Seminaries and Institutes
Lesson 9: Ang mga Banal na Tungkulin at Responsibilidad ng Kalalakihan


9

Ang mga Banal na Tungkulin at Responsibilidad ng Kalalakihan

Pambungad

Bilang mahalagang bahagi ng Kanyang plano ng kaligayahan, itinalaga ng Ama sa Langit ang kalalakihan na maging mga asawa at mga ama. Ang lesson na ito ay nakatuon sa kanilang mga responsibilidad: “Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Nob 2010, 129).

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Richard G. Scott, “Ang mga Walang Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 94–97.

  • D. Todd Christofferson, “Magpakalalaki Tayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 46–48.

  • Linda K. Burton, “Magkasama Tayong Aangat,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 29–32.

  • Howard W. Hunter, “Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 66–70.

  • “Ang mga Sagradong Tungkulin ng mga Ama at Ina,” kabanata 15 sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 221–234.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mga Taga Efeso 5:25

Ang kalalakihan ay magpapakasal at mamahalin ang kanilang mga asawa

Simulan ang klase sa pagtatanong ng:

  • Sinong kalalakihan ang nagkaroon ng impluwensya sa inyong buhay? Bakit naimpluwensyahan nila kayo?

Ipaliwanag na tatalakayin sa lesson na ito ang mga banal na tungkulin ng kalalakihan. Wala nang mas mahalagang tungkulin para sa isang lalaki kaysa sa mga tungkulin niya bilang asawa at ama. Habang sinisikap gampanan ng kalalakihan ang mga tungkuling ito, sila ay nagiging higit na katulad ng kanilang Ama sa Langit.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 5:25.

  • Anong alituntunin ang natutuhan ninyo mula sa banal na kasulatang ito tungkol sa dapat gawin ng mga lalaki? (Bagama’t maaaring iba-ibang salita ang kanilang gamitin, dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning ito: Dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng pagmamahal ni Jesucristo sa Simbahan.)

  • Ano ang ilang paraan ni Jesucristo sa pagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa Simbahan?

  • Ano ang magagawa ng mga lalaki upang matularan si Jesucristo sa paraan ng pagtrato nila sa kanilang mga asawa?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Labis na iniibig ni Cristo ang simbahan at ang mga kasapi nito kaya nga kusa niyang tiniis ang mga pang-uusig para sa kanila, nagdanas ng mga mapanyurak na panlalait para sa kanila, tinanggap nang walang reklamo ang sakit at pisikal na pang-aabuso para sa kanila, at sa huli ay ibinigay ang kanyang mahalagang buhay [para sa kanila].

“Kapag itinuturing ng asawang lalaki ang kanyang sambahayan sa ganitong paraan, hindi lang ang asawa ngunit ang buong pamilya ang tutugon sa kanyang pamumuno” (“Home, the Place to Save Society,” Ensign, Ene. 1975, 5).

  • Ano ang naisip ninyo nang pagnilayan ninyo ang pahayag na ito ni Pangulong Kimball?

  • Sa paanong mga paraan maaaring magsakripisyo ang isang ama para sa kanyang pamilya sa ating panahon?

Magpatotoo na nais ng Ama sa Langit na pagsikapan ng kalalakihan na maging mabubuting asawa.

Mga Taga Efeso 5:23; Doktrina at mga Tipan 121:36–46

Ang mga ama ang mangungulo sa kabutihan

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang ikapitong talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” upang malaman kung ano ang inaasahan ng ating Ama sa Langit sa mga ama.

  • Ano ang ibig sabihin ng salitang mangungulo? (Gagabayan at papayuhan ang iba.)

  • Paano makatutulong sa isang lalaki na alalahanin ang pariralang “sa plano ng Diyos” upang magampanan ang mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa mga ama?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano mangungulo ang isang ama sa tahanan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 5:23. Pagkatapos ay ipabasa sa isa pang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Itinuro ni Apostol Pablo na ‘ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia’ (Mga Taga Efeso 5:23; idinagdag ang italics). Iyan ang huwarang susundin natin sa ating tungkuling mamuno sa tahanan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuno nang mabagsik o malupit sa Simbahan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na tinatrato ang Kanyang Simbahan nang walang-galang o mapagpabaya. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuwersa o namimilit sa pagsasagawa ng Kanyang mga layunin. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na gumagawa ng anuman maliban sa mga bagay na nagpapalakas, nagpapasigla, [nagpa]panatag, at nagpapadakila sa Simbahan. … Siya ang huwarang kailangan nating sundin sa espirituwal na pamumuno natin sa ating mga pamilya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 227).

  • Paano ninyo ipapahayag bilang isang alituntunin ang itinuro ni Apostol Pablo at ni Pangulong Benson? (Dapat makapagpahayag ang mga estudyante ng isang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag ginamit ng isang lalaki ang priesthood nang karapat-dapat sa kanyang tahanan, maiimpluwensyahan niya sa kabutihan ang kanyang asawa at mga anak. Bukod pa rito, ibahagi ang alituntuning ito sa mga estudyante: Kapag sinikap ng kalalakihan na gampanan nang matwid ang mga tungkulin ng asawa at ama, sila ay magiging higit na katulad ng kanilang Ama sa Langit.)

Upang maipaliwanag nang mas malinaw kung paano nangungulo o namumuno ang isang asawa at ama sa tahanan, ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

“Sa banal na pagtatalaga, ang responsibilidad na mamuno sa tahanan ay nakaatang sa mayhawak ng priesthood (tingnan sa Moises 4:22). Layon ng Panginoon na ang babae ay maging katuwang ng lalaki (ang ibig sabihin ng katuwang ay kapantay)—ibig sabihin, isang asawang may pantay na karapatan at mahalaga sa lubos na pagsasamahan. Ang matwid na pamumuno ay nangangailangan ng magkatuwang na responsibilidad ng mag-asawa; magkasama kayong kumikilos nang may kaalaman at pakikibahagi sa lahat ng bagay na nauukol sa pamilya. Kapag sinarili ng lalaki ang pamamahala sa pamilya o hindi niya isinaalang-alang ang damdamin at payo ng kanyang asawa, hindi siya makatwirang mamuno” (“Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 50–51).

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Doktrina at mga Tipan 121:36-46. Imungkahi na i-cross-reference nila ang Mga Taga Efeso 5:23, 25 sa mga talatang ito. (Tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng kasanayan sa pag-cross-reference sa pag-aaral nila ng banal na kasulatan sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na gawin iyon kung angkop.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 121:36–39 at sabihin sa kanila na isipin kung paano sumasalungat ang pamumunong inilarawan sa mga talatang ito sa uri ng pamumuno na ipinakita ni Jesucristo.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “ang mga karapatan ng pagkasaserdote”? (Kapag tumanggap ng priesthood ang isang lalaki, ang Diyos ay nagkakaloob ng ilang karapatan at awtoridad sa kanya. Magagamit ng lalaki ang mga karapatang ito kapag kumikilos siya sa kabutihan.)

  • Ano ang mangyayari kapag hindi namumuhay nang matwid ang taong maytaglay ng priesthood? (Binabawi ng Diyos ang mga kapangyarihan ng langit sa taong iyan, at hindi na niya magagamit ang awtoridad ng priesthood; ang Espiritu Santo ay magdadalamhati.)

Upang maunawaan kung paano dapat mamuno ang isang ama sa kanyang pamilya, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:41–46.

  • Ano ang ilan sa mga katangian na katulad ng kay Cristo ang inilarawan sa mga talatang ito? Sa inyong palagay, bakit magagamit ng isang ama na nagtataglay ng mga katangiang ito ang mga kapangyarihan ng langit?

  • Paano makatutulong ang mga katangiang katulad ng kay Cristo sa mga ama sa pamumuno nila sa kanilang mga pamilya? (Maaari mong linawin na ang mga katangiang katulad ng kay Cristo ay dapat ding taglayin ng kababaihan.)

  • Ilarawan kung ano ang maaaring maramdaman ng isang asawa o anak ng isang lalaking nagsisikap na tularan ang halimbawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa paraan ng pamumuno niya sa kanyang pamilya.

Ipakita at ibahagi ang sumusunod na pahayag na isinulat ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1973:

“Ang pagiging ama ay pamumuno, ang pinakamahalagang uri ng pamumuno. Ito’y ganito na; at mananatiling gayon. Mga ama, sa tulong at payo at panghihikayat ng inyong asawa, kayo’y mamumuno sa inyong tahanan. Hindi pinag-uusapan dito kung kayo ang pinakanararapat o pinakamagaling, kundi ang mahalaga’y batas at itinalaga ito [ng Diyos]” (“Father, Consider Your Ways,” Ensign, Hunyo 2002, 16).

  • Mga sister, ano ang magagawa ninyo upang mahikayat ang mga kabataang lalaki na gampanan ang kanilang mga banal na tungkulin at responsibilidad sa kanilang magiging pamilya?

  • Ano ang magagawa ninyo ngayon—kayong kalalakihan at kababaihan—upang maging mas handang mamuno sa inyong pamilya sa hinaharap?

Mateo 2:13–16; I Kay Timoteo 5:8; Doktrina at mga Tipan 75:28; 83:2, 4

Ang mga ama ang maglalaan ng mga pangangailangan at magpoprotekta sa kanilang mga pamilya

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang I Kay Timoteo 5:8 at Doktrina at mga Tipan 75:28; 83:2, 4, at tukuyin ang isa pang mahalagang tungkulin ng mga ama. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na i-cross-reference ang mga scripture passage na ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit inaasahan ng Panginoon ang mga ama na maglaan para sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, ipaliwanag na sa mga tahanang walang ama, makapaglalaan ang ina para sa kanyang pamilya.)

  • Ano ang maaaring ibig sabihin ng mga scripture passage na ito sa isang binatang wala pang asawa?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Pagsikapang makapag-aral. Kunin ang lahat ng training na kaya ninyo. Babayaran kayo ng pinagtatrabahuhan o ng mga kustomer ninyo sa inaakala nilang nararapat sa inyo. … Ang pangunahing responsibilidad ninyo ay maglaan para sa inyong pamilya” (“Living Worthy of the Girl You Will Someday Marry,” Ensign, Mayo 1998, 50).

Bigyang-diin sa mga estudyante na para sa seguridad ng kanilang pamilya sa hinaharap, mahalaga para sa mga kabataang lalaki at babae na matalinong gamitin ang panahong ito para mag-aral mabuti at kumuha ng maraming job training hangga’t maaari.

Ipaliwanag na sa pagpapahayag tungkol sa pamilya, itinuro ng mga lider ng Simbahan na ang mga ama ang maglalaan ng mga pangangailangan at magpoprotekta sa kanilang mga pamilya.

  • Ano ang ilang panganib na nagbabanta sa mga pamilya ngayon?

  • Paano ninyo nakitang pinoprotektahan ng mabubuting ama ang kanilang mga pamilya?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

“Ang isang mabuting ama ay pinoprotektahan ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng pag-uukol ng kanyang panahon at sarili sa mga aktibidad at responsibilidad nila sa lipunan, sa kanilang pag-aaral, at sa espirituwal” (“Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 51).

  • Paano ninyo susundin ang payo na ito sa inyong pamilya sa hinaharap o sa inyong pamilya ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sisikaping palakasin at protektahan ang kanilang pamilya at pagkatapos ay itala nila ang kanilang mga ideya.

Ipaliwanag na may matututuhan tayong mahalagang alituntunin sa pag-aalaga ni Jose sa batang si Jesus. Sabihin sa isang estudyante na basahin ang Mateo 2:13–16, at alamin ang ginawa ni Jose upang maprotektahan ang batang Cristo sa panganib.

Sabihin sa mga estudyante na bagama’t hindi nila kinakailangang lumipat para maprotektahan ang kanilang pamilya, maihahalintulad o maipamumuhay nila ang mga talatang ito sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-alam sa ilang mahahalagang detalye:

  • Ano ang sinabi ng Panginoon kay Jose sa talata 13?

  • Kailan at paano tumugon si Jose sa babalang ito?

  • Sa paanong mga paraan matutularan ng mga ama ang halimbawa ni Jose sa pagprotekta sa kanilang mga pamilya? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kapag hinahangad at sinusunod ng mga ama ang tagubilin ng Panginoon, mas mapoproteksyunan nila ang kanilang mga pamilya.)

Dapat Isakatuparan ng Kalalakihan at Kababaihan ang Plano ng Panginoon

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Kung binata ka na nasa hustong edad at wala pang asawa, huwag kang magsayang ng oras sa mga walang-kabuluhang gawain. Magpatuloy sa buhay at magtuon ng pansin sa pag-aasawa. Huwag basta palipasin ang panahong ito sa inyong buhay. Mga binata, maglingkod nang marapat sa misyon. Pagkatapos ay bigyan ninyo ng pinakamataas na prayoridad ang paghahanap ng karapat-dapat na makakasama sa walang-hanggan. …

“… Ang pag-aasawa ay magandang pagkakataon para madaig ang anumang hilig na maging sakim o makasarili. Palagay ko isa sa mga dahilan kaya tayo pinapayuhang mag-asawa nang maaga ay para hindi magkaroon ng di-angkop na pag-uugaling mahirap baguhin” (“Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 95–97).

  • Sa mundo ngayon, ano ang mga dahilan kung bakit ipinagpapaliban ng mga binata at dalaga ang pag-aasawa?

  • Bakit hinahadlangan ng kaaway ang mga binata at dalaga na magkaroon ng ugnayang hahantong sa pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak?

  • Sa inyong palagay, bakit patuloy na pinapayuhan ng mga lider ng Simbahan ang mga binata na manligaw at magkaroon ng kasintahan na hahantong sa pagpapakasal?

(Paalala: Sa talakayang ito, maging sensitibo sa katotohanan na ang ilang binata sa inyong klase ay maaaring hindi magpakasal o maging mga ama dahil sa mga kalagayang hindi nila kagustuhan.)

Habang tinatapos mo ang lesson na ito, isipin ang mga kalagayan ng iyong mga estudyante. Ano ang maaari mong sabihin sa iyong mga estudyanteng lalaki na hihikayat sa kanila na gawin ang kanilang mga obligasyon upang maging mabubuting asawa at ama? Maaari mong anyayahan ang lahat ng iyong mga estudyante na magtuon sa pagkakaroon ng isang partikular na katangian na katulad ng kay Cristo, tulad ng pagtitiis o pagpapahayag ng pagmamahal sa iba, na makabubuti sa kanilang mga pamilya.

Mga Babasahin ng mga Estudyante