Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 5–11. Mga Taga Roma 1–6: ‘Kapangyarihan ng Diyos [tungo sa Kaligtasan]’


“Agosto 5–11. Mga Taga Roma 1–6: ‘Kapangyarihan ng Diyos [tungo sa Kaligtasan]’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Agosto 5–11. Mga Taga Roma 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

Larawan
sumusulat ng liham si Pablo

Agosto 5–11

Mga Taga Roma 1–6

“Kapangyarihan ng Diyos [tungo sa Kaligtasan]”

Anong mga pahiwatig ang natatanggap mo habang binabasa mo ang Mga Taga Roma 1–6? Ang mga pahiwatig na ito ay maaaring makatulong sa iyo na pumili mula sa sumusunod na mga ideya sa pagtuturo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang ginawa nila bilang tugon sa anumang mga imbitasyong ibinigay mo sa kanila sa lesson noong nakaraang linggo. Halimbawa, nagkuwento ba sila sa kanilang pamilya tungkol sa pagkawasak ng barko na nakalarawan sa Mga Gawa 27 at sa pagsunod sa propeta?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakababatang mga Bata

Mga Taga Roma 1:16–17

Maipapakita ko ang pananampalataya ko kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.

Itinuro ni Pablo na ang ebanghelyo ay may kapangyarihang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng nabubuhay sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo. Paano mo matutulungan ang mga bata na ipakita ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na hanapin ang Roma sa mapa. Ipaliwanag na ang aklat ng mga taga-Roma ay naglalaman ng isang sulat ni Pablo sa mga Banal sa Roma para ipaunawa sa kanila ang mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng pananampalataya.

  • Basahin ang Mga Taga Roma 1:17 sa mga bata, at tulungan silang isaulo ang mga katagang “Ang ganap ay mabubuhay sa pananampalataya.” Maaari mong atasan ang bawat bata ng isang salita sa parirala at ipabigkas ang salitang iyon sa kanila kapag itinuro mo sila. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pariralang ito ay na dapat tayong mabuhay nang may pananampalataya kay Jesucristo bawat araw. Alam ba ng mga bata kung ano ang pananampalataya? Magpakita ng larawan ni Jesucristo at ipaliwanag na naniniwala tayo na Siya ay totoo kahit hindi pa natin Siya nakikita. Ito ay pananampalataya—paniniwala sa isang bagay kahit hindi pa natin ito nakikita.

  • Ipaliwanag na nagpakikita tayo ng pananampalataya kay Jesucristo sa pagsunod sa Kanya. Magtago sa paligid ng silid ng mga larawan ng mga tao na ginagawa ang ipinagagawa sa atin ni Jesus. Hayaang maghalinhinan ang mga bata sa paghahanap at paglalarawan sa mga larawan. Ano ang magagawa natin para masunod si Jesus?

  • Piringan ang isa sa mga bata, at gabayan siya patawid sa kabilang panig ng silid patungo sa isang larawan ni Jesus. Bigyan ng ganitong pagkakataon ang bawat bata. Ipaunawa sa mga bata na dapat nilang sundin ang mga turo ni Jesus tulad ng pagsunod nila sa paggabay mo.

Mga Taga Roma 6:1–11

Ang pagpapabinyag ay parang pagpapanibagong-buhay ng isang tao.

Ang mga batang tinuturuan mo ay naghahandang mabinyagan. Ano ang matututuhan nila tungkol sa binyag mula sa tagubilin ni Pablo na “[lumakad] sa panibagong buhay”?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang mga bata na ulitin ang mga katagang “[Lumakad] sa panibagong buhay” (Mga Taga Roma 6:4). Ipaliwanag na kapag tayo ay bininyagan, pinatatawad tayo sa ating mga kasalanan. May pagkakataon tayong sumulong sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting pasiya, pagsisisi kapag nagkakamali tayo, at pagsisikap na maging higit na katulad ni Jesus. Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ituro sa mga bata na tinutulungan tayo ng pagpapabinyag na magpanibagong-buhay.

  • Sabihin sa mga bata ang nadama mo nang binyagan ka, at anyayahan silang ibahagi ang kanilang naranasan nang dumalo sila sa isang binyag. Anyayahan silang idrowing ang kanilang sarili na binibinyagan sila sa hinaharap at ibahagi kung ano ang magagawa nila para makapaghanda sa kanilang binyag.

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa binyag, tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53). Ano ang natututuhan natin tungkol sa binyag mula sa awiting ito?

Larawan
batang lalaking binibinyagan

Ang binyag ay simbolo ng pagsisimula ng bagong buhay bilang disipulo ni Cristo.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Mga Taga Roma 1:16–17

Maipapakita ko ang pananampalataya ko kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.

Itinuro ni Pablo na ang ebanghelyo ay may kapangyarihang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng nabubuhay sa pagsampalataya kay Jesucristo. Pananampalataya ang unang alituntunin ng ebanghelyo. Ginaganyak tayo nitong sundin ang mga kautusan. Paano mo mas maipapaunawa sa mga bata ang pananampalataya?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipahanap sa isang bata ang Roma sa mapa. Ipaunawa sa mga bata na sa susunod na ilang linggo, matututo sila mula sa mga sulat ni Pablo sa mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang lugar, simula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma.

  • Isulat ang teksto mula sa Mga Taga Roma 1:16 sa pisara, na pinapalitan ng mga patlang ang ilang salita. Ipahanap sa mga bata ang talata sa banal na kasulatan at papunan ang mga patlang. Ituro ang pariralang “Hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo],” at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang kahulugan ng katagang ito sa kanila.

  • Anyayahan ang isang bata na basahin nang malakas ang Mga Taga Roma 1:17, at hilingin sa ibang mga bata na pakinggan ang isang salitang inuulit. Ano ang ibig sabihin ng “[mabuhay] sa pamamagitan ng pananampalataya”? Tulungan ang mga bata na makahanap ng isang kahulugan ng pananampalataya sa isang resource na tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pananampalataya,” scriptures.lds.org. Paano maiiba ang buhay natin kung wala tayong pananampalataya kay Jesucristo?

  • Magpakita ng isang halaman at isang binhi sa mga bata, at itanong kung paano natin matutulungang maging isang halaman ang isang binhi. Ipaliwanag na kapag itinanim at diniligan natin ang isang binhi, ipinapakita natin na sumasampalataya tayo na lalago ito. Paano natin ipinapakita na sumasampalataya tayo kay Jesucristo? Isiping kantahin ang isang awitin tungkol sa pananampalataya, tulad ng “Pananalig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50), bilang bahagi ng aktibidad na ito.

Mga Taga Roma 3:23–24

Kailangan nating lahat si Jesucristo para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan.

Nais ni Pablo na maunawaan ng mga taga-Roma na ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang biyaya. Pagnilayan kung paano mo maituturo ang katotohanang ito sa mga bata.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isa sa mga bata na basahin ang Mga Taga Roma 3:23–24. Ano ang iniisip ng mga bata na itinuturo sa atin ng mga talatang ito? Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng “biyaya” sa talata 24 ay kaloob na pagmamahal at awa ng Tagapagligtas, na ginagawang posible na mapatawad tayo sa ating mga kasalanan.

  • Magsabit ng isang pagkain o larawan sa mataas na bahagi ng dingding o sa ibang lugar na hindi maaabot mag-isa ng mga bata. Hayaan silang subukang abutin ito, at ihambing ito sa itinuturo ni Pablo sa Mga Taga Roma 3:23. Pagkatapos ay tulungan silang maabot ito. Ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa atin na hindi natin magagawa para sa ating sarili? Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas kapag iniisip nila ang nagawa Niya para sa kanila.

Mga Taga Roma 6:1–11

Ang pagpapabinyag ay parang pagpapanibagong-buhay ng isang tao.

Itinuro ni Pablo na ang binyag ay simbolo ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo. Simbolo rin ito ng “kamatayan” ng ating pagiging makasalanan at pagbangon para “[makalakad] sa panibagong buhay” (Mga Taga Roma 6:4). Pinaninibago natin ang ating pangako na magpanibagong-buhay tuwing nakikibahagi tayo ng sakramento.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na basahin ang Mga Taga Roma 6:3–6. Ano ang sinabi ni Pablo na “kawangisan ng” binyag?

  • Talakayin kung paano isinisimbolo ng binyag ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. [NO TRANSLATION] Bakit ang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ay mabubuting simbolo ng nagaganap kapag binibinyagan tayo?

  • Sama-samang basahin ang mga panalangin sa sakramento (tingnan sa DT 20:77, 79). Ipaalala sa mga bata na kapag tumatanggap tayo ng sakramento, nagpapanibago tayo ng ating pangako noong binyagan tayo na susundin natin si Jesucristo. Paano tayo natutulungan ng sakramento na “[makalakad] sa panibagong buhay”?

  • Anyayahan ang mga bata na gumawa ng mga poster na nagpapakita kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng “[makalakad] sa panibagong buhay.” Maaaring isabit ng mga bata ang mga ito sa kuwarto nila para maalala nilang gumawa ng mabubuting pasiya.

Larawan
icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Hikayatin ang mga bata na hilingin sa mga miyembro ng kanilang pamilya na ipaalam sa kanila kapag nakikita nila na gumagawa ang mga bata ng isang bagay na nagpapakita ng pananampalataya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Palakasin ang tiwala ng mga bata sa sarili. Para mapalakas ng mga bata ang kanilang tiwala sa sarili na matututuhan nilang mag-isa ang ebanghelyo, purihin sila kapag nakikibahagi sila sa klase.