Kabanata 15
Milyun-milyon sa mga Jaredita ang napatay sa digmaan—Tinipon nina Shiz at Coriantumer ang lahat ng tao para sa isang labanang hanggang kamatayan—Ang Espiritu ng Panginoon ay tumigil nang magpunyagi sa kanila—Lubusang nalipol ang bansang Jaredita—Tanging si Coriantumer ang nalabi.
1 At ito ay nangyari na nang gumaling si Coriantumer sa kanyang mga sugat, nagsimula niyang maalala ang mga salitang sinabi sa kanya ni Eter.
2 Nakita niyang may napatay na halos dalawang milyon na kanyang mga tao sa pamamagitan ng espada, at siya ay nagsimulang malungkot sa kanyang puso; oo, may dalawang milyon na ang napatay sa magigiting na kalalakihan, at gayundin ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak.
3 Siya ay nagsimulang magsisi sa kasamaang nagawa niya; nagsimula niyang maalala ang mga salitang sinabi ng bibig ng lahat ng propeta, at nakita niya na ang mga ito ay natutupad na sa kasalukuyan, bawat mumunting bagay; at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati at tumangging maalo.
4 At ito ay nangyari na sumulat siya ng isang liham kay Shiz, hinihiling sa kanya na huwag niyang kitlin ang buhay ng mga tao, at isusuko niya ang kaharian alang-alang sa buhay ng mga tao.
5 At ito ay nangyari na nang matanggap ni Shiz ang kanyang liham, siya ay sumulat ng isang liham kay Coriantumer, na kung isusuko niya ang kanyang sarili, upang kanyang mapatay siya sa pamamagitan ng kanyang sariling espada, na hindi na niya kikitlin ang buhay ng mga tao.
6 At ito ay nangyari na hindi nagsisi ang mga tao ng kanilang kasamaan; at ang mga tao ni Coriantumer ay napukaw sa galit laban sa mga tao ni Shiz; at ang mga tao ni Shiz ay napukaw sa galit laban sa mga tao ni Coriantumer; kaya nga, nakidigma ang mga tao ni Shiz sa mga tao ni Coriantumer.
7 At nang makita ni Coriantumer na malapit na siyang magapi, siya ay muling tumakas sa harapan ng mga tao ni Shiz.
8 At ito ay nangyari na nakarating siya sa mga tubig ng Ripliancum, na ang salin ay malaki, o nakahihigit sa lahat; dahil dito, nang sila ay makarating sa mga tubig na ito, itinayo nila ang kanilang mga tolda; at itinayo rin ni Shiz ang kanyang mga tolda sa malapit sa kanila; at anupa’t kinabukasan, sila ay humayo upang makidigma.
9 At ito ay nangyari na naglaban sila sa isang napakasidhing digmaan, kung saan muling nasugatan si Coriantumer, at siya ay nawalan ng malay dahil sa kawalan ng dugo.
10 At ito ay nangyari na sumalakay ang mga hukbo ni Coriantumer sa mga hukbo ni Shiz kung kaya’t kanilang nagapi sila, kung kaya’t napapangyari nilang mapaurong sila sa kanilang harapan; at sila ay tumakas patimog, at itinayo ang kanilang mga tolda sa lugar na tinatawag na Ogat.
11 At ito ay nangyari na itinayo ng mga hukbo ni Coriantumer ang kanilang mga tolda sa may burol ng Rama; at ito ang yaon ding burol kung saan ikinubli ng aking amang si Mormon ang mga talaan para sa Panginoon, na mga banal.
12 At ito ay nangyari na sama-sama nilang tinipon ang lahat ng tao sa ibabaw ng buong lupain, na hindi napatay, maliban kay Eter.
13 At ito ay nangyari na namasdan ni Eter ang lahat ng gawain ng mga tao; at namasdan niya na ang mga taong pumapanig kay Coriantumer ay sama-samang tinipon sa hukbo ni Coriantumer; at ang mga taong pumapanig kay Shiz ay sama-samang tinipon sa hukbo ni Shiz.
14 Anupa’t sa loob ng apat na taon ay kanilang sama-samang tinipon ang mga tao, upang makuha nila ang lahat ng tao sa ibabaw ng lupain, at upang matanggap nila ang lahat ng lakas na maaari nilang matanggap.
15 At ito ay nangyari na nang kanilang sama-samang matipon silang lahat, bawat isa sa hukbong nais niya, kasama ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak—kapwa kalalakihan, kababaihan at mga bata na nasasandatahan ng mga sandata ng digmaan, may mga kalasag, at baluti sa dibdib, at baluti sa ulo, at nabibihisan alinsunod sa pamamaraan ng digmaan—sila ay humayo laban sa isa’t isa upang makidigma; at naglaban sila sa buong maghapon, at walang nagapi.
16 At ito ay nangyari na nang sumapit ang gabi, sila ay pagod, at nagpahinga sa kani-kanilang mga kuta; at matapos silang magpahinga sa kanilang mga kuta ay nagsisipaghagulgol at nagsisipanaghoy sila dahil sa pagkawala ng mga napatay sa kanilang mga tao; at napakalakas ng kanilang mga pagtangis, ng kanilang mga hagulgol at panaghoy, kung kaya’t niligalig nila nang labis ang buong kapaligiran.
17 At ito ay nangyari na sa kinabukasan, muli silang humayo sa digmaan, at kasindak-sindak at kakila-kilabot ang araw na yaon; gayunpaman, walang nagapi sa kanila, at nang muling sumapit ang gabi ay niligalig nila ang kapaligiran ng kanilang mga pagtangis, at kanilang mga hagulgol, at kanilang pagdadalamhati, dahil sa pagkawala ng mga napatay sa kanilang mga tao.
18 At ito ay nangyari na muling sumulat si Coriantumer ng isang liham kay Shiz, hinihiling na huwag na siyang muli pang humayo upang makidigma, kundi ang kunin niya ang kaharian, at huwag kitlin ang buhay ng mga tao.
19 Subalit dinggin, ang Espiritu ng Panginoon ay tumigil nang magpunyagi sa kanila, at si Satanas ay may ganap nang kapangyarihan sa mga puso ng mga tao; sapagkat sila ay nagpadala sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa pagkabulag ng kanilang mga isipan upang sila ay malipol; kaya nga, muli silang humayo upang makidigma.
20 At ito ay nangyari na buong araw silang naglaban, at nang sumapit ang gabi, nagsitulog sila sa kanilang mga espada.
21 At kinabukasan, sila ay naglaban maging hanggang sa sumapit ang gabi.
22 At nang sumapit ang gabi, sila ay nalango sa galit, maging tulad ng isang lalaking nalalango sa alak; at muli silang nagsitulog sa kanilang mga espada.
23 At kinabukasan, sila ay muling naglaban; at nang sumapit ang gabi, silang lahat ay nagsibagsak sa pamamagitan ng espada maliban sa limampu’t dalawa sa mga tao ni Coriantumer, at animnapu’t siyam sa mga tao ni Shiz.
24 At ito ay nangyari na nagsitulog sila sa kanilang mga espada nang gabing yaon, at kinabukasan, sila ay muling naglaban, at naglaban sila sa kanilang lakas sa pamamagitan ng kanilang mga espada at ng kanilang mga pananggalang, sa buong araw na yaon.
25 At nang sumapit ang gabi ay may tatlumpu’t dalawa sa mga tao ni Shiz at dalawampu’t pito sa mga tao ni Coriantumer.
26 At ito ay nangyari na sila ay kumain at natulog, at naghanda para sa kamatayan sa kinabukasan. At sila ay malalaki at malalakas na tao alinsunod sa lakas ng kalalakihan.
27 At ito ay nangyari na naglaban sila sa loob ng tatlong oras, at nawalan sila ng malay dahil sa kawalan ng dugo.
28 At ito ay nangyari na nang mabawi ng mga tauhan ni Coriantumer ang sapat na lakas upang makalakad sila, tatakas na sana sila para sa kanilang mga buhay; subalit dinggin, si Shiz ay tumindig, at gayundin ang kanyang mga tauhan, at siya ay nanumpa sa kanyang kapootan na papatayin niya si Coriantumer o masasawi siya sa pamamagitan ng espada.
29 Samakatwid, kanyang tinugis sila, at kinabukasan, sila ay naabutan niya; at muli silang naglaban sa pamamagitan ng espada. At ito ay nangyari na nang nagsibagsakan silang lahat sa pamamagitan ng espada, maliban kina Coriantumer at Shiz, dinggin, si Shiz ay nawalan ng malay dahil sa kawalan ng dugo.
30 At ito ay nangyari na nang humilig si Coriantumer sa kanyang espada, na siya ay nakapagpahinga nang kaunti, tinagpas niya ang ulo ni Shiz.
31 At ito ay nangyari na matapos niyang tagpasin ang ulo ni Shiz, bumangon si Shiz gamit ang kanyang mga kamay at bumagsak; at matapos niyang magpumilit huminga, siya ay namatay.
32 At ito ay nangyari na bumagsak sa lupa si Coriantumer, at tila bang wala na siyang buhay.
33 At ang Panginoon ay nangusap kay Eter, at sinabi sa kanya: Humayo ka. At humayo siya, at namasdan na ang lahat ng salita ng Panginoon ay natupad na; at tinapos niya ang kanyang tala; (at ang ika-isandaang bahagi nito ay hindi ko isinulat) at ikinubli niya ang mga ito sa isang pamamaraan na natagpuan ito ng mga tauhan ni Limhi.
34 Ngayon, ito ang mga huling salitang isinulat ni Eter: Maging iutos man ng Panginoon na ako ay magbagong-kalagayan, o na danasin ko ang kalooban ng Panginoon sa laman, ito ay hindi na mahalaga, kung maliligtas ako sa kaharian ng Diyos. Amen.