“Si Jose at ang Taggutom,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan (2022)
“Si Jose at ang Taggutom,” Mga Kuwento sa Lumang Tipan
Genesis 42–46
Si Jose at ang Taggutom
Pagkakataon ng isang kapatid na pagkaisahin ang kanyang pamilya
Nagutom ang pamilya ni Jacob dahil sa taggutom. Kaya isinugo ni Jacob ang kanyang mga anak papuntang Egipto upang bumili ng pagkain. Hinayaan niyang manatili sa bahay ang kanyang bunsong anak na si Benjamin. Natakot siyang mawalay sa kanya si Benjamin tulad ng pagkawalay sa kanya ng kanyang anak na si Jose maraming taon na ang nakalipas. Hindi niya alam na ibinenta ng kanyang mga nakatatandang anak si Jose bilang isang alipin.
Genesis 42:1–4
Sa panahong ito, si Jose ay isa nang dakilang pinuno sa Egipto. Siya ang namahala sa pagbebenta ng pagkain sa gitna ng taggutom. Lumapit ang magkakapatid kay Jose at humingi sila ng pagkain sa kanya. Hindi nila siya nakilala.
Genesis 42:5–8
Nakilala sila ni Jose, ngunit nagkunwari siya na hindi niya sila kilala. Tinanong niya sila tungkol sa kanilang pamilya upang malaman kung buhay pa ang kanyang ama at kapatid na si Benjamin.
Genesis 42:10–14
Pagkatapos ay binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang mga kapatid. Sinabihan niya sila na huwag bumalik para sa karagdagang pagkain maliban na lamang kung isasama nila ang kanilang bunsong kapatid na si Benjamin.
Genesis 42:15–20
Nang muling maubusan ng pagkain ang pamilya, alam ni Jacob na kailangan niyang ipadala si Benjamin kasama ng iba pa niyang mga anak pabalik sa Egipto. Natatakot pa rin si Jacob na hayaang umalis si Benjamin. Ngunit si Juda, isa sa magkakapatid, ay nangako na pananatilihin niyang ligtas si Benjamin.
Genesis 43:1–15
Nang bumalik ang magkakapatid sa Egipto, ipinalabas ni Jose na tila nagnakaw si Benjamin ng isang kopang pilak. Nais niyang makita kung nagbago na ang kanyang mga nakatatandang kapatid. Nakiusap si Juda kay Jose na huwag parusahan si Benjamin kundi sa halip ay siya ang parusahan.
Genesis 44
Masaya si Jose na makitang nagbago na ang kanyang mga kapatid. Dahil sa pagmamahal nila kay Benjamin, handa silang protektahan ito. Kaya, sa wakas, sinabi sa kanila ni Jose kung sino siya.
Genesis 42:21–24; 45:1–4
Pinatawad ni Jose ang kanyang mga kapatid sa pagbenta sa kanya upang maging alipin. Sinabi ni Jose na ito ang paraan ng Panginoon upang tulungan ang kanilang pamilya na makaligtas sa taggutom.
Genesis 45:5–8
Bumalik ang mga kapatid ni Jose sa kanilang amang si Jacob, at sinabi nila sa kanya ang lahat ng nangyari. Inilipat ni Jacob ang kanyang buong pamilya sa Egipto.
Genesis 45:24–28; 46:1–26
Malugod na tinanggap ni Faraon ang pamilya ni Jacob. Binigyan niya sila ng lupain at mga hayop upang magkaroon sila ng maraming pagkain. Ang pamilya ni Jacob ay namuhay nang mapayapa sa loob ng mahabang panahon.
Genesis 45:16–23