Resources para sa Pamilya
Aralin 11: Ang mga Sagradong Tungkuling Ginagampanan ng mga Ama at Ina Bahagi 2: Mga Tungkulin ng mga Ina


Aralin 11

Ang mga Sagradong Tungkuling Ginagampanan ng mga Ama at Ina

Bahagi 2: Mga Tungkulin ng mga Ina

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o kapwa mga mungkahing ito.

  • Sa pagpapahayag ng mag-anak, pinayuhan tayo na “ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (tingnan sa pahina iv sa gabay sa pag-aaral na ito). Kasama ang inyong asawa, repasuhin ang 10 mungkahi ni Pangulong Ezra Taft Benson para sa mga ama, sa mga pahina 47 ng gabay sa pag-aaral na ito, at 10 mungkahi niya para sa mga ina, sa mga pahina 52–54. Talakayin ang mga paraan kung paano ninyo matutulungan at masusuportahan ang isa’t isa sa mga responsibilidad na ito.

  • Sumulat ng isang liham sa inyong ina o sa isang lola.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

“Dahil Siya ay Isang Ina”

Elder Jeffrey R. Holland
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Papuri para sa mga Ina

May ilang linyang isinulat si Victor Hugo na nagsasaad:

“Hinati niya sa dalawa ang tinapay at ibinigay ang mga ito sa kanyang mga anak, na kumain nang buong kasabikan. ‘Hindi siya nagtira para sa kanyang sarili,’ bulong ng sarhento.

“ ‘Dahil hindi siya gutom,’ sabi ng isang sundalo.

“ ‘Hindi,’ sabi ng sarhento, ‘dahil siya ay isang ina.’ ”

Sa taon kung kailan ipinagdiriwang natin ang pananampalataya at kagitingan ng mga nagpakahirap maglakbay patawid ng Iowa, Nebraska, at Wyoming, nais kong papurihan ang mga makabagong katumbas ng tagabunsod na mga inang binantayan, ipinanalangin, at madalas ay inilibing ang kanilang mga sanggol sa mahabang landas na nilakbay nila. Sa mga kababaihang abot ng aking tinig na marubdob na nagnanais maging ina at hindi magawa ito, sinasabi ko sa kabila ng inyong mga luha at ng sa amin tungkol sa paksang iyan, maghahatid pa ang Diyos, sa mga araw na darating, ng “pag-asa sa [yaong] pusong nalulumbay.”1 Gaya ng paulit-ulit na itinuro ng mga propeta sa pulpitong ito, sa huling sandali ay “walang pagpapalang ipagkakait” sa mga nananalig, kahit na hindi kaagad dumating ang mga pagpapalang iyon.2 Samantala ay nagagalak tayo na ang tungkuling mangalaga ay hindi limitado sa ating sariling laman at dugo.

Sa pagsasalita tungkol sa mga ina hindi ko nalilimutan ang kailangan at mahalagang tungkulin ng mga ama, lalung-lalo na dahil sa ang kawalan ng ama sa mga makabagong tahanan ay itinuturing ng iba na siyang “pinakasentrong problema ng lipunan sa ating panahon.”3 Tunay na ang kawalan ng ama ay maaaring maging problema maging sa isang tahanang naroroon ang ama—kumakain at natutulog, sa madaling sabi, “hindi nakikihalubilo.” Ngunit iyon ang mensahe ng pagkasaserdote para sa ibang araw. Ngayon ay nais kong purihin ang mga kamay ng inang nag-ugoy sa duyan ng sanggol at, sa pamamagitan ng kabutihang itinuro sa kanilang mga anak doon, ay siyang pinakasentro ng mga layunin ng Panginoon para sa atin sa buhay na ito.

Sa gayon ay inuulit ko ang sinabi ni Pablo, na sumulat ng papuri sa “pananampalatayang hindi pakunwari…, na namalagi muna,” ang sabi niya, “kay Loida na inyong ina na iyong lelang, at [kay] Eunice na iyong ina.”4 “Mula [noong sanggol ka],” sabi ni Pablo, “ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan.”5 Nagpapasalamat kami para sa lahat ng ina at lola na pinagmulan ng gayong mga katotohanang natutuhan sa gayon kamurang gulang.

Mga Sakripisyong Ginawa ng mga Batang Ina

Sa pagsasalita tungkol sa mga ina sa pangkalahatan, labis kong ninanais na purihin at hikayatin ang mga batang ina. Mahirap ang gawain ng isang ina, kadalasan ay di-napasasalamatang gawain. Ang mga unang taon ay kadalasang kapag ang asawa o kabiyak—o pareho sila—ay kapwa nag-aaral pa o nasa maaga at mahirap na katayuan ng pagpapaunlad ng kakayahang maghanapbuhay ng lalaki. Pabagu-bago ang pananalapi araw-araw sa pagitan ng kakaunti at walang-wala. Kadalasan ay napapalamutian ang inuupahang tirahan ng isa o dalawang kaakit-akit na disenyo—mula sa tindahan ng mga lumang gamit na Deseret Industries o ang sinaunang kasangkapan. Ang kotse, kung mayroon man, ay kalbo na ang gulong at walang laman ang tangke. Ngunit sa mga pagpapasuso sa gabi at pagtubo ng ngipin, kadalasan ay pagod ang pinakamalaking hamon sa lahat ng batang ina. Sa mga taong ito, nabubuhay ang mga ina sa kakaunting tulog at higit na pagbibigay sa iba na may kakaunting personal na kapahingahan sa kanilang sarili kaysa sa ibang pangkat na alam ko sa anumang ibang panahon sa buhay. Hindi nakakagulat kapag ang mga kulaba sa ilalim ng kanilang mga mata kung minsan ay medyo nagiging ubod ng laki.

Ang nakakatuwa pa nito ay siya ang babaing madalas nating tawagin—o kailangang tawagin— upang maglingkod sa mga pantulong na samahan sa purok at istaka. Madaling unawain iyan. Sino ang aayaw sa huwarang impluwensiya ng mga batang magiging Loida at Eunice? Maging matalino nga kayo. Tandaan na ang mga mag-anak ang pinakamataas na priyoridad sa lahat, lalung-lalo na sa mga taon ng paghuhubog. Magkagayon man, nakahahanap pa rin ang mga batang ina ng mga dakilang paraan upang maglingkod nang tapat sa Simbahan, kahit na ang iba ay naglilingkod at nagpapalakas sa kanila at sa kanilang mga mag-anak sa gayon ding paraan.

Gawin ninyo ang inyong makakaya sa mga panahong ito, ngunit anuman ang ibang ginagawa ninyo, pahalagahan ang tungkuling iyon na tanging inyo lamang at siyang pinadadalhan ng langit ng mga anghel upang magbantay sa inyo at sa inyong mga musmos. Mga asawang lalaki—lalung-lalo na ang mga asawang lalaki—gayundin ang mga pinuno ng Simbahan at mga kaibigan sa lahat ng dako, maging matulungin at matalas ang pakiramdam at matalino. Tandaan, “Sa bawa’t bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa’t panukala sa silong ng langit.”6

Mga ina, kinikilala namin at pinahahalagahan ang inyong pananampalataya sa bawat hakbang. Alamin sana ninyo na makabuluhan ito noon, ngayon, at magpakailanman. At kung, sa anumang dahilan, buong tapang ninyo itong pinagsusumikapan nang mag-isa, nang wala ang inyong asawa sa inyong tabi, kung gayon ay mas pag-iibayuhin namin ang aming mga dalangin para sa inyo, at ang aming determinasyong tumulong ay mas magiging tiyak.

Ginagawa ng mga Ina ang Gawain ng Diyos

Isinulat sa akin kamakailan ng isang batang ina na nakatuon sa tatlong bagay ang bumabalisa sa kanya. Una ay sa tuwing makaririnig siya ng mga talumpati tungkol sa pagiging inang Banal sa mga Huling Araw, nag-aalala siya dahil dama niyang hindi siya nakatutugon dito o kahit paano ay hindi niya magampanan ang tungkulin. Pangalawa, nadama niyang tila inaasahan ng mundo na turuan niya ang kanyang mga anak ng pagbasa, pagsulat, disenyo, Latin, calculus, at Internet—lahat ng ito bago pa man makapagsalita ang sanggol ng anumang karaniwan, tulad ng ‘goo goo.’ Pangatlo, madalas niyang madamang kung minsan ay hinahanapan siya ng mga tao, na halos kadalasa’y hindi naman talagang sinasadya, dahil ang payong naririnig niya o maging ang mga papuring natatanggap niya ay tila walang kaugnayan sa pangkaisipang puhunan, sa espirituwal at emosyonal na pagod, sa mahabang gabi, sa mahabang araw, sagad-sagarang mga gawaing kung magkaminsa’y kinakailangan sa pagsisikap at pagnanais na maging ang uri ng inang inaasahan ng Diyos sa kanya.

“Ngunit isang bagay, sabi niya, ang naghihikayat sa kanyang magpatuloy: ‘Sa hirap at ginhawa nito, at sa paminsan-minsang pagluha sa lahat ng ito, alam ko sa kaibuturan ng aking puso na ginagawa ko ang gawain ng Panginoon. Alam kong sa aking pagiging ina ako ay nasa walang hanggang pakikisama sa Kanya. Labis akong naaantig na malaman na natatagpuan ng Diyos ang pinakatampok Niyang layunin at kabuluhan sa pagiging isang magulang, kahit na pinaluluha Siya ng ilan sa Kanyang mga anak.

“Sa pagkaunawang ito ay sinisikap ko,” wika niya, “na gunitain ang hindi maikakailang mahihirap na panahong iyon kung kailan tila nakakapagod ang lahat ng ito. Marahil ay mismong ang kawalang-kakayahan at pagkabalisa ang naguudyok sa atin upang lapitan Siya at nagpapahusay sa Kanyang kakayahang tulungan Tayo. Marahil ay lihim Siyang umaasa na magiging balisa tayo,’ sabi niya, ‘at gagawin nating magsumamo para tulungan Niya tayo. Kung gayon ay naniniwala ako na tahasan Niyang matuturuan ang mga batang ito, sa pamamagitan natin, nang walang pagtutol. Gusto ko ang ideyang iyon,’ pagtatapos niya. ‘Binibigyan ako nito ng pag-asa. Kung magiging tama ako sa harapan ng aking Ama sa Langit, marahil ay walang hahadlang sa paggabay Niya sa ating mga anak. Marahil kung magkagayo’y magiging gawain Niya at kaluwalhatian Niya ito sa totoong diwa.”7

Tatawagin Kayong Pinagpala ng Inyong mga Anak

Sa gayong uri ng pahayag, maliwanag na ang ilan sa mga kulabang iyon na nagiging napakalaki ay nanggagaling hindi lamang sa mga lampin at carpooling kundi nagmumula sa mga gabing walangtulog na ginugol sa pagsasaliksik sa kaluluwa, na marubdob na naghahangad ng kakayahang mapalaki ang mga batang ito upang maging katulad ng ninanais ng Diyos sa kanila. Dahil naantig ako sa uri ng katapatan at determinasyong iyon, hayaan ninyong sabihin ko sa lahat ng ina, sa ngalan ng Panginoon, na napakadakila ninyo. Napakagaling ninyong magtrabaho. Ang katotohanang kayo ay nabigyan ng gayong responsibilidad ay walang katapusan katibayan ng pagtitiwala sa inyo ng inyong Ama sa Langit. Batid Niya na ang pagsisilang ninyo sa isang bata ay hindi kaagad magtutulak sa inyo sa gitna ng pinakamarurunong. Kung kayo ng inyong asawa ay magpupunyaging mahalin ang Diyos at ipamumuhay ninyo mismo ang ebanghelyo; kung magsusumamo kayo para sa patnubay at aliw ng Espiritu Santo na ipinangako sa matatapat; kung magtutungo kayo sa templo upang kapwa gumawa at umangkin ng mga pangako ng mga napakabanal na tipan na ginawa ng babae at lalaki sa daigdig na ito; kung ipakikita ninyo sa iba, kabilang na ang inyong mga anak, ang katulad na mapagmalasakit, mahabagin, mapagpatawad na pusong nais ninyong ipakita ng langit sa inyo; kung sisikapin ninyo ang inyong makakaya upang maging pinakamagaling na magulang, nagawa na ninyo ang lahat ng magagawa ng isang taong nilikha at lahat ng inaasahan ng Diyos na gagawin ninyo.

Kung minsan ang pagpapasiya ng isang anak o isang apo ay wawasak sa inyong puso. Kung minsan ang mga inaasahan ay hindi kaagad matutugunan. Bawat ina at ama ay nag-aalala tungkol diyan. Maging ang minamahal at matagumpay na magulang na si Pangulong Joseph F. Smith ay nagsumamo, “O! Diyos, huwag mong hayaang mawala ang aking sariling anak.”8 Iyan ang hinaing ng bawat magulang, at nakapaloob doon ang isang bagay na kanilang kinatatakutan. Ngunit walang sinumang nabigo na patuloy na nagsusumikap at patuloy na nananalangin. Nasa inyo ang bawat karapatang makatanggap ng panghihikayat at malaman sa wakas na tatawagin kayong pinagpala ng inyong mga anak, tulad ng mga henerasyon ng mga sinaunang ina bago pa tayo ipinanganak na umasa sa katulad ng inyong mga inasam at nadama ang katulad ng inyong mga kinatatakutan.

Sumasainyo ang dakilang tradisyon ni Eva, ang ina ng buong sangkatauhan, ang siyang nakaunawa na sila ni Adan ay kinailangang mahulog upang “ang mga lalaki [at mga babae] ay maging gayon”9 at upang magkaroon ng kagalakan. Sumasainyo ang dakilang tradisyon nina Sara at Rebeka at Raquel, at kung hindi sa kanila ay wala ang mga dakilang pangakong patriyarkal kina Abraham, Isaac, at Jacob na nagpapala sa ating lahat. Sumasainyo ang dakilang tradisyon nina Loida at Eunice at ng mga ina ng 2,000 binatilyong mandirigma. Sumasainyo ang dakilang tradisyon ni Maria, na pinili at hinirang bago pa man nilikha ang mundong ito, upang ipaglihi, ipagdalantao, at isilang ang Mismong Anak ng Diyos. Nagpapasalamat kami sa inyong lahat, kabilang na ang aming sariling mga ina, at sinasabi namin sa inyo na wala nang higit na mahalaga sa mundong ito kaysa sa tahasang pakikilahok sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos, sa pagsasakatuparan ng mortalidad at buhay sa lupa ng Kanyang mga anak na babae at lalaki, upang ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ay makarating doon sa mga kahariang selestiyal sa kaitaasan.

Umasa sa Tagapagligtas Magpakailanman

Kapag lumapit kayo sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba at kababaan ng puso at, sabi nga ng isang ina, “bumayo sa mga pintuan ng langit upang humiling, magsumamo, humingi ng patnubay at karunungan at tulong para sa kamangha-manghang gawaing ito,” bubukas nang husto ang pintuang iyon upang ipagkaloob sa inyo ang impluwensiya at tulong ng buong kawalang-hanggan. Angkinin ang mga pangako ng Tagapagligtas ng daigdig. Humiling ng nakapagpapagaling na haplos ng Pagbabayad-sala para sa anumang bumabagabag sa inyo o sa inyong mga anak. Alamin na sa pananampalataya ay maiwawasto ang mga bagay-bagay sa kabila ng kagagawan ninyo, o mas tamang sabihin, dahil sa inyo.

Hindi ninyo maaaring gawin itong mag-isa, ngunit mayroon kayong makakatulong. Ang Panginoon ng Langit at Lupa ay naroroon upang pagpalain kayo— Siya na buong tapang na sinusundan ang nawawalang tupa, ganap na naglilinis upang matagpuan ang nawawalang barya, walang hanggang naghihintay sa pagbalik ng alibughang anak. Sumasainyo ang gawain ng pagliligtas, at kung magkagayon ay palalaguin kayo, gagantimpalaan, pauunlarin at gagawing mas magaling kaysa rati habang tapat kayong nagsisikap, gaano man kayo kahina na gaya ng nadarama ninyo kung minsan.

Tandaan, tandaan ang lahat ng araw ng inyong pagiging ina: “Hindi pa kayo nakalalapit maliban sa ito ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.”10

Umasa sa Kanya. Umasa nang husto sa Kanya. Umasa sa Kanya magpakailanman. At “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”11 Ginagawa ninyo ang gawain ng Diyos. Mahusay ang pagkakagawa ninyo nito. Pinagpapala Niya kayo at pagpapalain Niya kayo, maging—hindi, lalung-lalo na—kapag ang inyong mga araw at gabi ay puno ng hamon. Tulad ng babaing hindi nagpakilala at mapagpakumbaba, marahil ay walang anumang pag-aalinlangan at kahihiyan, na nagpumilit na makasingit sa pulutong para lamang mahipo ang laylayan ng damit ng Guro, gayunding sasabihin ni Cristo sa mga kababaihang nag-aalala at nagtataka at kung minsan ay iniiyakan ang kanilang responsibilidad bilang mga ina, “Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”12 At pagagalingin din nito ang inyong mga anak.

Mula sa talumpati ni Elder Holland sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1997 (sa Conference Report, Abr. 1997, 46–49; o Ensign, Mayo 1997, 35–37).

Sa mga Ina sa Sion

Pangulong Ezra Taft Benson
Ika-13 Pangulo ng Simbahan

Mga ina sa Sion, napakahalaga ng mga tungkuling ginagampanan ninyo na bigay ng Diyos para sa sarili ninyong kadakilaan at sa kaligtasan at kadakilaan ng inyong mag-anak. Kailangan ng isang anak ang isang ina nang higit kaysa lahat ng bagay na mabibili ng salapi. Ang paggugol ng oras sa piling ng inyong mga anak ang pinakadakilang kaloob sa lahat.

Taglay ang pagmamahal sa aking puso para sa mga ina sa Sion, gusto ko ngayong magmungkahi ng sampung natatanging paraan ng paggugol ng mga ina ng epektibong oras sa piling ng kanilang mga anak.

Manatili sa mga Sangandaan ng Tahanan. Una, magukol ng oras upang manatili sa sangandaan ng tahanan kapag parating o paalis ang inyong anak— kapag umaalis at bumabalik mula sa paaralan, kapag umaalis at bumabalik mula sa mga tipanan, kapag nagdadala sila ng mga kaibigan sa tahanan. Manatili sa mga sangandaan maging anim man o labing-anim na taong gulang ang inyong mga anak. Sa Mga Kawikaan nababasa natin, “Ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina” (Mga Kawikaan 29:15). Kabilang sa mga pinakadakilang alalahanin sa ating lipunan ay ang milyun-milyong napabayaang mga anak na umuuwi araw-araw sa mga bahay na walang tao, na hindi naaasikaso ng mga magulang na nagtatrabaho.

Maging Isang Tunay na Kaibigan. Ikalawa, mga ina, mag-ukol kayo ng oras upang maging isang tunay na kaibigan ng inyong mga anak. Makinig sa inyong mga anak, talagang makinig. Makipag-usap sa kanila, makipagtawanan at makipagbiruan sa kanila, makipagkantahan sa kanila, makipaglaro sa kanila, makiiyak sa kanila, yakapin sila, purihin sila nang tapat. Oo, laging gumugol ng di-minadaling oras para sa bawat bata. Maging isang tunay na kaibigan sa inyong mga anak.

Basahan [ng aklat] ang Inyong mga Anak. Ikatlo, mga ina, mag-ukol ng oras upang basahan ang inyong mga anak. Simula sa duyan ay basahan na ang inyong mga anak na lalaki at babae. Tandaan ang sinabi ng makata:

Maaaring magkaroon ng maraming kayamanan;

Kahon-kahong alahas at gintong kaban-kaban.

Sa aki’y ’di magiging mas mayaman kayo—

Dahil sa nanay kong noo’y binasahan ako.

(Strickland Gillilan, “The Reading Mother.”)

Magtatanim kayo ng pagmamahal para sa mabuting literatura at tunay na pagmamahal para sa mga banal na kasulatan kung palagian ninyong babasahan ang inyong mga anak.

Manalangin Kasama ang Inyong mga Anak. Ikaapat, mag-ukol ng oras sa piling ng inyong mga anak. Ang mga panalangin ng mag-anak, sa ilalim ng pamamahala ng ama, ay dapat idaos sa umaga at gabi. Ipadama sa inyong mga anak ang inyong pananampalataya sa paghiling ninyong ibuhos ang mga pagpapala ng langit sa kanila. Sa pagbibigaykahulugan sa mga salita ni Santiago, “Malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng [inang] matuwid” (Santiago 5:16). Palahukin ang inyong mga anak sa mga panalanging pangmag-anak at pansarili, at magalak sa kanilang malalambing na pagsasalita sa kanilang Ama sa Langit.

Magdaos ng Lingguhang Gabing Pantahanan ng Maganak. Ikalima, mag-ukol ng oras para magkaroon ng makabuluhang lingguhang gabing pantahanan ng mag-anak. Sa pamumuno ng inyong asawa, makilahok sa isang espirituwal at nakapagpapabuting gabing pantahanan sa bawat linggo. Masiglang palahukin ang inyong mga anak. Turuan sila ng mga wastong alituntunin. Gawin itong isa sa inyong mga dakilang tradisyon ng mag-anak. Tandaan na ang kamanghamanghang pangakong ginawa ni Pangulong Joseph F. Smith noong pasimulan ang mga gabing pantahanan sa Simbahan: “Kung susundin ng mga Banal ang payong ito, ipinangangako namin na magbubunga ito ng mga dakilang pagpapala. Mag-iibayo ang pagmamahalan sa tahanan at pagkamasunurin sa mga magulang. Ang pananampalataya ay uunlad sa mga puso ng mga kabataan ng Israel, at magtatamo sila ng kapangyarihan upang labanan ang masamang impluwensiya at mga tuksong dumarating sa kanila” (sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo [1965–75], 4:339). Ang magandang pangakong ito ay may bisa pa rin ngayon.

Magsama-sama sa Oras ng Pagkain. Ikaanim, magukol ng oras para madalas na magsama-sama sa oras ng pagkain hangga’t maaari. Ito ay isang hamon habang lumalaki ang mga anak at nagiging mas abala ang takbo ng buhay. Ngunit ang masayang pag-uusap, pagbabahagi ng mga plano at gawain para sa araw na iyon, at espesyal na sandali ng pagtuturo ay nangyayari sa oras ng pagkain dahil sinisikap ng mga ina at ama at anak na magampanan ito.

Magbasa ng mga Banal na Kasulatan Araw-araw. Ikapito, mahalagang mag-ukol ng oras araw-araw para magbasa ng banal na kasulatan. Ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon nang magkakasama bilang isang mag-anak ay lalo nang magpapaibayo ng espirituwalidad sa loob ng inyong tahanan at magbibigay ng lakas sa kapwa mga magulang at anak na labanan ang tukso at makapiling tuwina ang Espiritu Santo. Ipinangangako ko sa inyo na babaguhin ng Aklat ni Mormon ang buhay ng inyong mag-anak.

Gumawa nang Sama-sama Bilang Mag-anak. Ikawalo, mag-ukol ng oras upang gumawa ng mga bagay-bagay bilang isang mag-anak. Gawing espesyal na oras at alaala ang mga pamamasyal at piknik at pagdiriwang ng mga kaarawan at paglalakbay. Kapag maaari ay dumalo bilang mag-anak sa mga kaganapan kung saan kalahok ang isa sa mga miyembro ng mag-anak, gaya ng isang dula-dulaan sa paaralan, palaro sa bola, talumpati, pagtatanghal. Sama-samang dumalo sa mga pulong sa simbahan at magtabi-tabi sa upuan bilang isang mag-anak hangga’t maaari. Ang mga inang tumutulong sa mga mag-anak na sama-samang manalangin at maglaro ay magsasama-sama at pagpapalain nito ang buhay ng mga bata magpakailanman.

Turuan ang Inyong mga Anak. Ikasiyam, mga ina, mag-ukol kayo ng oras para turuan ang inyong mga anak. Samantalahin ang mga sandali ng pagtuturo. Magagawa ito anumang oras sa isang araw—sa oras ng pagkain, sa mga di sinasadyang pagtatagpo, o sa espesyal na oras ng sama-samang pagkakatabi-tabi sa upuan, sa paanan ng kama sa pagtatapos ng araw, o sa sama-samang maagang paglalakad sa umaga. Mga ina, kayo ang pinakamagagaling na guro ng inyong mga anak. Huwag ipasa ang mahalagang responsibilidad na ito sa mga sentro ng pang-araw na pag-aalaga o sa mga tagapag-alaga ng bata. Ang pinakamahahalagang sangkap sa pagtuturo sa kanyang mga anak ay ang pagmamahal ng isang ina at ang mapanalanging pagmamalasakit sa kanila.

Ituro sa mga bata ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ituro sa kanila na may katuturan ang pagiging mabuti. Ituro sa kanila na walang kaligtasan sa kasalanan. Ituro sa kanila ang pagmamahal para sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang patotoo sa kabanalan nito.

Turuan ang inyong mga anak na lalaki at babae ng kahinhinan, at turuan silang igalang ang pagiging lalaki at pagiging babae. Ituro sa inyong mga anak ang kalinisang-puri, mga wastong pamantayan sa pakikipagtipanan, kasal sa templo, paglilingkod bilang misyonero, at ang kahalagahan ng pagtanggap at pagganap ng mga tungkulin sa Simbahan.

Turuan silang mahalin ang trabaho at pahalagahan ang mabuting edukasyon.

Ituro sa kanila ang kahalagahan ng wastong uri ng paglilibang, kabilang na ang angkop na pelikula at video at musika at aklat at magasin. Talakayin ang mga kasamaan ng pornograpiya at mga droga, at ituro sa kanila ang kahalagahan ng malinis na pamumuhay.

Opo, mga ina, ituro sa inyong mga anak ang ebanghelyo sa inyong sariling tahanan. Ito ang pinakamabisang pagtuturong matatanggap ng inyong mga anak. Ito ang paraan ng pagtuturo ng Panginoon. Hindi makapagtuturo ang Simbahan na gaya ninyo. Gayundin ang paaralan. At maging ang sentro ng pang-araw na pag-aalaga sa bata. Ngunit magagawa ninyo ito, at tutulungan kayo ng Panginoon. Matatandaan ng inyong mga anak ang inyong mga turo magpakailanman, at kapag matatanda na sila, hindi nila ito tatalikuran. Tatawagin nila kayong pinagpala—ang kanilang tunay na anghel na ina.

Mga ina, ang uring ito ng makalangit na pagtuturo ng ina ay pinag-uukulan ng oras—ng maraming oras. Hindi ito magiging mabisa kung sandali lamang. Kailangan itong gawin sa lahat ng oras upang mailigtas at mapadakila ang inyong mga anak. Ito ang inyong banal na tungkulin.

Mahalin nang Tunay ang inyong mga Anak. Ikasampu at panghuli, mga ina, mag-ukol kayo ng oras upang tunay na mahalin ang inyong mga anak. Ang walang pasubaling pagmamahal ng isang ina ay halos katulad na ng pagmamahal ni Cristo.

Narito ang isang magandang papuri ng isang anak na lalaki sa kanyang ina: “Hindi ko masyadong matandaan ang tungkol sa pananaw niya sa pagboto ni ang kanyang katayuan sa lipunan; at hindi ko maalala kung ano ang kanyang mga ideya tungkol sa pagtuturo sa bata, sa pagkain, at sa kanyang lahi. Ang pangunahing bagay na bumabalik sa aking alaala ngayon sa kabila ng makapal na bunga ng pagtanda ay na minahal niya ako. Gustung-gusto niyang humihiga kami sa damo at nagkukuwentuhan, o tumatakbo at nakikipagtaguan sa amin na mga bata. Lagi niya akong niyayakap. At gustung-gusto ko ito. Maaliwalas ang kanyang mukha. Para sa akin para itong sa Diyos, at lahat ng mga lubos na pagpapalang sinasabi ng mga banal tungkol sa Kanya. At inaawit! Sa lahat ng mga nakasisiyang pakiramdam sa aking buhay walang makakatulad sa kaligayahang nadarama ko sa paggapang ko paakyat sa kanyang kandungan at paghimlay habang nagtutumba-tumba siya at umaawit. Sa pag-iisip tungkol dito, iniisip ko kung ang babae sa ngayon, na taglay ang lahat ng kanyang mga pangarap at plano, ay natatanto kung gaano kalaki ang bahagi niya sa paghubog sa kanyang anak sa kabutihan o sa kasamaan. Iniisip ko kung natatanto niya kung gaanong pagmamahal at pansin ang dapat iukol sa buhay ng isang bata.”

Mga ina, nangangailangan din ng gayong uri ng pagmamahal at pansin ang inyong mga anak na binatilyo at dalagita. Tila mas madali para sa mga ina at ama na ipahayag at ipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak kapag bata pa sila, subalit mas mahirap kapag mas matatanda na sila. Mapanalangin ninyong pagsumikapan ito. Hindi kailangang magkaroon ng puwang sa pagitan ng mga henerasyon. At ang susi ay pagmamahal. Kailangan ng ating mga kabataan ang pagmamahal at pansin, hindi ng pagpapalayaw. Kailangan nila ng pagpukaw ng damdamin at pag-unawa, hindi pagwawalang-bahala ng mga ina at ama. Kailangan nila ang oras ng mga magulang. Ang mabait na pagtuturo at pagmamahal at pagtitiwala ng isang ina sa isang anak na binatilyo o dalagita ay magliligtas sa kanila mula sa isang makasalanang mundo.

Mula sa talumpati ni Pangulong Benson sa isang fireside para sa mga magulang noong ika-22 ng Pebrero 1987.

Mga Tala

  1. “Manunubos ng Israel,” Mga Himno; tingnan din sa 3 Nephi 22:1.

  2. Tingnan sa Doctrines of Salvation, ni Joseph Fielding Smith, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo (1954–56), 2:76; Harold B. Lee, Ye Are the Light of the World: Selected Sermons and Writings of President Harold B. Lee (1974), 292; at Gordon B. Hinckley, sa Conference Report, Abr. 1991, 94.

  3. Tom Lowe, “Fatherlessness: The Central Social Problem of Our Time,” Claremont Institute Home Page Editorial, Ene. 1996.

  4. 11 Kay Timoteo 1:5.

  5. 11 Kay Timoteo 3:15.

  6. Eclesiastes 3:1.

  7. Personal na pakikipagsulatan.

  8. Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 edisyon (1939), 462.

  9. 2 Nephi 2:25.

  10. 2 Nephi 31:19.

  11. 2 Nephi 31:20.

  12. Mateo 9:22.