2011
Ang Aaronic Priesthood—Higit Pa sa Inaakala Ninyo
Enero 2011


Ang Aaronic Priesthood—Higit Pa sa Inaakala Ninyo

Isang Mensahe tungkol sa Tungkulin sa Diyos

Larawan
David L. Beck

Apat na taon na ang nakalilipas dumalo ako sa burol ng kapatid kong si Gary. Isa sa mga nagsalita ang nagbigay ng malaking papuri sa aking kapatid. Hindi na nawala sa isip ko iyon mula noon. Sabi niya, “Si Gary ay isang lalaking tapat sa priesthood. … Naunawaan niya ang priesthood, iginalang ang priesthood, at lubusang niyakap ang priesthood at mga alituntunin nito.”

Nang mamatay ang kapatid ko, high priest siya sa Melchizedek Priesthood, at 50 taon siyang galak na naglingkod sa priesthood. Si Gary ay isang mapagmahal na asawa at ama na marangal na naglingkod sa full-time mission, ikinasal sa templo, ginampanang mabuti ang kanyang mga tungkulin sa priesthood, at masigasig na naglingkod bilang home teacher.

Kayo ay mayhawak ng Aaronic Priesthood. Nagsisimula pa lamang ang paglilingkod ninyo sa priesthood. Baka nga wala pa kayong 50 araw na karanasan sa priesthood. Ngunit maaari din kayong maging karapat-dapat sa papuring natanggap ni Gary. Katunayan, dapat kayong maging karapat-dapat sa papuring iyon. Tinawag kayo ng Panginoon sa kagila-gilalas na gawain, at umaasa Siya na magiging lalaki kayong tapat sa priesthood.

Ang Malaking Kahalagahan ng Aaronic Priesthood

Isipin na lamang ang kadakilaan ng Aaronic Priesthood na taglay ninyo:

  • Isinugo ng Panginoon ang nabuhay na mag-uling si Juan Bautista upang ipanumbalik ang Aaronic Priesthood. Nang igawad ni Juan ang priesthood na ito kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, tinawag niya sila na mga “kapwa tagapaglingkod” (D at T 13:1). Binigyang-diin ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na “hindi itinuring [ni Juan] na mas mataas ang kanyang kalagayan kaysa kina Joseph at Oliver. Itinuring niya silang kapantay niya nang tawagin niya silang ‘aking kapwa tagapaglingkod.’” Sinabi pa ni Pangulong Hinckley na ang isang 12-taong-gulang na deacon ay maaari ding maging kapwa tagapaglingkod ni Juan.1

  • Hawak ng Aaronic Priesthood ang susi ng paglilingkod ng mga anghel (tingnan sa D at T 13:1). Sa matwid ninyong pamumuhay at masigasig na paglilingkod, matatanggap ninyo ang paglilingkod ng mga anghel na gagabay at magpapalakas sa inyo. Sa inyong pangangasiwa ng sacrament, matutulungan ninyo ang iba na matanggap din ang pagpapalang ito.2

  • Ang Aaronic Priesthood ang “may hawak ng mga susi ng … ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (D at T 13:1). Magkasama ang pagsisisi at binyag sa pagbuo ng pasukang papasukin ng mga tao upang makapagsimula sa landas tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:17–18). Sa pagkilos ayon sa patnubay ng inyong mga lider ng priesthood, matutulungan ninyo ang mga tao na mabuksan ang pasukang ito.

  • Kasama sa Aaronic Priesthood ang karapatang pangasiwaan ang sacrament. Sa inyong paghahanda, pagbabasbas, o pagpapasa ng sacrament, kinakatawan ninyo si Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 18:1–12). Tinutulungan ninyo ang mga miyembro ng inyong pamilya at mga kaibigan na alalahanin Siya, sariwain ang kanilang mga tipan, at maging karapat-dapat sa pagsama ng Banal na Espiritu.

Kailangan sa gayong mga pagkakataon ang paggawa ng kalalakihan ng priesthood—mga lalaking malakas ang espirituwalidad at gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa priesthood.

Bagong Aklat na Tungkulin sa Diyos

Sa patnubay ng ating mga buhay na propeta, isang materyal ang inihanda upang tulungan kayong maging lalaking tapat sa priesthood. Bagama’t bago ang materyal, pamilyar ang pangalan nito: Tungkulin sa Diyos.

Natutuwa ako sa bagong aklat na Tungkulin sa Diyos. Matutulungan kayo nitong sundin ang iniutos ng Panginoon na “matuto ng [inyong] tungkulin” at “kumilos sa katungkulang itinalaga sa [inyo], nang buong sigasig” (D at T 107:99).

Sa paggamit ng aklat bilang deacon, teacher, at priest, makasasali kayo sa mga aktibidad sa dalawang kategorya: espirituwal na lakas at mga tungkulin sa priesthood.

Isang Huwaran ng Pagiging [Mas Mabuti]

Bawat aktibidad sa aklat na Tungkulin sa Diyos ay may sinusunod na huwarang tutulong sa inyo na maging lalaking mayhawak ng priesthood na nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo: Una, matuto tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo o tungkulin sa priesthood. Pagkatapos kumilos kayo ayon sa inyong natutuhan. Sa huli, ibahagi ang inyong mga naiisip at nadarama tungkol sa inyong natutuhan at naranasan. Ang ilan sa mga aktibidad na ito ay personal. Ang iba ay maaaring iangkop para gamitin ng buong korum ninyo sa mga aralin sa araw ng Linggo o mga aktibidad sa buong linggo.

Sa pahina 39 ipinapakita ng sampol mula sa aklat kung paano ginagawa ang huwarang ito. Ang mga puna ay mula sa mga binatilyong nagkaroon na ng magagandang karanasan sa bagong aklat.

Isang Lalaking Tapat sa Priesthood

Kapag naiisip ko ang katagang “lalaking tapat sa priesthood,” naiisip ko talaga ang kapatid kong si Gary. Ngunit naiisip ko rin ang iba. Naiisip ko si Pangulong Thomas S. Monson, na nadama, noong deacon siya, na nakatuntong siya sa banal na lupa nang tulungan niya ang isang lalaking may kapansanan na makibahagi ng sacrament.3 Naiisip ko si Juan Bautista, ang dakilang mayhawak ng Aaronic Priesthood na naghanda ng landas para sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtuturo, pagpapatotoo, at pangangasiwa sa sagradong ordenansa ng binyag. At naiisip ko kayo. Sa paglakas ng inyong espirituwalidad at pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng inyong paglilingkod sa priesthood, kayo ay tunay na lalaking tapat sa priesthood.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “The Aaronic Priesthood—a Gift from God,” Ensign, Mayo 1988, 45.

  2. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” Liahona, Ene. 1999, 44–45.

  3. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Gawin ang Inyong Tungkulin—Iyan ang Pinakamainam,” Liahona, Nob. 2005, 56.

Paglalarawan ni Craig Dimond © IRI

Paglalarawan ni Steve Bunderson © 2000; larawang kuha ni John Luke © IRI