Resources para sa Pamilya
Aralin 2: Pagkakaroon ng Pagkakaisa sa Pagsasama ng Mag-asawa


Aralin 2

Pagkakaroon ng Pagkakaisa sa Pagsasama ng Mag-asawa

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Sang-ayon sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o pareho sa mga mungkahing ito.

  • Basahin ang mga sumusunod na talata sa banal na kasulatan tungkol sa pagkakaisa: 1 Mga Taga Corinto 1:9–10; Mga Taga Filipo 1:27; Mosias 18:21; Doktrina at mga Tipan 38:27. Pag-isipang mabuti kung paano maisasagawa ang mga talatang ito sa ugnayan ng mag-asawa.

  • Talakayin sa inyong asawa ang mga kahilingan ninyong dalawa sa inyong oras, kabilang na ang mga tungkulin sa pakikisama sa lipunan, trabaho, komunidad, at Simbahan. Mag-ukol ng oras upang unawain ang mga pangangailangan ng bawat isa, at tiyakin na ang iba pa ninyong tungkulin ay hindi nakasasagabal sa inyong katapatan sa isa’t isa.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may asawa, basahin at talakayin ang lathalain kasama ang inyong asawa.

Upang Tayo’y Magkaisa

Elder Henry B. Eyring
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

“Kung Hindi Kayo Isa Kayo ay Hindi sa Akin”

Ang Tagapagligtas ng mundo, si Jesucristo, ay sinabi sa mga taong magiging bahagi ng Kanyang Simbahan: “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (D at T 38:27). At sa paglikha ng lalaki at babae, ang pag-iisa nila sa kasal ay hindi ibinigay bilang pag-asa; ito ay isang utos! “Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa; at sila’y magiging isang laman” (Genesis 2:24). Nais ng Ama sa Langit na magkabigkis ang ating mga puso. Ang pag-iisang iyon sa pag-ibig ay hindi lamang isang huwaran. Ito ay kailangan.

Ang pangangailangang maging isa tayo ay hindi para sa buhay na ito lamang. Dapat ay wala itong hangganan. Ang kauna-unahang kasal ay isinagawa ng Diyos sa halamanan kung saan sina Adan at Eva ay walang kamatayan. Sa simula pa lamang ay inilagay na Niya sa mga lalaki at babae ang pagnanais na magsama bilang mag-asawa sa walang hanggan upang manirahan sa mga mag-anak sa isang perpekto at makatwirang pag-iisa. Inilagay Niya sa Kanyang mga anak ang pagnanais na mabuhay sa kapayapaan sa piling ng lahat ng nasa paligid nila.

Ngunit sa Pagkahulog ay naging malinaw na ang pamumuhay sa pagkakaisa ay hindi magiging madali. Maagang dumating ang kapahamakan. Pinatay ni Cain si Abel na kanyang kapatid. Ang mga anak nina Adan at Eva ay napasailalim sa mga tukso ni Satanas. Ipinagpatuloy ni Satanas ang kanyang mithiin nang buong kasanayan, pagkamuhi, at katusuhan. Ito ay kabaligtaran ng layunin ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Bibigyan Nila tayo ng perpektong pagiisa at walang hanggang kaligayahan. Batid na ni Satanas, na kaaway nila at natin, ang plano ng kaligtasan mula pa noong Paglikha. Batid niya na sa walang hanggang buhay lamang mananatili ang mga sagrado at maliligayang pagsasama ng mga mag-anak. Ihihiwalay tayo ni Satanas sa ating mga mahal sa buhay at gagawin tayong miserable. At siya ang nagtanim ng mga binhi ng alitan sa puso ng mga tao sa pag-asang magkakalayo tayo at magkakahiwalay.

Lahat tayo ay nakadama kahit kaunti ng pagsasama at paghihiwalay. Kung minsan sa mga mag-anak at marahil sa iba pang tagpo ay nasilayan na natin ang buhay nang unahin ng isang tao ang kapakanan ng isa pa kaysa sa sarili niya, nang may pag-ibig at sakripisyo. At lahat tayo ay may kaunting alam sa kalungkutan at lumbay ng pagkawalay at pag-iisa. Hindi na tayo kailangang sabihan pa kung ano ang dapat nating piliin. Alam natin. Ngunit kailangan natin ng pag-asa na makakaranas tayo ng pagkakaisa sa buhay na ito at magiging marapat na makamtan ito nang walang hanggan sa mundong darating. At kailangan nating malaman kung paano darating ang malaking pagpapalang iyon upang malaman natin kung ano ang gagawin.

Ginagawang Posible ng Tagapagligtas ang Pagkakaisa

Nagsalita ang Tagapagligtas ng daigdig tungkol sa pagkakaisang iyon at kung paano natin mababago ang ating mga likas na pagkatao upang gawin itong posible. Maliwanag Niya itong itinuro sa panalanging ibinigay Niya sa Kanyang huling pakikipagpulong sa Kanyang mga Apostol bago Siya namatay. Ang makalangit at magandang panalanging iyon ay nakatala sa aklat ni Juan. Malapit na Niyang kaharapin ang matinding sakripisyo para sa ating lahat na siyang nagbibigay daan sa buhay na walang hanggan. Malapit na Niyang iwanan ang mga Apostol na Kanyang inordena, minahal, at pag-iiwanan ng mga susi upang mamuno sa Kanyang Simbahan. Kaya nanalangin Siya sa Kanyang Ama, ang perpektong Anak sa perpektong Ama. Makikita natin sa Kanyang mga salita kung paano mapag-iisa ang mga mag-anak, tulad ng lahat ng mga anak ng ating Ama sa Langit na sumusunod sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga tagapaglingkod:

“Kung paanong ako’y iyong sinugo sa sanglibutan, sila’y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan.

“At dahil sa kanila’y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan.

“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

“Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, na sila nama’y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo” (Juan 17:18–21).

Sa ilang salitang iyon ay nilinaw Niya kung paano pinahihintulutan ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga puso na maging isa. Ang mga taong maniniwala sa katotohanang itinuro Niya ay matatanggap ang mga ordenansa at tipan na inihandog ng Kanyang mga may karapatang tagapaglingkod. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa at tipan, mababago ang kanilang mga likas na pagkatao. Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa gayong paraan ay ginagawang posible para tayo ay maging malinis. Sa gayo’y mabubuhay tayo sa pagkakaisa, tulad ng nararapat nating gawin upang magkaroon ng kapayapaan sa buhay na ito at manirahan sa piling ng Ama at ng Kanyang Anak sa kawalang hanggan.

Ang ministeryo ng mga apostol at propeta sa araw na iyon, tulad ngayon, ay upang dalhin ang mga anak nina Adan at Eva sa pagkakaisa ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang kahuli-hulihang layunin ng kanilang itinuro, at ng ating itinuturo, ay ang pagisahin ang mga mag-anak: mga asawang lalaki, asawang babae, anak, apo, ninuno, at sa huli ay lahat ng mag-anak nina Adan at Eva na pipiling gayon.

Umaakay sa Pakikiisa sa Iba ang Espiritu

Natatandaan ninyo nang manalangin ang Tagapagligtas, “At dahil sa kanila”—patungkol sa mga Apostol—“pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan” (Juan 17:19). Isang tagapagpabanal ang Espiritu Santo. Makakapiling natin ito dahil ipinanumbalik ng Panginoon ang Pagkasaserdoteng Melquisedec sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Narito sa daigdig ngayon ang mga susi ng pagkasaserdoteng iyan. Sa pamamagitan ng kapangyarihan nito ay makagagawa tayo ng mga tipan na magpapahintulot sa ating laging makapiling ang Espiritu Santo.

Kapag kapiling ng mga tao ang Espiritung iyon, makaaasa tayo ng pagkakasundo. Inilalagay ng Espiritu ang patotoo ng katotohanan sa ating mga puso, na pinag-iisa ang mga taong nagbabahagi ng patotoong iyon. Hindi kailanman lumilikha ng pagtatalo ang Espiritu ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 11:29). Hindi ito kailanman lumilikha ng damdamin ng pagkakaiba sa pagitan ng mga tao na nauuwi sa alitan (tingnan sa Gospel Doctrine, ni Joseph F. Smith, ika-5 edisyon [1939], 131). Nauuwi ito sa pansariling kapayapaan at isang damdamin ng pakikiisa sa iba. Pinag-iisa nito ang mga kaluluwa. Ang nagkakaisang mag-anak, nagkakaisang Simbahan, at mapayapang mundo ay umaasa sa mga nagkakaisang kaluluwa.

Pagtupad sa mga Pangakong Ginawa sa Panalanging Pangsakramento

Maging ang isang bata ay mauunawaan kung ano ang gagawin upang makapiling ang Espiritu Santo. Sinasabi ito sa atin ng panalanging pangsakramento. Naririnig natin ito linggu-linggo sa pagdalo natin sa ating mga pulong sa sakramento. Sa mga sagradong sandaling iyon pinaninibago natin ang mga tipang ginawa natin sa binyag. At ipinaaalala sa atin ng Panginoon ang pangakong tinanggap natin sa pagpapatibay sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan—ang pangakong tatanggapin natin ang Espiritu Santo. Narito ang mga salita ng panalanging pangsakramento: “Sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila” (D at T 20:77).

Mapapasaatin ang Kanyang Espiritu kung tutuparin natin ang tipang iyon. Una, nangangako tayong tataglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan. Nangangahulugan iyon na kailangan nating ituring ang ating sarili na sa Kanya. Uunahin natin Siya sa ating buhay. Nanaisin natin ang nais Niya sa halip na ang nais natin o ang itinuturo ng mundo na naisin natin. Basta’t una nating minamahal ang mga bagay sa mundo, hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan. Ang pagsang-ayon sa pagiging huwaran ng isang mag-anak o isang bansa sa pamamagitan ng ginhawang dulot ng mga materyal na bagay, sa wakas, ay maghihiwa-hiwalay sa kanila (tingnan sa Harold B. Lee, Stand Ye in Holy Places [1974], 97). Ang huwaran ng paggawa para sa isa’t isa kung ano ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon, na likas na sumusunod sa pagtataglay ng Kanyang pangalan sa ating sarili, ay aakay sa atin sa antas na espirituwal na isang haplos ng langit sa lupa.

Ikalawa, nangangako tayong lagi Siyang aalalahanin. Ginagawa natin iyon tuwing mananalangin tayo sa Kanyang pangalan. Lalo na kapag humihingi tayo ng tawad sa Kanya, na dapat nating gawin nang madalas, ay inaalala natin Siya. Sa sandaling iyon inaaalala natin ang Kanyang sakripisyo na dahilan kung bakit posible ang pagsisisi at pagpapatawad. Kapag sumasamo tayo, inaaalala natin Siya bilang ating Tagapamagitan sa Ama. Kapag dumating ang damdamin ng pagpapatawad at kapayapaan, inaaalala natin ang Kanyang pagtitiis at walang-katapusang pag- ibig. Ang pag-alaalang iyon ang pumupuspos ng pag-ibig sa ating mga puso.

Tinutupad din natin ang ating pangakong aalalahanin Siya kapag sama-sama tayong nananalangin bilang mag-anak at nagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sa panalanging pangmaganak sa almusal sa paligid ng hapag-kainan, maaaring manalangin ang isang bata para pagpalain ang isa pa na maging maayos ang araw na iyon sa isang pagsusulit o anumang pagtatanghal. Kapag dumating ang mga pagpapala, ang pinagpalang bata ay maaalala ang pag-ibig ng umaga at ang kabaitan ng Tagapagtanggol na kung kaninong pangalan ay inialay ang panalangin. Mabibigkis ng pag-ibig ang mga puso.

Tinutupad natin ang ating tipan na aalalahanin Siya tuwing tinitipon natin ang ating mga maganak upang magbasa ng mga banal na kasulatan. Nagpapatotoo ang mga ito sa Panginoong Jesucristo, sapagkat iyon ang mensahe ng mga propeta at laging iyon sa tuwina. Kahit na hindi maalala ng mga bata ang mga salita, maaalala nila ang totoong May-akda, na si Jesucristo.

Sundin ang Lahat ng mga Kautusan

Ikatlo, nangangako tayo habang nakikibahagi ng sakramento na tutuparin ang kanyang mga kautusan, ang lahat ng ito. Sa pagsusumamo ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.— gaya ng maraming beses niyang ginawa—sa talumpati sa isang pangkalahatang komperensiya para sa pagkakaisa, binalaan niya tayo laban sa pagiging mapili sa kung ano ang ating susundin. Ganito ang sabi niya: “Walang ibinigay sa atin ang Panginoon na walang pakinabang o hindi kailangan. Pinuno niya ang mga Banal na Kasulatan ng mga bagay na dapat nating gawin upang magtamo ng kaligtasan.”

Nagpatuloy si Pangulong Clark: “Kapag nakikibahagi tayo ng Sakramento tayo ay nakikipagtipan na susundin at tutuparin ang kanyang mga kautusan. Walang eksepsiyon dito. Walang kinikilala, walang pagkakaiba” (sa Conference Report, Abr. 1955, 10–11). Itinuro ni Pangulong Clark na habang pinagsisisihan natin ang lahat ng kasalanan, hindi lamang isang kasalanan, tayo ay matibay na nangangako na tutuparin ang lahat ng kautusan. Mahirap man kung pakikinggan, simple lang ito. Napasasakop lamang tayo sa awtoridad ng Tagapagligtas at nangangakong susundin ang anumang ipag-uutos Niya (tingnan sa Mosias 3:19). Ang ating pagsuko sa awtoridad ni Jesucristo ang magpapahintulot sa ating mabigkis bilang mga mag-anak, bilang isang Simbahan, at bilang mga anak ng ating Ama sa Langit.

Inihahatid ng Panginoon ang awtoridad na iyon sa mga abang tagapaglingkod sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Dahil sa pananampalatayang iyon ay nagiging utos mula sa Panginoon ang ating tungkulin bilang tagapagturo ng tahanan o dumadalaw na tagapagturo. Sumusunod tayo sa Kanya, sang-ayon sa Kanyang utos. Isang karaniwang lalaki at binatilyong kasama nito ang nagtutungo sa mga tahanan na umaasang tutulungan sila ng mga kapangyarihan ng langit upang tiyakin na ang mga mag-anak ay nagkakaisa at walang pagmamatigas, pagsisinungaling, paninira, ni pagmumura. Ang pananampalatayang iyon—na ang Panginoon ang tumatawag sa mga tagapaglingkod—ay makatutulong sa atin na huwag pansinin ang kanilang mga limitasyon kapag pinagsasabihan nila tayo, dahil gagawin nila ito. Mas malinaw nating makikita ang mabuting layunin nila kaysa sa kanilang mga limitasyon bilang tao. Mas malamang na hindi tayo magdaramdam at makadarama tayo ng pasasalamat sa Panginoon na tumawag sa kanila.

Mahalaga sa Pagkakaisa ang Pag-ibig sa Kapwa

May ilang kautusan na, kapag nilabag, ay sumisira sa pagkakaisa. Ang ilan dito ay may kinalaman sa sinasabi natin at ang ilan ay sa kung paano tayo tumutugon sa sinasabi ng iba. Hindi tayo dapat magsalita ng masama laban sa iba. Kailangan nating makita ang mabuti sa bawat isa at magsalita ng mabuti tungkol sa bawat isa hangga’t kaya natin (tingnan sa David O. McKay, sa Conference Report, Okt. 1967, 4–11).

Kasabay nito, kailangan nating manindigan laban sa mga taong nanlalait sa mga sagradong bagay, dahil ang epekto ng kasalanang iyon ay nakasasakit sa Espiritu kung kaya lumilikha ng pagtatalo at pagkalito. Ipinakita ni Pangulong Spencer W. Kimball ang paraan sa paninindigan nang hindi nakikipagtalo habang nakaratay siya sa teheras ng ospital at pinakiusapan ang isang alalay ng ospital na, sa isang saglit ng kawalang-pag-asa, ay ginamit ang pangalan ng Panginoon sa walang-katuturan: “ ‘Pakiusap! Pakiusap! Pangalan ng aking Panginoon ang iyong nilalapastangan.’ Nagkaroon ng nakabibinging katahimikan, pagkatapos ay isang mahinang tinig ang bumulong: ‘Ipagpaumanhin n’yo po’ ” (The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball [1982], 198). Ang isang inspirado at mapagmahal na pagkagalit ay maaaring maging isang paanyaya sa pagkakaisa. Ang kabiguang ibigay ito kapag inuudyukan ng Espiritu Santo ay mauuwi sa alitan.

Kung nais nating magkaroon ng pagkakaisa, mayroong mga kautusang kailangan nating tuparin hinggil sa ating damdamin. Kailangan nating magpatawad at hindi mag-isip ng masama laban sa mga nagkasala sa atin. Nagpakita ng halimbawa ang Tagapagligtas mula sa krus: “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34). Hindi natin alam ang nasa puso ng mga taong nagkasala sa atin. Ni hindi natin alam ang mga pinagmulan ng ating sariling galit at sakit. Sinasabi sa atin ni Apostol Pablo kung paano magmahal sa isang mundo ng mga imperpektong tao, kabilang na ang ating sarili, nang sabihin niyang, “Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama” (I Mga Taga Corinto 13:4–5). At pagkatapos ay nagbigay siya ng taospusong babala laban sa pagtugon sa pagkukulang ng iba at paglimot sa ating sariling pagkukulang nang isulat niyang, “Sapagka’t ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni’t pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo’y nakikilala ko ng bahagya, nguni’t pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin” (I Mga Taga Corinto 13:12).

Manatiling Malinis at Umiwas sa Kapalaluan

Ipinaaalala sa atin ng panalanging pangsakramento linggu-linggo kung paano darating ang kaloob na pagkakaisa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan upang taglayin ang Kanyang pangalan sa ating sarili, upang alalahanin Siya sa tuwina, at upang tuparin ang lahat ng Kanyang mga kautusan, makakapiling natin ang Kanyang Espiritu. Palalambutin nito ang ating mga puso at tutulungan tayong magkaisa. Ngunit may dalawang babala na kaakibat ng pangakong iyon.

Una, ang Espiritu Santo ay mananatili lamang sa atin kung mananatili tayong malinis at malaya sa pag-ibig sa mga bagay ng daigdig. Ang pagpili na maging marumi ay magpapalayo sa Espiritu Santo. Ang Espiritu ay tumatahan lamang doon sa mga taong higit na pinipili ang Panginoon kaysa sa daigdig. Ang “maging malinis kayo” (3 Nephi 20:41; D at T 38:42) at mahalin ang Diyos ng inyong buong “puso, … kapangyarihan, pag-iisip, at lakas” (D at T 59:5) ay hindi mga mungkahi kundi mga utos. At kailangan ang mga ito sa pagsama ng Espiritu, at kung wala ito ay hindi tayo magiging iisa.

Ang isa pang babala ay ang mag-ingat sa kapalaluan. Ang pagkakaisang dumarating sa isang pamilya o sa mga taong pinalambot ng Espiritu ay magdudulot ng malaking kapangyarihan. Kaakibat ng kapangyarihang iyon ang pagkilala ng daigdig. Magdulot man ng papuri o pag-iimbot ang pagkilalang iyon, maaakay pa rin tayo nito sa kapalaluan. Hindi ito magiging kalugud-lugod sa Espiritu. May proteksiyon laban sa kapalaluan, na siyang tiyak na pinagmumulan ng hindi pagkakaisa. Ito ay ang pagkilala sa mga biyayang ibinubuhos ng Diyos sa atin hindi lamang bilang tanda ng Kanyang pagkalugod kundi bilang isang pagkakataon upang makiisa sa mga nakapaligid sa atin sa mas higit na paglilingkod. Natututong magkaisa ang isang magasawa sa pamamagitan ng paggamit sa kanilang mga pagkakatulad upang unawain ang isa’t isa at paggamit sa kanilang mga pagkakaiba upang magtulungan sa paglilingkod sa bawat isa at sa mga nakapaligid sa kanila. Sa ganitong paraan, maaari tayong makiisa sa mga hindi tumatanggap sa ating dokrina ngunit naghahangad din naman na pagpalain ang mga anak ng ating Ama sa Langit.

Tayo’y magiging mga mapagpayapa, nararapat na tawaging mapapalad at mga anak ng Diyos (tingnan sa Mateo 5:9).

Buhay ang Diyos na ating Ama. Ang Kanyang minamahal na Anak na si Jesucristo ang ulo ng Simbahang ito, at iniaalok Niya sa lahat ng tatanggap nito ang pamantayan ng kapayapaan.

Mula sa talumpati ni Elder Eyring sa pangkala-hatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1998 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1998, 85–89; or Ensign, Mayo 1998, 66–68).