2010
Ang Priesthood Blessing ni Lindsay
Marso 2010


Ang Priesthood Blessing ni Lindsay

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon” (D at T 84:35).

Kinabahan si Lindsay habang iginagala ang paningin sa silid ng ospital. Alam niyang ilang sandali pa ay may darating para dalhin siya sa operating room para operahan. Nakatayo sina Inay at Itay sa tabi ng kanyang kama.

Ilang araw bago iyon, ang pamilya ni Lindsay ay nagdaos ng isang espesyal na family home evening. Nagbigay si Inay ng lesson tungkol sa mga priesthood blessing. Pagkatapos ay nagkuwento ang bawat miyembro ng pamilya tungkol sa isang pagkakataon nang pagpalain ito ng kapangyarihan ng priesthood. Payapa at masaya ang pakiramdam ni Lindsay habang nakikinig sa kanilang mga patotoo. Ipinaliwanag ni Inay na ang payapang damdamin ay ang Espiritu Santo na nagsasabi kay Lindsay na ang naririnig niya ay totoo.

Pagkatapos ng lesson, ang kuya ni Lindsay, na mayhawak ng Melchizedek Priesthood, ay nagpatak ng inilaang langis sa kanyang ulo at bumigkas ng panalangin. Pagkatapos ay binigyan siya ni Itay ng napakagandang basbas. Sinabi ni Itay na kilala at mahal siya ng Ama sa Langit. Sinabi niya na pagpapalain ang mga doktor sa kanilang gawain at magiging maayos ang operasyon. Ipinangako rin niya na makadarama si Lindsay ng kapanatagan at kapayapaan na hahalili sa kanyang mga pangamba.

Habang naghihintay sa ospital, sinikap ni Lindsay na maging matapang, ngunit unti-unting tumulo ang mga luha sa gilid ng kanyang mga mata. Dalawang lalaking nakasuot ng damit pang-ospital ang pumasok sa kanyang silid at sinabing oras na para operahan siya. Mababait sila at sinikap nilang pasayahin si Lindsay, ngunit hindi pa rin napawi ang pangamba ni Lindsay.

Niyakap ni Lindsay sina Itay at Inay mula sa kanyang kama. Pagkatapos ay hinatak na pataas ng isa sa mga lalaki ang barandilya sa kanyang kama upang maging ligtas siya habang itinutulak ang kama niya sa pasilyo. Nang lumingon si Lindsay para tingnan kung ano ang ginagawa ng lalaki, may nakita siyang pamilyar na singsing na yari sa pilak na suot ng lalaki. Isang mainit at payapang pakiramdam ang pumuspos sa kanyang puso nang makita niya ang mga letrang PAT sa singsing. Ngumiti si Lindsay habang napapawi ang kanyang mga pangamba. Alam niyang magiging maayos ang lahat.

Mga paglalarawan ni Adam Koford