Lumang Tipan 2022
Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum; Habakuk; Zefanias: “Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang-Hanggan”


“Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum; Habakuk; Zefanias: ‘Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang-Hanggan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum; Habakuk; Zefanias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
si Jesus na nakatingin sa mga bituin

“Ang kanyang mga pamamaraan ay walang-hanggan” (Habakuk 3:6). Sa Simula ay ang Salita, ni Eva Timothy

Nobyembre 28–Disyembre 4

Nahum; Habakuk; Zefanias

“Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang-Hanggan”

Maaari mong pag-aralan ang mga banal na kasulatan habambuhay at makakahanap ka pa rin ng mga bagong ideya. Huwag isipin na kailangan mong maunawaan ang lahat ngayon mismo. Manalangin para humingi ng tulong para matukoy ang mga mensaheng kailangan mo ngayon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang pagbabasa ng Lumang Tipan ay kadalasang nangangahulugan ng pagbabasa ng mga propesiya tungkol sa pagkawasak. Madalas tumawag ang Panginoon ng mga propeta noon para magbigay ng babala sa masasama na ang Kanyang mga paghatol ay nasa kanila. Ang mga ministeryo nina Nahum, Habakuk, at Zefanias ay mabubuting halimbawa. Sa kakila-kilabot na detalye, ang mga propetang ito ay nagpropesiya tungkol sa pagbagsak ng mga lunsod na, sa panahong iyon, ay tila malalakas at makapangyarihan—Nineve, Babilonia, at maging ang Jerusalem. Ngunit libu-libong taon na ang nakalipas. Bakit mahalagang basahin ang mga propesiyang ito ngayon?

Kahit winasak ang mga mapagmataas at masasamang lungsod na iyon, nagpapatuloy pa rin ang kapalaluan at kasamaan. Sa mundo ngayon, kung minsan ay nadarama nating napalilibutan tayo ng mga kasamaang isinumpa ng mga sinaunang propeta. Maaari din nating makita ang bakas ng mga ito sa sarili nating puso. Ang mga propesiyang ito sa Lumang Tipan ay ipinapakita kung ano ang pakiramdam ng Panginoon tungkol sa kapalaluan at kasamaan, at itinuturo ng mga ito na maaari tayong lumayo sa mga kasamaang ito. Marahil isang dahilan iyan kaya binabasa pa rin natin ang mga sinaunang propesiyang ito ngayon. Ang Nahum, Habakuk, Zefanias, at iba pa ay hindi lamang mga propeta ng tadhana—sila ay mga propeta ng kaligtasan. Ang mga paglalarawan ng pagkawasak ay may kahalong mga paanyaya na lumapit kay Cristo at tanggapin ang Kanyang awa: “hanapin ninyo ang Panginoon …; hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kapakumbabaan” (Zefanias 2:3). Ito ang paraan ng Panginoon noon, at ito ang paraan Niya ngayon. “Ang Kanyang mga pamamaraan ay walang-hanggan” (Habakuk 3:6).

Para sa maikling paliwanag tungkol sa mga aklat na ito, tingnan ang “Nahum,” “Habakuk,” at “Zefanias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Nahum 1

Ang Panginoon ay kapwa makapangyarihan at maawain.

Ang misyon ni Nahum ay ipropesiya ang pagkawasak ng Nineve—ang kabisera ng marahas na imperyo ng Asiria, na nagpakalat sa Israel at umapi sa Juda. Nagsimula ang Nahum sa paglalarawan ng poot at walang kapantay na kapangyarihan ng Diyos, ngunit binanggit din Niya ang awa at kabutihan ng Diyos. Maaari mong tukuyin ang mga talata sa kabanata 1 na tutulong sa iyo na maunawaan ang bawat isa sa mga katangiang ito—at ang iba pang mga katangian ng Diyos na napapansin mo. Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Panginoon?

Maaaring mahirapan ang ilan na maitugma ang turo ng banal na kasulatan na “ang Panginoon ay mabuti” (Nahum 1:7) sa turo na Siya ay “naghihiganti sa kanyang mga kaaway” (Nahum 1:2). Sa Aklat ni Mormon, ang anak ni Alma na si Corianton ay nagkaroon ng gayon ding mga tanong “hinggil sa katarungan ng Diyos sa pagpaparusa sa mga makasalanan” (Alma 42:1). Para malaman ang iba pa tungkol sa awa ng Diyos at kung paano ito nauugnay sa Kanyang katarungan, basahin ang sagot ni Alma kay Corianton sa Alma 42.

Larawan
batong tanggulan

“Ang Panginoon ay mabuti, isang muog sa araw ng kaguluhan” (Nahum 1:7).

Habakuk

Maaari akong magtiwala sa kalooban ng Panginoon at sa Kanyang takdang panahon.

Maging ang mga propeta kung minsan ay may mga tanong tungkol sa mga paraan ng Panginoon. Si Habakuk, na nabuhay sa panahon ng malawakang kasamaan sa Juda, ay sinimulan ang kanyang tala na may mga tanong sa Panginoon (tingnan sa Habakuk 1:1–4). Paano mo ibubuod ang mga alalahanin ni Habakuk? Nakaranas ka na ba ng ganitong mga damdamin?

Tumugon ang Panginoon sa mga tanong ni Habakuk sa pagsasabing isusugo niya ang mga Caldeo (ang taga-Babilonia) para parusahan ang Juda (tingnan sa Habakuk 1:5–11). Ngunit nabagabag pa rin si Habakuk, dahil tila hindi makatwiran na walang gawin ang Panginoon “kapag tinutupok ng masasama [Babilonia] ang taong mas matwid [Juda]” (tingnan sa mga talata 12–17). Ano ang nakikita mo sa Habakuk 2:1–4 na humihikayat sa iyo na magtiwala sa Panginoon kapag may mga tanong ka na hindi nasagot?

Ang kabanata 3 ng Habakuk ay panalangin ng papuri sa Diyos at pagpapahayag ng pananampalataya sa Kanya. Ano ang nakintal sa isipan mo tungkol sa mga salita ni Habakuk sa mga talata 17–19? Paano naiiba ang tono ng mga talatang ito sa Habakuk 1:1–4? Pagnilayan kung paano ka magkakaroon ng mas malaking pananampalataya sa Diyos, kahit tila hindi patas ang buhay.

Tingnan din sa Mga Hebreo 10:32–39; 11; Doktrina at mga Tipan 121:1–6; Robert D. Hales, “Paghihintay sa Panginoon: Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 71–74).

Zefanias

“Hanapin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain.”

Si Zefanias ay nagpropesiya na ang mga tao ng Juda ay lubusang malilipol sa pamamagitan ng mga taga-Babilonia dahil sa kanilang kasamaan. “Aking lubos na lilipulin ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa, sabi ng Panginoon” (Zefanias 1:2). Subalit sinabi rin ni Zefanias na may “labi” na maiingatan (Zefanias 3:13). Habang binabasa mo ang mga propesiyang ito, pansinin ang mga saloobin at pag-uugaling umakay sa Juda at sa iba pang mga grupo—tingnan lalo na sa Zefanias 1:4–6, 12; 2:8, 10, 15; 3:1–4. Pagkatapos ay hanapin ang mga katangian ng mga taong pangangalagaan ng Diyos—tingnan sa Zefanias 2:1–3; 3:12–13, 18–19. Ano sa pakiramdam mo ang mensahe ng Panginoon para sa iyo sa mga talatang ito?

Inilalarawan ng Zefanias 3:14–20 ang kagalakan ng mabubuti matapos “iwaksi ng [Panginoon] ang iyong mga kaaway” (talata 15). Anong mga ipinangakong pagpapala sa talatang ito ang tumimo sa isipan mo? Bakit mahalagang malaman mo ang tungkol sa mga pagpapalang ito? Maaari mong ikumpara ang mga talatang ito sa mga karanasang inilarawan sa 3 Nephi 17 at pagnilayan kung ano ang nadarama ni Jesucristo sa Kanyang mga tao—pati na sa iyo.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Nahum 1:7.Paano natutulad ang Panginoon sa “[isang matatag na] muog”? Ang inyong pamilya ay maaaring gumawa ng simpleng muog o tanggulan sa inyong tahanan at pag-usapan ang Nahum 1:7 habang nasa loob nito. Ano ang sanhi kung bakit ang ating araw ay “araw ng kaguluhan”? Paano tayo mapapatibay ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo? Paano natin ipinapakita na tayo ay “nagtitiwala sa kanya”?

Habakuk 2:14.Paano tayo makatutulong na matupad ang propesiya sa talatang ito?

Habakuk 3:17–19.Ano ang natututuhan natin sa mga halimbawa ni Habakuk sa mga talatang ito?

Zefanias 2:3.Maaari kayong maglaro kung saan kailangang hanapin ng mga kapamilya ang mga salitang “kabutihan” at “kaamuan” sa isang pahinang may iba pang mga salita. Pagkatapos ay maaari nilang pag-usapan ang tungkol sa mga halimbawa ng kabutihan at kaamuan na nakita nila sa isa’t isa. Ano ang kahulugan ng maghangad ng kabutihan at kaamuan?

Zefanias 3:14–20.Ano ang nakikita natin sa Zefanias 3:14–20 na gumaganyak sa atin na “umawit, … magalak at magsaya nang buong puso”? Maaaring kumanta ang inyong pamilya ng mga himno o awiting naiisip nila habang binabasa nila ang mga talatang ito.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Hanapin si Cristo Habang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 67.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magtiyaga. Kung minsan gusto nating masagot kaagad ang ating mga tanong, ngunit ang mga espirituwal na kabatiran ay kailangan ng panahon at hindi mapipilit. Tulad ng sinabi ng Panginoon kay Habakuk, “Hintayin mo; ito’y tiyak na darating” (Habakuk 2:3).

Larawan
si Jesus na bumababa at nakasuot ng pulang bata

“Ang Panginoon mong Diyos na nasa gitna mo [ay makapangyarihan]” (Zefanias 3:17). Muli Siyang Paparito upang Mamuno at Maghari, ni Mary R. Sauer