2022
Mga Kaibigang Nagkakamping
Setyembre 2022


Mga Kaibigang Nagkakamping

Noong una, nadama ni Edison na parang hindi siya kabilang.

Larawan
boys sitting around campfire at night

Sinipa ni Edison ang lupa. Lahat ng iba pang mga batang lalaki ay nagkukwentuhan at nagtatayo ng mga tolda. Pero wala siyang kakilala.

Natigil sa pagsisimba ang pamilya ni Edison matapos silang lumipat sa Spain. Pero pinuntahan siya ng mga batang lalaki mula sa ward at niyaya siyang sumama sa kamping. Masaya ang kamping, pero ngayon ay hindi na sigurado si Edison kung gusto ba niya talagang pumunta rito. Pakiramdam niya ay hindi siya kabilang.

Dalawang batang lalaki, sina Diego at Juan, ang lumapit kay Edison. “Gusto mo bang sumama sa tolda namin?” tanong ni Diego.

Bumuntung-hininga si Edison at ngumiti. “Oo naman.”

“Ayos!” sabi ni Juan. “At pagkatapos puwede na tayong mag-swimming.”

Itinayo ng mga bata ang kanilang tolda at tumakbo papunta sa ilog. Malamig ang tubig, pero masayang-masaya na si Edison kaya halos hindi niya ito napansin. Pagkatapos ng tanghalian, nag-hiking ang mga bata at mga lider. Bumalik sila nang papalubog na ang araw, kaya tumulong sila sa pagtatayo ng campfire.

“Kumusta ang mga magulang mo?” tanong ni Juan.

Naglagay si Edison ng maliit na sanga sa apoy. “Nakakatuwa ang mga magulang ko. At ang kapatid kong babae ang pinakamatalik kong kaibigan. Lumipat kami rito mula sa Ecuador.”

Nagtinginan sina Diego at Juan na ngiting-ngiti.

“Taga-Ecuador rin kami!” sabi ni Juan.

Ibinaba ni Diego ang siper ng kanyang jacket para ipakita ang T-shirt niya. May simbolo ito ng soccer team ng Ecuador!

“Wow!” sabi ni Edison. “Ano ang pinakanami-miss ninyo sa Ecuador?”

Tumawa sina Diego at Juan. “Pagkain!” pareho nilang isinigaw.

Patuloy na pinag-usapan ng mga bata kung ano ang na-miss nila sa Ecuador at kung ano ang nagustuhan nila sa pagtira sa Espanya. Masaya si Edison na masarap kausap sina Diego at Juan.

Pagkatapos ay tumayo ang isa sa mga lider, si Brother Cisneros. “O, makinig lahat! Gusto nating tapusin ang gabi sa isang testimony meeting.”

Isa-isang tumayo ang mga bata at lider at ibinahagi ang kanilang patotoo. Ang kanilang mga salita ay parang mainit na kumot na bumalot sa puso ni Edison.

Tumayo si Diego. “Alam ko na ang Simbahan ay totoo. Alam ko na ang Diyos ang aking Ama at si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.”

Lalong tumindi ang init ng pakiramdam niya. Gusto ko ring malaman iyan, naisip ni Edison.

Kahit nang makauwi na si Edison mula sa pagkakamping, naiisip pa rin niya ang mga sinabi ni Diego. Nais niyang magsimba at matuto tungkol kay Jesus kasama sina Diego at Juan.

Nang gabing iyon sa hapunan, itinanong ni Papá, “Kumusta ang kamping?”

“Napakasaya po!” sabi ni Edison. “Lumangoy kami at nag-hiking at gumawa ng siga. Nagkaroon pa ako ng dalawang kaibigan na mula rin sa Ecuador!”

“Maganda iyan! Kailangan natin silang anyayahan dito,“ sabi ni Mamá.

Napahinto sandali si Edison. “Puwede po ba tayong magsimbang muli?”

Hindi nagsalita sina Mamá at Papá sa loob ng ilang sandali. Maya-maya ay tumikhim si Mamá. “Kung gusto mong pumunta, mabuti iyan,” sabi niya. “Pero hindi kami pupunta ni Papá.”

Bigla siyang napasandal sa kanyang upuan. Ayaw niyang magsimbang mag-isa. Siguro ay dapat siyang manatili sa bahay kasama ang kanyang pamilya.

Pagkatapos ay naalala ni Edison ang mainit na pakiramdam mula sa testimony meeting. Kahit ayaw magsimba ng kanyang pamilya, gustong pumunta ni Edison.

Bukod pa rito, hindi siya mag-iisa. Ngumiti si Edison habang kinakain niya ang kanyang hapunan. Pagkatapos ay dinampot niya ang telepono. Alam niyang may mga kaibigan siya na makakasamang pumunta sa simbahan!

Larawan
boys sitting around campfire at night

Paglalarawan ni Hollie Hibbert