Mga Banal na Kasulatan
Eter 13


Kabanata 13

Nangusap si Eter tungkol sa isang Bagong Jerusalem na itatayo sa Amerika ng mga binhi ni Jose—Siya ay nagpropesiya, itinaboy, isinulat ang kasaysayan ng mga Jaredita, at ibinadya ang pagkalipol ng mga Jaredita—Sinalanta ng digmaan ang buong lupain.

1 At ngayon, ako, si Moroni, ay magpapatuloy na tapusin ang aking tala hinggil sa pagkalipol ng mga taong siya kong isinusulat.

2 Sapagkat dinggin, tinanggihan nila ang lahat ng salita ni Eter; sapagkat tunay niyang sinabi sa kanila ang lahat ng bagay mula sa simula ng tao; at na matapos bumaba ang tubig mula sa ibabaw ng lupaing ito, ito ay naging isang piling lupain sa lahat ng iba pang lupain, isang piling lupain ng Panginoon; kaya nga, nais ng Panginoon na siya ay paglingkuran ng lahat ng taong maninirahan dito;

3 At na ito ang lugar ng Bagong Jerusalem, na bababa mula sa langit, at ang banal na santuwaryo ng Panginoon.

4 Dinggin, nakita ni Eter ang mga araw ni Cristo, at siya ay nangusap hinggil sa isang Bagong Jerusalem sa lupaing ito.

5 At siya ay nangusap din hinggil sa sambahayan ni Israel, at sa Jerusalem kung saan magmumula si Lehi—matapos nitong mawasak, muli itong itatayo, isang banal na lungsod sa Panginoon; kaya nga, hindi ito maaaring maging bagong Jerusalem sapagkat ito ay naroon na noong unang panahon; kundi muli itong itatayo, at magiging isang banal na lungsod ng Panginoon; at itatayo ito sa sambahayan ni Israel—

6 At na isang Bagong Jerusalem ang itatayo sa lupaing ito, para sa mga labi ng mga binhi ni Jose, kung aling mga bagay ay may kahalintulad.

7 Sapagkat tulad ng pagdadala ni Jose sa kanyang ama sa lupain ng Egipto, maging sa roon na siya namatay; anupa’t dinala ng Panginoon ang isang labi ng mga binhi ni Jose sa labas ng lupain ng Jerusalem, upang siya ay maging maawain sa mga binhi ni Jose nang hindi sila mangasawi, maging tulad ng awa niya sa ama ni Jose upang hindi siya masawi.

8 Anupa’t ang labi ng sambahayan ni Jose ay babangon sa lupaing ito; at ito ay magiging lupaing kanilang mana; at magtatayo sila ng isang banal na lungsod sa Panginoon, tulad ng sinaunang Jerusalem; at hindi na sila muli pang mapipisan, hanggang sa dumating ang katapusan kapag ang mundo ay lilipas na.

9 At magkakaroon ng bagong langit at bagong mundo; at magiging katulad ang mga ito ng sinauna maliban sa lumipas na ang sinauna, at ang lahat ng bagay ay magiging bago.

10 At pagkatapos, ang Bagong Jerusalem ay matatatag; at pinagpala sila na naninirahan doon, sapagkat sila ang mga yaong mapuputi ang mga kasuotan sa pamamagitan ng dugo ng Kordero; at sila ang mga yaong nabibilang sa mga binhi ni Jose, na kabilang sa sambahayan ni Israel.

11 At sa gayundin maitatatag ang sinaunang Jerusalem; at ang mga naninirahan doon, pinagpala sila, sapagkat sila ay hinugasan sa dugo ng Kordero; at sila ang mga yaong ikinalat at tinipon mula sa apat na sulok ng mundo, at mula sa mga bansa sa hilaga, at mga kabahagi sa katuparan ng tipang ginawa ng Diyos sa kanilang amang si Abraham.

12 At kapag nangyari ang mga bagay na ito, matutupad ang banal na kasulatan na nagsasabi, narito sila na mga yaong nauna, na mga mahuhuli; at narito sila na mga yaong nahuli, na mga mauuna.

13 At ako sana ay magsusulat pa subalit pinagbawalan ako; gayunpaman dakila at kagila-gilalas ang mga propesiya ni Eter; subalit kanilang itinuring siya na walang kabuluhan, at itinaboy siya; at ikinubli niya ang kanyang sarili sa butas ng isang malaking bato sa araw, at sa gabi ay humahayo siya’t tinatanaw ang mga bagay na mangyayari sa mga tao.

14 At habang siya ay namamalagi sa butas ng isang malaking bato, ginawa niya ang nalalabi sa talang ito, tinatanaw ang mga pagkalipol na nangyari sa mga tao, sa gabi.

15 At ito ay nangyari na sa taon ding yaon kung kailan siya itinaboy mula sa mga tao, nagsimulang magkaroon ng isang malaking digmaan sa mga tao, sapagkat marami ang nag-aklas, na malalakas na tao, at naghangad na patayin si Coriantumer sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na plano ng kasamaan, na nabanggit na.

16 At ngayon, si Coriantumer, na nakapag-aral, sa kanyang sarili, ng lahat ng kasanayan sa digmaan at sa lahat ng katusuhan ng sanlibutan, kaya nga siya ay nakidigma sa kanila na naghahangad na patayin siya.

17 Subalit hindi siya nagsisi, ni ang kanyang mga kaaya-ayang anak na lalaki o anak na babae; ni ang mga kaaya-ayang anak na lalaki at babae ni Cohor; ni ang mga kaaya-ayang anak na lalaki at babae ni Corihor; at sa madaling salita, walang sinuman sa mga kaaya-ayang anak na lalaki at babae sa ibabaw ng buong lupain ang nagsisi ng kanilang mga kasalanan.

18 Anupa’t ito ay nangyari na sa unang taon ng pamamalagi ni Eter sa butas ng isang malaking bato, maraming tao ang napatay sa pamamagitan ng espada ng mga yaong lihim na pagsasabwatan, nakikipaglaban kay Coriantumer upang makamit nila ang kaharian.

19 At ito ay nangyari na labis na nakipaglaban at labis na dumanak ang dugo ng mga anak na lalaki ni Coriantumer.

20 At sa ikalawang taon, ang salita ng Panginoon ay inihayag kay Eter, na siya ay nararapat humayo at magpropesiya kay Coriantumer na, kung magsisisi siya, at ang kanyang buong sambahayan, ipagkakaloob ng Panginoon sa kanya ang kanyang kaharian at ililigtas ang mga tao—

21 Kung hindi, malilipol sila at ang kanyang buong sambahayan maliban sa kanyang sarili. At siya ay bubuhayin lamang upang makita ang katuparan ng mga propesiyang nabanggit hinggil sa iba pang mga tao na makaaangkin sa lupain bilang kanilang mana; at si Coriantumer ay makatatanggap ng libing sa pamamagitan nila; at lahat ng kaluluwa ay malilipol maliban kay Coriantumer.

22 At ito ay nangyari na hindi nagsisi si Coriantumer, ni ang kanyang sambahayan, ni ang mga tao; at ang mga digmaan ay hindi tumigil; at hinangad nilang patayin si Eter, subalit siya ay tumakas sa kanilang harapan at nagkubling muli sa butas ng malaking bato.

23 At ito ay nangyari na may nag-aklas na isang Sared, at siya ay nakidigma rin kay Coriantumer; at nagapi niya siya, kung kaya’t sa ikatlong taon, siya ay kanyang nadala sa pagkabihag.

24 At ang mga anak na lalaki ni Coriantumer, sa ikaapat na taon, ay nagapi si Sared, at nabawing muli ang kaharian para sa kanilang ama.

25 Ngayon, nagsimulang magkaroon ng isang digmaan sa ibabaw ng buong lupain, bawat tao kasama ng kanyang pangkat ay nakikipaglaban para sa yaong kanyang naisin.

26 At may mga tulisan, at sa madaling salita, lahat ng uri ng kasamaan sa ibabaw ng buong lupain.

27 At ito ay nangyari na labis na nagalit si Coriantumer kay Sared, at humayo siya kasama ang kanyang hukbo laban sa kanya upang makidigma; at sila ay nagharap sa masidhing galit, at nagharap sila sa lambak ng Gilgal; at ang digmaan ay naging napakasidhi.

28 At ito ay nangyari na nakipaglaban sa kanya si Sared sa loob ng tatlong araw. At ito ay nangyari na nagapi siya ni Coriantumer, at tinugis siya hanggang sa siya ay makarating sa kapatagan ng Heslon.

29 At ito ay nangyari na muling nakidigma sa kanya si Sared sa kapatagan; at dinggin, nagapi niya si Coriantumer, at naitaboy siyang muli pabalik sa lambak ng Gilgal.

30 At si Coriantumer ay muling nakidigma kay Sared sa lambak ng Gilgal, kung saan niya nagapi si Sared at napatay siya.

31 At si Coriantumer ay nasugatan ni Sared sa kanyang hita, kung kaya’t hindi siya muling nakidigma sa loob ng dalawang taon, kung saang panahon ang lahat ng tao sa ibabaw ng lupain ay nagsipagpadanak ng dugo, at walang sinuman ang pumipigil sa kanila.