Seminaries and Institutes
Lesson 17: Ang Kautusan na Magpakarami at Kalatan ang Lupa


17

Ang Kautusan na Magpakarami at Kalatan ang Lupa

Pambungad

Ang kautusan na magpakarami at kalatan ang lupa ay mahalagang bahagi ng walang hanggang plano ng Ama sa Langit at ito ay nananatiling may bisa ngayon. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na makita na magagabayan sila sa kanilang mga desisyon tungkol sa pagsisilang ng mga anak sa mundo kapag pinag-aralan nila ang mga salita ng mga buhay na propeta at hilingin ang patnubay ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Neil L. Andersen, “Mga Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 28–31.

  • Russell M. Nelson, “Aborsiyon: Pagsalakay sa Walang Kalaban-laban,” Liahona, Okt. 2008, 14–19.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Genesis 1:27–28; 9:1; 35:11

Ang kautusan na magsilang ng mga anak ay nananatiling may bisa

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na pangungusap mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” bago magsimula ang klase:

“Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang potensiyal na maging magulang bilang mag-asawa. Ipinapahayag namin na ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa.”

Simulan ang klase sa pagtatanong ng:

  • Ano ang naisip ninyo habang pinag-iisipan ninyo ang dalawang pangungusap na ito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Genesis 1:27–28, Genesis 9:1, at Genesis 35:11, na inaalam ang mga pangalan ng mga taong inutusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pag-ugnayin ang mga scripture reference na ito sa kanilang banal na kasulatan, para makagawa ng scripture chain. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang kautusang ito ay ibinibigay sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“Dakilang pribilehiyo ng isang mag-asawang maaaring magkaanak ang maglaan ng mga mortal na katawan para sa mga espiritung anak ng Diyos. Naniniwala tayo na mahalaga ang mga pamilya at mga anak.

“Kapag isinilang ang isang bata sa isang mag-asawa, tinutupad nila ang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit na magdala ng mga bata sa lupa” (“Mga Anak,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 28).

Bigyang-diin ang huling pangungusap sa pahayag na ito sa pamamagitan ng paglalahad ng sumusunod na alituntunin: Kapag nagkaroon ang mag-asawa ng mga anak sa mundo, tinutupad nila ang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Patingnan ang mga pangungusap na nasa pisara at itanong:

  • Sa palagay ninyo, bakit inulit ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, ang kautusan na “magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa” sa ating panahon? (Bilang halimbawa, maaari ninyong sabihin sa mga estudyante na mula noong 1960, ang bilang ng ipinanganganak sa inang ikinasal sa Estados Unidos ng Amerika ay nabawasan ng 45 porsiyento.)

  • Ano ang posibleng dahilan kung bakit nauuso sa mga mag-asawa na magkaroon ng mas kaunting mga anak? (Maaaring kasama sa mga sagot ang kawalan ng pera, pagtatapos sa pag-aaral, at paghihintay na masimulan ang isang propesyon.)

  • Paano makatutulong sa mag-asawang nagpapasiya kung kailan magkakaanak at kung ilan ang kanilang magiging anak ang pag-unawa sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak?

Ipaliwanag na tatanggap ng mga pagpapala ang mga mag-asawa mula sa Diyos na tutulong sa kanila na masunod ang kautusang magkaroon ng mga anak, maging sa mahihirap na kalagayan. Ibahagi ang sumusunod na karanasan mula sa buhay ni Elder James O. Mason ng Pitumpu, na ikinuwento ni Elder Neil L. Andersen:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“May isa pang karanasan si Elder Mason ilang linggo lang matapos siyang ikasal na nakatulong upang unahin niya ang kanyang mga responsibilidad sa pamilya. Sabi niya:

“‘Ikinatwiran namin ni Marie na para makatapos ako ng medisina kakailanganin niyang patuloy na magtrabaho. Bagama’t hindi ito ang [gusto] naming gawin, kinailangang ipagpaliban ang pag-aanak. [Habang nagbabasa ng magasin ng Simbahan sa bahay ng mga magulang ko] nakita ko ang isang artikulo ni Elder Spencer W. Kimball, na noon ay nasa Korum ng Labindalawa, [na itinatampok ang] mga responsibilidad sa pag-aasawa. Ayon kay Elder Kimball, isang sagradong responsibilidad ang magpakarami at kalatan ang lupa. Ang bahay ng mga magulang ko ay [malapit sa] Church Administration Building. Agad akong nagpunta sa mga tanggapan, at 30 minuto matapos basahin ang kanyang artikulo, nakaupo na ako sa harapan ng mesa ni Elder Spencer W. Kimball.’ (Hindi ito magiging madali ngayon.)

“‘Ipinaliwanag ko na gusto kong maging doktor. Wala nang alternatibo kundi ipagpaliban ang pag-aanak. Matiyagang nakinig si Elder Kimball at saka marahang sumagot, “Brother Mason, gugustuhin ba ng Panginoon na suwayin mo ang isa sa mahahalaga niyang utos para maging doktor ka? Sa tulong ng Panginoon, maaari kang magkaanak at maging doktor pa rin. Nasaan ang iyong pananampalataya?”’

“Nagpatuloy si Elder Mason: ‘Hindi lumipas ang isang taon at isinilang ang una naming anak. Nagsikap kami nang husto ni Marie, at binuksan ng Panginoon ang mga dungawan ng langit.’ Biniyayaan ang mga Mason ng dalawa pang anak bago siya nakatapos ng medisina apat na taon pagkaraan” (“Mga Anak,” 29).

  • Ano ang hinangaan ninyo sa karanasang ito?

Bigyang-diin na ang pagpapakasal ay isang mahalagang bahagi ng pagsunod sa kautusan na magsilang ng mga anak. Basahin ang sumusunod na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya:

“Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”

  • Ano ang mga kalamangan ng mga anak na isinilang “sa loob ng matrimonyo”?

  • Ano ang naiisip at nadarama ninyo tungkol sa pagtulong sa Ama sa Langit na isakatuparan ang Kanyang plano sa pamamagitan ng pagsisilang ng mga anak sa mundong ito?

1 Nephi 15:11; Doktrina at mga Tipan 29:6

Paghingi ng patnubay sa Panginoon

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Kung kailan mag-aanak at kung ilang anak ay desisyon na ng mag-asawa at ng Panginoon. Sagrado ang mga desisyong ito—mga desisyong dapat gawin nang may taimtim na panalangin at malaking pananalig” (“Mga Anak,” 28; idinagdag ang italics).

  • Ano ang ibig sabihin ng ang mga desisyong ito ay dapat “gawin nang may malaking pananalig”?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang 1 Nephi 15:11 at Doktrina at mga Tipan na 29:6 para malaman ang ilang alituntunin na magagamit ng mga mag-asawa kapag naghahanap sila ng mga sagot sa mga tanong tungkol sa kung kailan mag-aanak at kung ilan ang magiging anak nila.

  • Anong mga alituntunin ang nakita ninyo sa mga scripture passage na ito na makatutulong sa mag-asawa na magpasiya kung kailan mag-aanak at kung ilan ang magiging anak? (Bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag nanampalataya ang mga mag-asawa at nanalangin sa Panginoon, gagabayan Niya sila sa kanilang mga pasiya tungkol sa pag-aanak.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa mga mag-asawa na humingi ng payo sa Panginoon hinggil sa mga bagay na ito?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ilan dapat ang anak ng mag-asawa? Lahat ng kaya nilang alagaan! Mangyari pa, ang pag-aalaga ng mga anak ay hindi lamang nangangahulugang pagbibigay sa kanila ng buhay. Ang mga anak ay dapat mahalin, arugain, turuan, pakainin, damitan, bigyan ng matitirhan, at palakasin ang kanilang kakayahang maging mabubuting magulang din” (“The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 75).

  • Paano maaaring makatulong ang mga turo ni Elder Oaks sa mag-asawa sa pagpapasiya nila kung ilan ang magiging anak nila?

Sa lesson na ito, maging sensitibo sa mga estudyanteng iyon na maaaring hindi magkaroon ng pagkakataong maging mga magulang sa buhay na ito. Maaaring makatulong ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“Ang pagkakaroon ng mga anak ay isang paksang makasasakit din sa damdamin ng mabubuting magkasintahan na nagpakasal at nalaman na hindi sila magkakaroon ng mga anak na kanilang pinanabikan o ng mag-asawang planong magkaroon ng malaking pamilya ngunit kaunti lang ang naging anak.

“Hindi natin laging maipapaliwanag ang mga paghihirap natin sa buhay. Kung minsan ay parang hindi patas ang buhay—lalo na kapag ang pinakamalaking hangarin natin ay sundin ang mismong utos ng Panginoon. Bilang lingkod ng Panginoon, tinitiyak ko sa inyo na ang pangakong ito ay matutupad: ‘Ang matatapat na miyembro na dahil sa sitwasyon ay hindi natanggap ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal at hindi naging magulang sa buhay na ito ay tatanggapin ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa mga kawalang-hanggan, [kapag] tinupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Diyos’ [Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.3.3]” (“Mga Anak,” 30).

Mga Awit 127:3; Doktrina at mga Tipan 59:6

Ang kabanalan ng buhay

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Awit 127:3.

  • Ano ang ibig sabihin ng “ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon”? (Ang mga anak ay kaloob mula sa Diyos.)

Basahin ang sumusunod mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya: “Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos.” Patotohanan ang alituntuning ito: Kapag nauunawaan natin na ang mga anak ay kaloob mula sa Diyos, mas mauunawaan natin ang kabanalan ng kanilang buhay. Sa maraming bahagi ng mundo, ang aborsiyon ay tinatanggap, at milyun-milyong aborsiyon ang ginagawa taun-taon. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang patakaran ng Simbahan sa aborsiyon, ibahagi ang sumusunod na pahayag at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga kalagayan kung saan maaaring mabigyang-katwiran ang aborsiyon:

“Ang buhay ng tao ay sagradong kaloob mula sa Diyos. Ang piliin ang aborsiyon para sa pansariling kapakanan o katayuan sa lipunan ay salungat sa kalooban at mga kautusan ng Diyos. … Kinukondena ng mga propeta sa mga Huling Araw ang aborsiyon, tinutukoy ang pahayag ng Panginoon, ‘Huwag kayong … pumatay, ni gumawa ng anumang bagay tulad nito’ (D at T 59:6). Malinaw ang ipinayo nila tungkol sa bagay na ito: Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi dapat sumailalim, magsagawa, maghikayat, magbayad, o kaya’y makipag-ayos para sa isang aborsiyon. Ang mga miyembro ng Simbahan na naghihikayat ng aborsiyon sa anumang paraan ay sasailalim sa disciplinary council ng Simbahan.

“Sinasabi ng mga lider ng Simbahan na may ilang di-pangkaraniwang kalagayan na maaaring magbigay-katwiran sa aborsiyon, tulad ng kapag ang pagbubuntis ay bunga ng incest o panggagahasa, kapag ang buhay o kalusugan ng ina ay nanganganib ayon sa pagkakasuri ng isang mapagkakatiwalaang doktor, o kapag natuklasan ng mapagkakatiwalaang doktor na ang sanggol sa sinapupunan ay may matinding depekto kung kaya’t hindi mabubuhay ang sanggol pagkatapos itong maisilang. Ngunit kahit ang mga kalagayang ito ay hindi kaagad nagbibigay-katwiran sa aborsiyon. Ang mga taong nahaharap sa gayong mga kalagayan ay dapat isaalang-alang lamang ang aborsiyon pagkatapos nilang sumangguni sa kanilang mga lokal na lider ng Simbahan at matapos tumanggap ng sagot sa pamamagitan ng taimtim na panalangin” (Gospel Topics, “Abortion,” lds.org/topics).

  • Sa anong mga di-pangkaraniwang kalagayan maaaring mabigyang-katwiran ang aborsiyon?

  • Kahit nasa mga gayong kalagayan, anong payo ang dapat hingin ng mga nag-iisip ng aborsiyon?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagpapaampon ay hindi makasariling alternatibo at mas mainam ito kaysa aborsiyon:

“Aming … ipinaaabot ang aming suporta sa mga magulang na hindi kasal na ipinaampon ang kanilang mga anak sa matatag na mga tahanang may ama at ina. Ipinaaabot din namin ang aming suporta sa mga ama at inang ikinasal na umaampon sa mga batang ito.

“… Ang pagkakaroon ng ligtas, mapag-aruga, at patuloy na ugnayan kapwa sa isang ama at isang ina ay mahalaga sa kapakanan ng isang bata. Sa pagpapasiyang ipaampon, ipinagkakaloob ng mga magulang na hindi kasal sa kanilang mga anak ang pinakamahalagang pagpapalang ito. Ang pag-aampon ay isang di-makasarili at mapagmahal na pasiyang nagpapala sa bata, sa tunay na mga magulang, at sa mga magulang na umampon sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.” (First Presidency statement, Okt. 4, 2006, tulad ng nakasaad sa Ensign, Okt. 2008, 37).

Sa pagtapos mo sa lesson na ito, magpatotoo tungkol sa kagalakang naidudulot ng mga bata o mga anak sa iyong buhay. Hikayatin ang mga estudyante na maghanda upang maging karapat-dapat para sa sagradong pagkakataong magkaroon o magsilang ng mga anak sa mundong ito.

Mga Babasahin ng mga Estudyante