2011
Ang Pinakamahusay na Brigham Young
Enero 2011


Ang Pinakamahusay na Brigham Young

“Si Brigham Young [ay] inilaang bumangon sa kaganapan ng panahon upang makiisa sa paglalatag ng saligan ng dakilang gawain ng huling araw” (D at T 138:53).

Nakinig si Kathy nang ipinaliwanag ni Mr. Sodeberg kung paano nandayuhan ang mga tao sa Estados Unidos. Tuwang-tuwa siya sa bago niyang klase sa history. Habang binubuklat ang mga pahina ng bago niyang aklat sa history, tumigil si Kathy sa isang larawan ni Brigham Young. Hindi niya alam ang kabuluhan ni Brigham Young sa kasaysayan ng Estados Unidos noong araw.

Tinapos ni Mr. Sodeberg ang kanyang lektyur. “Araw-araw ay may homework kayo,” wika niya. “Bukas ipapasa ang unang asaynment ninyo.”

Bumuntong-hininga si Kathy habang nakatingin siya sa lahat ng tanong na iniatas ni Mr. Sodeberg.

“Nahirapan ka ba ngayon sa eskuwela?” tanong ni Inay.

“Homework po araw-araw,” sabi ni Kathy. Naalala niya ang larawan sa kanyang aklat sa history. “Inay, nasa textbook ko po si Brigham Young. Bakit po napakahalaga niya sa kasaysayan ng U.S.?”

“Pinamahalaan niya ang pandarayuhan ng libu-libong Banal sa mga Huling Araw papuntang Salt Lake Valley. Pagkatapos ay bumuo siya ng mga pamayanan,” sabi ni Inay. “Matagal ipinlano iyon. Mahalagang bahagi iyon ng pandarayuhang pakanluran sa bansa.”

Kinabukasan ipinahayag ni Mr. Sodeberg, “Sa isang linggo magtatanghal tayo ng readers’ theater. Bawat isa sa inyo ay magsasadula ng isang tauhan sa pandarayuhang pakanluran. Padadaluhin ang mga magulang ninyo at iba pang mga estudyante sa pagtatanghal.”

Sinimulang iatas ni Mr. Sodeberg ang mga tauhan sa mga estudyante at namigay siya ng mga iskrip. Nang itanong niya kung sino ang gustong gumanap sa papel ni Brigham Young, agad nagtaas ng kamay si Kathy.

“Ang homework ngayong gabi ay simulang isaulo ang inyong iskrip,” sabi ni Mr. Sodeberg. “Kailangan ninyong bigkasin ito nang walang mali. Nakasalalay diyan ang marka ‘nyo.”

Binasa ni Kathy ang kanyang iskrip habang palabas sila ng klase ng kaibigan niyang si Laura. Kinilabutan siya. “Mali itong lahat,” sabi niya kay Laura. “Ginawa nitong sinungaling si Brigham Young.”

“Iba lang ang pananaw mo dahil sa simbahan ninyo,” sabi ni Laura.

“Hindi ko masasabi ang mga ito,” sabi ni Kathy.

“Kailangan mo iyang bigkasin nang walang mali,” paalala ni Laura sa kanya.

Tumulo ang mga luha sa pisngi ni Kathy habang tumatakbong pauwi at dali-daling pumasok sa pinto sa harapan.

“Maraming homework?” tanong ni Inay.

“Mas malala po,” sabi ni Kathy, at iniabot sa kanya ang iskrip. “Basahin po ninyo ito.”

Binasa ng ina ang iskrip at napailing. “Walang masyadong alam tungkol kay Brigham Young ang sumulat nito.”

“Ano po ang gagawin ko?” tanong ni Kathy.

“Maghanap muna tayo ng kasuotan ni Brigham Young,” sabi ni Inay.

Sinukat ni Kathy ang mahabang amerikanang itim ng Lolo niya at itinupi ang manggas ng puting polo ng kanyang kapatid. Ipinakita ng kapitbahay nilang si Mr. Grandi kay Kathy kung paano lumakad na hawak ang ekstrang tungkod niyang kahoy.

May nakita si Inay na mataas na sumbrerong itim sa kabinet at isinuot ito kay Kathy. “Ipagmamalaki ka ni Brigham Young,” sabi ni Inay. “Ngayon kailangan mo ng bagong iskrip.”

Naghanap si Kathy ng impormasyon tungkol kay Brigham Young sa mga aklat ng kasaysayan at Web site ng Simbahan. Di nagtagal bago na ang iskrip.

“Ang totoong kuwento ni Brigham Young,” sabi ni Kathy.

Sa araw ng pagtatanghal, nagtipon ang klase ni Kathy sa awditoryum. Naghintay sa kanilang upuan ang mga magulang at iba pang mga estudyante. Pinasimulan ni Mr. Sodeberg ang programa; pagkatapos ay tumayo siya sa likod ng entablado habang binibigkas ng mga estudyante ang kanilang bahagi sa dula.

Nabigkas ni Alex nang walang mali ang kanyang iskrip, ngunit nagkamali-mali sa pagsasalita si Randall. Pinaulit siya ni Mr. Sodeberg mula sa simula. Pisil ni Kathy ang kanyang tungkod. Nang siya na ang magtatanghal, binigkas ni Kathy ang tunay na kuwento tungkol kay Brigham Young.

“Binago mo ba ang iskrip mo?” tanong ni Laura pagkatapos ng pagtatanghal.

“Oo. Sinabi ko ang totoo,” sabi ni Kathy.

“Nariyan na si Mr. Sodeberg,” sabi ni Laura.

“Ang gagaling ninyo,” sabi ni Mr. Sodeberg. “Kathy,” pagpapatuloy niya, “ikaw ang pinakamahusay na Brigham Young na nakita ko.”

Paglalarawan ni Julie F. Young