2009
Mga Tinedyer sa Templo sa Aberdeen
Setyembre 2009


Mga Tinedyer sa Templo sa Aberdeen

Para sa mga kabataan ng Aberdeen Scotland Stake, ang taunang pagbisita sa templo ay isang karanasang nagpapabago ng buhay.

Hindi ko ito ipagpapalit sa anumang bagay sa mundong ito,” sabi ni Bethany Gilmour, 17, ng Bridge of Don Ward. “Ang isang linggong iyon sa templo ay nagpapalakas sa aking patotoo nang higit kaysa anupaman. At ito ang dahilan kaya ko gustong bumalik taun-taon. May mga bagay akong natutuhan sa mga temple trip na mananatili sa akin habambuhay—mga bagay na tutulong sa akin na piliin ang tama sa buhay ko.”

Ayon sa pangulo ng Aberdeen Scotland Stake na si Christopher Payne ganitong pahayag ang dapat asahan kapag tinanong ninyo ang mga kabataan ng kanyang stake tungkol sa taunang pagbisita nila sa Preston England Temple. Hindi siya nagyayabang.

Tuwing tag-araw ang 60 hanggang 70 kabataan ng Aberdeen stake, kasama ang kanilang mga adult leader at ilang young single adult mula sa stake, ay naglalakbay nang 6½–oras papunta sa Preston, England. Gumugugol sila ng 6 na araw sa templo. Tuwing umaga nasa bautismuhan sila para sa mga binyag at kumpirmasyon; tuwing hapon abala sila sa mga aktibidad at mga proyekto sa paglilingkod; tuwing gabi nagtitipon sila para sa mga fireside at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Natatapos ang buong linggo nila sa templo sa isang testimony meeting na karaniwang tumatagal nang apat na oras. Ngunit ang talagang maganda sa 6 na araw na ito sa templo ay kung paano nito naaapektuhan ang natitirang 359 na araw ng taon.

Karapat-dapat sa Templo sa Buong Taon

Ang mga pagbabagong hatid ng templo sa buhay ng mga kabataang ito ay hindi panandalian; pangmatagalan ang pagbabagong ito. Ganito ang sabi ni Melanie Bews, 17, ng Aberdeen Ward: “Sa araw ng paglisan mo sa templo naghahanda ka nang sumama sa susunod na pagbalik dito. Sa buong taon nagiging karapat-dapat ka para sa isang bagay. Sinisikap mong maging karapat-dapat na muling pumunta sa templo.” Binanggit ni Melanie ang tungkol sa isang pagtatanghal mula sa mga lider ng mga kabataan sa stake na kabilang ang isang poster na may walong hakbang upang tulungan silang maghanda para sa templo. “Ginamit ko itong tseklist para matiyak na nagagawa ko ang lahat ng kaya ko para makapaghanda. May ilang bagay sa listahan na hindi ko ginawa noon na sinimulan ko nang gawin, tulad ng pag-iingat ng hiwalay na journal para sa mga espirituwal na karanasan. Isang bagay iyan na nagagawa ko pa rin ngayon.”

Ganito ang sabi ni Nathan Cumming, 18, ng Elgin Branch, “Ang paghahanda ko para sa templo ay kasabay ng paghahanda ko para sa misyon.” Ipinaliwanag niya na ang kanyang mga dalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw ay mas makahulugan dahil nakatuon siya sa kanyang mithiin na maging karapat-dapat. “Bago sumapit itong huling temple trip, naging mas madasalin ako,” wika niya. “Kung minsan wala akong tiwala sa sarili ko at nahihiya ako. Kaya’t para makapaghanda sa temple trip na ito, ipinagdasal kong magkaroon ng higit na tiwala sa pakikihalubilo sa mga tao dahil kailanma’y hindi ako naging magaling doon.” Tiwala na siya ngayon na matutulungan siya ng mga karanasang ito na maging mas epektibong misyonero.

Ipinaliwanag ni Mylie Payne, 15, ng Aberdeen Ward kung paano naging mas personal sa kanya ang paghahanda sa templo sa paglipas ng mga taon: “Noong mga nakaraang taon grupu-grupo kaming nag-ayuno sa paghahanda para sa templo.” Ngayon kusa na itong ginagawa ni Mylie. “Sa taong ito nag-ayuno ako mismo para makinabang nang husto sa pagbisitang ito at mapalakas ang aking patotoo.” Binanggit din niya ang pagbabago sa paraan ng pag-aaral niya ng mga banal na kasulatan, lalo na ng Aklat ni Mormon: “Sinisikap kong unawain nang mas malalim at detalyado ang mga banal na kasulatan. Partikular na, pagdating sa mga bahagi tungkol sa binyag, talagang sinisikap kong pag-aralan at unawain ang mga ito.”

Ibinuod ito ni Bethany Gilmour nang ganito: “Tangay ko araw-araw ang natutuhan ko sa temple trip. Pag-uwi ko, iniisip ko na ang susunod na pagbisita roon. Iniisip ko kung ano ang natutuhan ko sa nauna at ano ang magagawa ko sa buong taon para madama ko pa rin ang nadama ko sa templo sa buong taon hanggang sa susunod na pagpunta.”

Mga Tampok sa Lahat

“Ang temple trip ang tampok na pangyayari ng taon,” sabi ni Hope Fraser, 18, ng Bridge of Don Ward. “Inaasam ito ng lahat.” Ngunit kabilang sa tampok na iyon ng taon ang mga tampok na pangyayari para sa bawat kabataang dumadalo. Ang naaalala nang husto ni Hope sa pagbisita sa templo sa taong ito ay ang espesyal na miting ng mga Laurel. “Napakaganda,” wika niya. “Dapat ay pag-uusapan namin ang tungkol sa pagdedeyt at mga sitwasyong hindi namin dapat pasukan. Nauwi ang usapan namin sa pasasalamat na nadama namin sa bawat isa.” Isang karanasan iyon na masayang inaalala maging ng mga Laurel adviser.

Sabi ni James Bowcutt, 18, ng Elgin Branch ang tampok na pangyayari sa paglilingkod niya sa templo ay nagkaroon siya ng pagkakataong mabinyagan para sa ilan sa kanyang mga ninuno. Bago pa ang pagbisita sa templo dinala ni James ang mga pangalan ng mga naunang miyembro ng pamilya na gagawan niya ng mga pagbibinyag. “Nababasa ko ang mga pangalan at talagang kinikilala ko sila. Talagang nadama ko na mga ninuno ko sila, at natutuwa ako na hawak ko ang mga pangalan ng aking mga kapamilya,” wika niya. “Talagang nadama ko na mas malapit ang koneksyon ko sa mga tao sa kabila ng tabing.”

Masayang ikinuwento ni Mylie Payne na nakapaglingkod siya sa templo, na hindi lang siya nagsagawa ng mga ordenansa sa loob kundi naglinis at nagdamo pa siya sa labas. “Natutuwa akong makapaglingkod sa bakuran [ng templo]. Espesyal ang madarama mo kapag pinaganda mo pa ang bahay ng Panginoon,” wika niya. “Napakasaya.”

“Ang paborito kong bahagi ay ang pagsama sa mga kaibigan pero hindi ang pagsi-shopping,” sabi ni Melanie Bews. “Masayang makasama ang aking mga kaibigan sa paligid ng templo at higit silang makilala at bumuo ng mga alaalang hindi makamundo. Ang pinakamainam ay ang pagsasama-sama namin habang pinatatatag ang aming patotoo.”

Ang tampok na madalas banggitin ng mga kabataan ay ang testimony meeting. Sabi ni Janine Gall, 17, ng Buchan Ward, “Kahit matagal ang testimony meeting, hindi naman iyon nakakainip. Para ngang 10 minuto lang ang itinagal niyon.” Idinagdag niya na “mabuting marinig ang mga patotoo ng ibang tao para lumakas ang patotoo mo at mas mapalapit sa isa’t isa ang mga kabataan. Dahil iilan lang kaming mga kabataan, kailangan naming mas kilalanin ang isa’t isa, at sa tingin ko nagagawa naming mabuti iyan sa templo.”

Pagkakaisa at Suporta

Kahit sila ay iilan lang na mga kabataang Banal sa mga Huling Araw, matatag ang mga kabataang lalaki at babae ng Aberdeen stake. Sinabi ni Simon Robertson, 18, ng Aberdeen Ward na sa taong ito ay “hiwa-hiwalay kaming lahat, pero kapag nasa templo kami, para kaming isang pamilya. Masayang-masaya kaming lahat dahil nasa templo kami, at halos palagi naming nadarama ang Espiritu. Para sa akin, payapang-payapa ang damdamin ko sa templo. Tumindi ang hangarin ko na hindi lamang ipamuhay ang ebanghelyo kundi ipamuhay pa ito nang mas mabuti. Nakikita ko ang magagawa namin kapag magkakasama kami. Gusto kong sikaping madama iyon sa lahat ng oras.”

Ipinaliwanag ni Janine Gall na “ang pinakamalapit na dalagita sa akin ay mga 45 minuto ang layo. Halos imposibleng magkita-kita para sa mga aktibidad o seminary, kaya mahirap manatiling espirituwal na matatag sa lahat ng oras. Kaya talagang nasisiyahan akong magpunta sa templo dahil para itong espirituwal na kapupunan. Napapasigla ako ng mga kaibigan ko at napapasigla ko rin sila.”

Magtabi-tabi man sa upuan suot ang puting damit para mabinyagan at makumpirma, o sama-samang magbasa ng mga banal na kasulatan sa tapat ng estatwa ni anghel Moroni na nasa tuktok ng tore ng templo, o sama-samang magdamo sa bakuran ng templo, ang mga kabataang ito ay gumagawa nang sama-sama. Naaalala ni Paige Payne, 13, ng Aberdeen Ward ang isang aktibidad na hindi lang naglapit sa kanila kundi nabasa pa silang lahat dahil dito: “Nagbubunot kami ng mga damo noon. Tumutubo ang mga ito sa paligid ng isang halaman, at kinailangang bunutin namin ang lahat ng damo—at milyun-milyon ito. Umuulan noon, kaya lahat kami ay naputikan. At nasa isang dalisdis kami, kaya tuwing sisikapin mong lumakad, dudulas ka. Talagang napakasaya. Hindi makapaniwala ang mga temple worker na nagtatrabaho pa rin kami. Dahil sama-sama naming ginagawa ang lahat ng ito, parang pinalakas kaming lahat nito.”

Idinagdag pa ni Ethan Fraser, 18, ng Bridge of Don Ward na ang pagkakaroon ng mga kaibigang matatag sa ebanghelyo ay gumagawa ng kaibhan sa buhay niya araw-araw. “Gusto ko may mababait akong kaibigan sa Simbahan,” wika niya. “Alam ko na kung dumaraan ako sa mga pagsubok, may isang tao roon na susuporta sa akin.”

Ang Kaibhan

Sinubukang ipaliwanag ni President Payne kung bakit napakaespesyal ng mga kabataan ng Aberdeen stake. Nagsisimba sila at nagpupunta sa mga aktibidad; dumadalo sila sa seminary; sinisikap nilang ipamuhay ang ebanghelyo. Iyan din ang ginagawa ng mga kabataan sa iba pang mga stake na natirhan niya.

“Pagkatapos ay lumipat ako sa Aberdeen stake, at sumama sa una kong temple trip,” wika niya. “Isang bagay ito ngayon na buong taon kong pinaplano. At ginagawa ko ito dahil nakikita ko ang nangyayari sa aming mga kabataan. Naniniwala ako na ang temple trip na ito ang nagpapanatili sa Espiritu sa buhay ng mga kabataang ito. Buong taon nilang pinag-uusapan ang temple trip. Tinatanong namin sila, ‘Sasama ba kayo sa temple trip?’ At sinasabi nilang, ‘Hindi ko ito ipagpapalit sa anumang bagay sa mundong ito.’

“Ang pagpunta sa templo—ang pagtayo sa banal na lugar na iyon—ay nagpapabago sa kanila. Hindi lamang sa araw o sa sandaling iyon, hindi lamang sa oras o sa linggong iyon. Binabago sila nito magpakailanman.”

Mga larawang kuha ni Paul VanDenBerghe at sa kagandahang-loob ng Aberdeen Scotland Stake, maliban kung iba ang nakasaad; larawan ng Preston England Temple na kuha ni John Luke

Nang magtipun-tipon ang mga kabataang ito para pag-usapan ang kanilang taunang pagbisita sa templo, sumang-ayon ang bawat isa na tila mas umaayos ang takbo ng buhay nila kapag ginagawa nila ang lahat para sundin ang mga utos ng Panginoon. May espesyal na bagay sa mga tinedyer na ito, at makikita mo ito sa kanilang mukha.

Ang mga araw na ginugol sa Preston England Temple ay kapwa puno ng aktibidad at katuparan ng pangarap. Tuwing umaga nasa bautismuhan ang mga kabataan; pagkatapos ay abala na sila sa mga proyektong paglilingkod at fireside. At may oras din para sa masasayang aktibidad tulad ng football.

Larawan ng bautismuhan ng Preston England Temple na kuha ni John Luke