Kalusugan ng Pag-iisip
9: Pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Paano ko matutulungan ang isang tao na mas maunawaan ang mga pangangailangan ko?


“9: Pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Paano ko matutulungan ang isang tao na mas maunawaan ang mga pangangailangan ko?” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong para sa Akin (2019)

“Pakiramdam Ko ay Nag-iisa Ako,” Kalusugang Pangkaisipan: Tulong para sa Akin

Larawan
lalaking nakaupo na may kasamang iba pa

Pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Paano ko matutulungan ang isang tao na mas maunawaan ang mga pangangailangan ko?

Napakahalaga na may kaugnayan ka sa ibang tao at napapanatili mong matatag ito. Ipagdasal mo na magkaroon ka ng lakas-ng-loob na kausapin ang isang taong pinagkakatiwalaan mo, tulad ng isang kapamilya, kaibigan, lider ng Simbahan, o isang mental health professional. Alalahanin na may mga tao na mas bukas at maunawain kaysa iba dahil sa kanilang kaalaman, sensitibidad, at mga karanasan sa buhay. Hilingin na magkaroon kayo ng panahong makapag-usap—mas malamang na makatulong sa iyo ang pag-uusap ninyo kung ang taong kausap mo ay handang makinig nang mabuti sa sinasabi mo. Maaari kang magsabi (o magtext) ng simpleng bagay na tulad nito, “Alam mo, may problema ako at talagang kailangan ko ng taong handang makinig sa akin.”

Basahing mabuti ang mga tanong sa ibaba at pag-isipan kung paano ka tutugon. Makakatulong ang mga ideyang ito para masimulan mo ang pakikipag-usap.

  • Ano ang nararamdaman mo sa katawan mo? Magsabi ka ng tungkol sa mga sintomas mo, tulad ng pagkahapo, madalas na pagsakit ng ulo, pagkataranta, pagduduwal, pagkabalisa, mas mabagal na galaw o reaksyon, pagkalulong sa alak o droga, di-maipaliwanag na sakit sa kalamnan, o pagbabago ng gana sa pagkain, timbang, o sa oras ng pagtulog.

  • Ano ang emosyong nararamdaman mo? Ilarawan—maraming nangyayari kapag ikaw ay nahihirapan at may problema sa kalusugan ng pag-iisip. Siguraduhing ipahayag ang nararamdaman mo tulad ng kawalan ng pag-asa, pagkasuklam sa sarili, pagkamayamutin, pagnanais na laging mapag-isa, pagkabalisa, pagkalungkot, takot, o pag-iisip na may maling nagawa. Sabihin kung gaano mo kadalas nararanasan ang mga emosyong ito.

  • Ano ang mahirap sa iyo sa pakikisalamuha? Isipin kung paano ka nakikipag-ugnayan sa iyong pamilya, mga kaibigan, kasamahan sa trabaho, at iba pa. Sabihin ang anumang pagbabago sa iyong pag-uugali na napansin mo, tulad ng madalas o hindi maipaliwanag na kalungkutan, paglayo sa iba, katamarang maglinis ng katawan, kawalan ng interes sa mga aktibidad na gusto mo dati, o nabawasang sigla at motibasyon.

  • Ano ang nagpapahirap sa iyo na mag-isip? Talagang mahihirapan ka sa araw-araw na pamumuhay kapag nabago o hindi maayos ang takbo ng isip mo. Talakayin ang anumang mga sintomas na maaaring mayroon ka, tulad ng pag-iisip na saktan ang sarili, hindi makapagdesisyon, pagkalito, hirap sa pag-alala sa mga bagay-bagay, o pag-iisip ng kamatayan at pagpapakamatay. Sabihin kung gaano kadalas mo naiisip ang mga ganitong bagay at ang pagnanais mo na sana ay hindi mo naiisip ang mga ito.