinarating nang hiwalay sa isinulat na Ebanghelyo ni Mateo (tingnan sa Santiago 1:13; 4:12; 5:12). Si Santiago, ang nakababatang kapatid ng Panginoon, ang malamang na may-akda ng sulat na ito. Nagkaroon siya ng pribilehiyong makilala at makita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:7) at may mahalagang papel sa maraming kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan (tingnan sa Mga Gawa 15:13–29).

Ang Bagong Tipan ay naglalaman din ng dalawang sulat ni Apostol Pedro at tatlong sulat ni Apostol Juan. Kapwa nila hinikayat ang mga Kristiyano na maging tapat; lalo na si Pedro na nag-alala tungkol sa katapatan sa panahon ng pagsubok.

Ang aklat ni Judas ay isa sa mga pinakahuling isinulat sa Bagong Tipan. Tulad ng Santiago, ang aklat na ito ay malamang na isinulat din ng isa sa mga kapatid ng Panginoon (“Judas” sa Marcos 6:3). Sumulat si Judas sa pagtatangkang pigilan ang lumalaganap na apostasiya sa mga sangay.

Sa huli, ang Bagong Tipan ay nagtapos sa paghahayag ni Apostol Juan, na nagtala ng pangitain tungkol sa pagbabalik ng Panginoon sa kaluwalhatian para simulan ang Kanyang paghahari sa milenyo. Inilalarawan ng pangitaing iyan ang malinaw at detalyadong tunggalian sa pagitan ng mabuti at masama. Karamihan sa mga kabanata ay tumutukoy sa mga kaganapang mangyayari pa lamang kay Juan, kabilang na ang mga kaganapan sa mga huling araw—ang ating panahon.

Para Kanino Isinulat ang Bagong Tipan?

Dahil ang Bagong Tipan ay tunay na isang bagong tipan sa pagitan ng Panginoon at ng mga sumasampalataya sa Kanya, ang mga aklat ay nilayon para sa mga naghahangad na makilala Siya, sa dispensasyon mang ito o sa mga nakaraan. Dati-rati, isinulat ng mga may-akda ng Bagong Tipan ang mga teksto na agarang magagamit sa mga sangay ng Simbahan sa kanilang panahon, sa pagkaunawang itinatala nila ang pinakamahahalagang kaganapan sa kasaysayan ng sangkatauhan. Halimbawa, itinuring ni Juan na patotoo ang kanyang mga isinulat: “Nguni’t ang mga ito ay nangasulat, upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan” (Juan 20:31). Ang iba pa, tulad ni Lucas, ay sumulat upang idokumento ang kasaysayan:

“Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,

“Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng salita,

“Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod” (Lucas 1:1–3).

Magkakaiba ang pinagmulan ng mga sinaunang Kristiyano, ang ilan ay mula sa mga pamilyang Judio, at ang iba naman ay lumaki sa tahanan ng mga Gentil, at ang iba pa ay malamang na kakaunti ang kaalaman sa relihiyon sa kanilang buhay bago nabinyagan. Sila, wika nga, ang larawan ng pagkakaiba-iba ng mga Banal ngayon. Samakatwid, ang kanilang mga pakikibaka ay maaaring magpakita sa atin ng matitinding aral kung paano daigin ang kasamaan at manatiling tapat sa kabila ng pagsubok at tukso. Ipinakita rin nila sa atin kung paano nagsikap ang mga sangay noong kakaunti pa sila at kung paano nagkaroon ng kaligtasan sa mga salita ng mga apostol at propeta.

Isang Patotoo para sa Panahong Ito

Ipinahahayag ng Bagong Tipan na sa panahon ng kawalang-katiyakan, kapag ayaw makinig ng ilan sa panawagan ng ebanghelyo, may kaligtasan sa mga yaong “nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin” (Mga Gawa 2:42). Itinuturo sa atin ng iba pang mga halimbawa kung paano sinusubukan maging ang mabubuti (tingnan sa I Mga Taga Corinto 10:13) at kung paano naging simple ngayon ang sentro ng mensahe ng ebanghelyo na katulad noong nakalipas na 2,000 taon: “Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan” (Santiago 1:27). Gaya ng Doktrina at mga Tipan, kung saan nagpatotoo si Propetang Joseph Smith “na siya ay buhay!” (D at T 76:22), gayon din ang patotoo sa Bagong Tipan na walang laman ang libingan noong umaga ng Pagkabuhay: “Siya’y wala rito; sapagka’t siya’y nagbangon” (Mateo 28:6).

Si Jesucristo at ang Kanyang mga Apostol sa Huling Hapunan.

Pinakikinggan ng sinaunang mga Banal ang isa sa mga sulat ni Pablo.

Sumusulat si Pablo ng isang liham mula sa bilangguan.

Nangangaral si Pedro kay Cornelio at sa kanyang sambahayan.

Nangangaral at nagpapagaling sina Pedro at Juan.

Mga paglalarawan ng © Dover Publications

Kanan: paglalarawan ni Adam Koford