Mga Banal na Kasulatan
Eter 5


Kabanata 5

Tatlong saksi at ang gawain na ring ito ang tatayong patotoo sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.

1 At ngayon, ako, si Moroni, ay isinulat ang mga salitang iniutos sa akin, alinsunod sa aking alaala; at sinabi ko sa iyo ang mga bagay na aking tinatakan; kaya nga huwag galawin ang mga ito upang maisalin mo; sapagkat ang bagay na yaon ay ipinagbabawal sa iyo, maliban sa panahong magiging karunungan ito sa Diyos.

2 At dinggin, maaari kang pahintulutang ipakita mo ang mga lamina sa mga yaong tutulong na maisakatuparan ang gawaing ito;

3 At sa tatlo ay ipakikita ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos; kaya nga malalaman nila nang may katiyakan na ang mga bagay na ito ay totoo.

4 At sa bibig ng tatlong saksi mapagtitibay ang mga bagay na ito; at ang patotoo ng tatlo, at ang gawaing ito, kung saan maipakikita ang kapangyarihan ng Diyos at gayundin ang kanyang salita, kung saan ang Ama, at ang Anak, at ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo—at ang lahat ng ito ay tatayong patotoo laban sa sanlibutan sa huling araw.

5 At kung mangyayari na sila ay magsisisi at lalapit sa Ama sa pangalan ni Jesus, sila ay tatanggapin sa kaharian ng Diyos.

6 At ngayon, kung wala akong karapatan sa mga bagay na ito, hatulan ninyo; sapagkat malalaman ninyo na ako ay may karapatan kapag nakita ninyo ako, at tayo ay tatayo sa harapan ng Diyos sa huling araw. Amen.