Kabanata 8
May sigalutan at alitan hinggil sa kaharian—Bumuo si Akis ng lihim na pagsasabwatan na pinagtitibay ng sumpaan upang patayin ang hari—Ang mga lihim na pagsasabwatan ay sa diyablo at humahantong sa pagkawasak ng mga bansa—Binalaan ang mga Gentil sa pangkasalukuyang panahon laban sa mga lihim na pagsasabwatan na maghahangad na lupigin ang kalayaan ng lahat ng lupain, bansa, at bayan.
1 At ito ay nangyari na isinilang sa kanya si Omer, at si Omer ay nagharing kahalili niya. At isinilang kay Omer si Jared; at si Jared ay nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae.
2 At si Jared ay naghimagsik laban sa kanyang ama, at nagtungo at nanirahan sa lupain ng Het. At ito ay nangyari na nahibok niya ang maraming tao, dahil sa kanyang mga tusong salita, hanggang sa maangkin niya ang kalahati ng kaharian.
3 At nang maangkin na niya ang kalahati ng kaharian ay nakidigma siya sa kanyang ama, at tinangay niya ang kanyang ama sa pagkabihag, at pinagsilbi siya sa pagkabihag;
4 At ngayon, sa mga araw ng paghahari ni Omer ay nasa pagkabihag siya sa kalahati ng kanyang mga araw. At ito ay nangyari na nagkaroon siya ng mga anak na lalaki at babae, kabilang sa kanila sina Esrom at Coriantumer;
5 At labis silang nagalit dahil sa mga ginagawa ni Jared na kanilang kapatid, hanggang sa sila ay nakapangalap ng isang hukbo at nakidigma kay Jared. At ito ay nangyari na nakidigma sila sa kanya sa gabi.
6 At ito ay nangyari na nang mapatay nila ang hukbo ni Jared, papatayin na rin sana nila siya; at siya ay nagmakaawa sa kanila na huwag nila siyang patayin, at isusuko niya ang kaharian sa kanyang ama. At ito ay nangyari na ipinagkaloob nila sa kanya ang kanyang buhay.
7 At ngayon, si Jared ay naging napakalungkot dahil sa pagkawala ng kaharian, sapagkat inilagak niya ang kanyang puso sa kaharian at sa papuri ng sanlibutan.
8 Ngayon, ang anak na babae ni Jared na napakatuso, at nakikita ang kalungkutan ng kanyang ama, ay naisipang bumuo ng isang plano upang matubos niya ang kaharian para sa kanyang ama.
9 Ngayon, ang anak na babae ni Jared ay labis na kaaya-aya. At ito ay nangyari na nakipag-usap siya sa kanyang ama, at sinabi sa kanya: Sa anong dahilan labis na nalulungkot ang aking ama? Hindi po ba niya nabasa ang talaang dinala ng ating mga ama mula sa kabila ng malawak na kailaliman? Dinggin, hindi po ba’t may isang ulat hinggil sa kanila noong sinauna, na sila, sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na plano, ay nakatamo po ng mga kaharian at labis na kabantugan?
10 At ngayon, anupa’t ipatawag po ng aking ama si Akis, na anak na lalaki ni Kimnor; at masdan, ako po ay kaaya-aya, at ako ay magsasayaw sa kanyang harapan, at bibigyang-kasiyahan ko siya, upang naisin niya akong maging asawa; kaya nga kung hihingin po niya sa inyong ipagkaloob ako sa kanya na maging asawa, sa gayon, sasabihin po ninyo: Ipagkakaloob ko siya kung dadalhin mo sa akin ang ulo ng aking ama, ang hari.
11 At ngayon, si Omer ay isang kaibigan kay Akis; kaya nga, nang ipatawag ni Jared si Akis, ang anak na babae ni Jared ay nagsayaw sa kanyang harapan kung kaya’t kanyang nabigyang-kasiyahan siya, kaya nga ninais niyang maging asawa siya. At ito ay nangyari na sinabi niya kay Jared: Ipagkaloob mo siya sa akin na maging asawa.
12 At sinabi ni Jared sa kanya: Ipagkakaloob ko siya sa iyo kung dadalhin mo sa akin ang ulo ng aking ama, ang hari.
13 At ito ay nangyari na tinipon ni Akis sa bahay ni Jared ang lahat ng kanyang kaanak, at sinabi sa kanila: Mangangako ba kayo sa akin na magiging tapat kayo sa akin sa bagay na hihilingin ko sa inyo?
14 At ito ay nangyari na nanumpa silang lahat sa kanya, sa Diyos ng langit, at gayundin sa kalangitan, at gayundin sa lupa, at sa kanilang mga ulo, na sinuman ang magbabago mula sa pagtulong na hiniling ni Akis ay mawawalan ng kanyang ulo; at kung sinuman ang magsisiwalat ng anumang bagay na ipinaalam sa kanila ni Akis, siya rin ay nararapat kitlan ng kanyang buhay.
15 At ito ay nangyari na sa gayon sila sumang-ayon kay Akis. At ipinasumpa sa kanila ni Akis ang mga sumpang ibinigay ng mga yaong sinauna na naghangad din ng kapangyarihan, na ipinasa-pasa maging mula pa kay Cain, na isang mamamatay-tao mula pa sa simula.
16 At ang mga ito ay pinanatili ng kapangyarihan ng diyablo upang ihayag ang mga sumpang ito sa mga tao, upang mapanatili sila sa kadiliman, upang tulungan ang mga yaong naghahangad ng kapangyarihan na makakuha ng kapangyarihan, at makapaslang, at makadambong, at makapagsinungaling, at makagawa ng lahat ng uri ng kasamaan at mga pagpapatutot.
17 At ang anak na babae ni Jared ang siyang naglagay nito sa kanyang puso na saliksikin ang mga sinaunang bagay na ito; at inilagay ito ni Jared sa puso ni Akis; kaya nga, ipinasumpa ito ni Akis sa kanyang mga kaanak at kaibigan, inaakay silang palayo sa pamamagitan ng mga kaaya-ayang pangako upang kanilang gawin ang anumang bagay na naisin niya.
18 At ito ay nangyari na bumuo sila ng isang lihim na pagsasabwatan, maging tulad nila noong sinauna; kung aling pagsasabwatan ay pinakakarumal-dumal at pinakamasama sa lahat, sa paningin ng Diyos;
19 Sapagkat ang Panginoon ay hindi kumikilos sa pamamagitan ng mga lihim na pagsasabwatan, ni hindi siya nag-uutos na nararapat magpadanak ng dugo ang tao, kundi ipinagbabawal ito sa lahat ng bagay, mula pa sa simula ng tao.
20 At ngayon, ako, si Moroni, ay hindi isusulat ang pamamaraan ng kanilang mga sumpa at pagsasabwatan, sapagkat ipinaalam sa akin na mayroon nito sa lahat ng tao, at mayroon nito sa mga Lamanita.
21 At ang mga ito ang nagdulot ng pagkalipol ng mga taong ito na sinasabi ko ngayon, at gayundin ng pagkalipol ng mga tao ni Nephi.
22 At anumang bansa na magtataguyod sa mga gayong lihim na pagsasabwatan, upang makakuha ng kapangyarihan at makinabang, hanggang sa lumaganap ang mga ito sa buong bansa, dinggin, sila ay malilipol; sapagkat hindi pahihintulutan ng Panginoon na ang dugo ng kanyang mga banal, na padadanakin nila, ay laging magsumamo sa kanya mula sa lupa, upang maghiganti laban sa kanila, at gayunpaman, hindi niya sila ipinaghihiganti.
23 Samakatwid, O kayong mga Gentil, karunungan sa Diyos na ang mga bagay na ito ay nararapat ipaalam sa inyo, nang sa gayon ay makapagsisi kayo ng inyong mga kasalanan, at huwag pahintulutan ang mga nakamamatay na pagsasabwatan na manaig sa inyo, na itinatag upang makakuha ng kapangyarihan at makinabang—at ang gawain, oo, maging ang gawain ng pagkalipol ay sasapit sa inyo, oo, maging ang espada ng katarungan ng Diyos na Walang Hanggan ay hahalibas sa inyo, tungo sa inyong pagbagsak at pagkalipol kung pahihintulutan ninyong mangyari ang mga bagay na ito.
24 Samakatwid, inuutusan kayo ng Panginoon, na kapag nakita ninyo ang mga bagay na ito na naitatag sa inyo, magising ang pang-unawa ninyo sa inyong kakila-kilabot na kalagayan, dahil sa mga lihim na pagsasabwatang mapapasainyo; o sa aba niyon, dahil sa dugo nila na mga napatay; sapagkat sila ay nagsusumamo mula sa alabok upang maghiganti rito, at gayundin sa mga yaong nagtatag dito.
25 Sapagkat ito ay mangyayari na sinuman ang magtatatag nito ay naghahangad na ibagsak ang kalayaan ng lahat ng lupain, bansa, at bayan; at papapangyarihin nito ang pagkalipol ng lahat ng tao, sapagkat ito ay itinatag ng diyablo, na siyang ama ng lahat ng kasinungalingan; maging ang yaon ding sinungaling na luminlang sa ating mga unang magulang, oo, maging ang yaon ding sinungaling na siyang nagdulot na makagawa ng pagpaslang ang tao mula pa sa simula; na siyang nagpatigas sa puso ng mga tao kung kaya’t pinaslang nila ang mga propeta, at pinagbabato sila, at itinaboy sila mula pa sa simula.
26 Samakatwid, ako, si Moroni, ay inutusang isulat ang mga bagay na ito upang mawakasan ang kasamaan, at upang dumating ang panahon na si Satanas ay mawalan ng kapangyarihan sa puso ng mga anak ng tao, bagkus ay mahikayat sila na patuloy na gumawa ng kabutihan, upang sila ay makarating sa bukal ng lahat ng katwiran at maligtas.