2010
Palakasin ang Pananampalataya sa Diyos Ama at kay Jesucristo sa Pamamagitan ng Sarilinang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Marso 2010


Mensahe sa Visiting Teaching

Palakasin ang Pananampalataya sa Diyos Ama at kay Jesucristo sa Pamamagitan ng Sarilinang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o, kung kailangan, magturo ng isa pang alituntunin na magpapala sa mga kapatid na babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

“Noong bagong kasal ako, … naanyayahan ako sa isang tanghalian para sa mga Relief Society sisters sa aking ward na nakapagbasa na ng Aklat ni Mormon o ng maikling aklat ng kasaysayan ng Simbahan. Paminsan-minsan na lang ako magbasa ng mga banal na kasulatan, kaya para makasama sa tanghalian, nagbasa ako ng maikling aklat dahil mas madali ito at sandali lang basahin. Habang nanananghalian ako, damang-dama ko na bagama’t magandang basahin ang aklat ng kasaysayan, dapat ay Aklat ni Mormon ang binasa ko. Hinihikayat ako ng Espiritu Santo na baguhin ang gawi ko sa pagbabasa ng banal na kasulatan. Sa mismong araw na iyon, sinimulan kong basahin ang Aklat na Mormon, at hindi na tinigilan ito. … Dahil sinimulan kong magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, natuto ako tungkol sa aking Ama sa Langit, sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at tungkol sa kailangan kong gawin upang maging tulad Nila. …

“… Bawat babae ay maaaring magturo ng doktrina ng ebanghelyo sa kanyang tahanan, at kailangan ng bawat kapatid na babae sa Simbahan ang kaalaman sa ebanghelyo bilang lider at guro. Kung hindi pa ninyo nakakagawiang mag-aral ng banal na kasulatan araw-araw, simulan ito ngayon at patuloy na mag-aral upang maging handa sa inyong mga responsibilidad sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”1

Julie B. Beck, Relief Society general president.

“Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa ating patotoo at sa patotoo ng mga miyembro ng ating pamilya. Ang mga anak natin ngayon ay lumalaki na napaliligiran ng mga tinig na humihikayat sa kanilang talikuran ang tama, at sa halip ay sundin ang mga kasiyahan ng mundo. Maliban kung matatag ang kanilang pundasyon sa ebanghelyo ni Jesucristo, na isang patotoo tungkol sa katotohanan, at determinasyong mamuhay nang marapat, sila ay madaling tablan ng ganitong mga impluwensya. Tungkulin nating palakasin at protektahan sila.”2

Pangulong Thomas S. Monson.

“Gusto nating maging mga iskolar ng mga banal na kasulatan ang kababaihan. … Kailangang maging pamilyar kayo sa kanyang mga walang hanggang katotohanan para na rin sa inyong kapakinabangan, at para maturuan ang sarili ninyong mga anak at ang iba pa na mapapasakop sa inyong impluwensya.”3

“Gusto nating pagpalain ang ating mga tahanan ng kababaihan na maalam sa mga banal na kasulatan—kayo man ay walang-asawa o may-asawa, bata o matanda, balo o nakikitira sa isang pamilya. … Maging maalam sa mga banal na kasulatan—hindi para hamakin ang iba, kundi para tulungan sila!”4

Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985).

Mga Tala

  1. Julie B. Beck, “Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2004, 107–9.

  2. Thomas S. Monson, “Tatlong Mithiin na Gagabay sa Inyo,” Liahona, Nob. 2007, 118.

  3. Spencer W. Kimball, “Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 102.

  4. Spencer W. Kimball, “The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 102.

Paglalarawan ni Matthew Reier