2011
Ipinagdiwang ang 60 Taon ng Early-Morning Seminary
Enero 2011


Ipinagdiwang ang 60 taon ng Early-Morning Seminary

Mahirap ang early-morning seminary, ngunit sa nakalipas na 60 taon natutuhan ng mahigit sa isang milyong kabataang miyembro ng Simbahan na sulit ang paggising nang madaling-araw at pagsisikap na ituon hindi lamang ang kanilang mga mata kundi pati rin ang kanilang isipan sa mga banal na kasulatan.

“Ang paggugol ng ilang minuto sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan bawat araw, pagpapatotoo, at pagdama sa Espiritu ay hindi lamang nagpalakas sa mga estudyante sa pagpasok sa paaralan, kundi may nakapagpapagaling itong epekto dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay,” sabi ni Kelly Haws, assistant administrator para sa seminary at institutes of religion. “Ito ay isang malaking oportunidad para sa mga kabataan.”

Ang Simula ng Early-Morning Seminary

Ang unang mga klase sa seminary ay idinaos sa regular na oras ng klase noong 1912 sa isang seminary na kalapit ng Granite High School sa Salt Lake City, Utah, USA. Gayunpaman, sa paglipas ng mga taon, parami nang parami ang mga kabataan sa Simbahan na naka-enroll sa pampublikong paaralan ngunit hindi makapunta sa mga klase sa seminary tulad ng mga estudyante sa Granite High.

Sa mabilis na pagdami ng mga miyembro sa Southern California noong huling bahagi ng 1940s, ang pangangailangang turuan ang mga kabataan sa ebanghelyo ay nagbigay-inspirasyon sa isang grupo ng mga stake president na hilingin ang pagkakaroon ng seminary program sa Southern California.

Noong school year 1948–49, si Marion D. Hanks, na kalaunan ay naglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu, ay nagtagumpay sa pagtuturo ng early-morning seminary class sa West High School sa Salt Lake City. Ang pagkakaroon ng gayunding mga klase ay tila magandang solusyon para sa mga Banal sa California, at 11 stake ang naaprubahan na bumuo ng 13 early-morning class.

Pagtugon sa Iba’t Ibang Pangangailangan

Mula sa opisyal na pagsisimula ng programa noong school year 1950–51, lumaganap ang early-morning seminary sa Estados Unidos at sa iba’t ibang dako ng mundo, tinutulungan ang mga kabataan saanman na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang opisyal na pangalan nito ay pinalitan kalaunan ng “daily seminary,” dahil hindi lahat ng klase ay idinaraos nang napakaaga.

Ang isang dahilan ng tagumpay ng daily seminary ay naiaangkop ito. Ang mga programa ay inorganisa sa stake at district, at maaaring mag-organisa ng mga klase sa isang ward o branch o sa magkakasamang ward o branch ayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga kabataan, magulang, at lider ng priesthood.

Samantalang mga 115,000 estudyante ang nakikinabang pa rin sa bawat taon mula sa released-time seminary na idinaraos sa oras ng klase sa mga lugar na maraming miyembro ng Simbahan, halos 217,000 estudyante ng seminary sa iba’t ibang dako ng mundo ang dumadalo sa daily seminary.

Dahil malayo ang tirahan ng ilang mga kabataan sa Simbahan sa iba pang mga miyembro ng Simbahan upang makadalo sa mga released-time o daily seminary class, ang home-study seminary program ay itinatag. Ang mga estudyante sa home-study ay gumugugol ng apat na araw bawat linggo na pinag-aaralang mag-isa ang mga itinalagang materyal, pagkatapos ay nagtitipun-tipon kasama ang iba pang mga estudyante sa home-study minsan sa isang linggo upang talakayin ang natutuhan nila.

Isang Batong Natibag, Hindi ng mga Kamay

Ngayon ang mga klase sa seminary ay idinaraos sa bawat estado sa Estados Unidos at sa 140 bansa sa iba’t ibang dako ng mundo. Noong 1948 ang Canada ang naging unang bansa sa labas ng Estados Unidos na nagdaos ng seminary. Dahil sa paglaganap ng early-morning seminary, sumunod ang Mexico noong 1958, Finland at Germany noong 1962, Japan noong 1963, Panama noong 1964, at marami pang bansa sa paglipas ng mga taon. Ang pinakahuli, nagkaroon ng mga klase sa seminary noong 2008 sa mga bansang Benin, Georgia, at Morocco.

Kapag lumalaganap ang seminary sa iba’t ibang dako ng mundo, nagkakaroon ng pandaigdigang komunidad ng mga estudyante ng seminary. Hindi mahalaga kung saan nakatira ang mga estudyante ng seminary, isinasaulo nila ang parehong mga talata sa scripture-mastery, pinag-aaralan ang parehong mga talata sa banal na kasulatan, nadarama ang gayunding Espiritu sa paglakas ng kanilang mga patotoo, at gumagawa upang maitayo ang gayunding kaharian.

Mga Pagpapala ng Pagsasakripisyo

Ang mga estudyante ng seminary, sila man ay dumadalo sa released-time, daily, o home-study seminary, ay nagsasakripisyo na mas naglalapit sa kanila sa Ama sa Langit.

“Kapag nagpasiya ang 15 taong gulang na kabataan na, ‘Gigising ako nang alas-5:00 n.u. para sa seminary,’ hindi lamang iyan isang pagsasakripisyo, ngunit ang paggamit ng kalayaang iyan ay pahayag sa Ama sa Langit na sinusuklian ng isang pagpapala,” sabi ni Brother Haws.

Totoo ang mga pagpapalang iyon ngayon tulad noong nakalipas na 60 taon, at ang seminary sa lahat ng uri nito ay patuloy na nagpapala sa buhay ng mga kabataan sa iba’t ibang dako ng mundo.

Mahigit isang milyong kabataang Banal sa mga Huling Araw ang nakinabang sa early-morning seminary mula nang simulan ito 60 taon na ang nakararaan.

© IRI