Lumang Tipan 2022
Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86: “Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa”


“Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86: ‘Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
hawak ni Jesus ang lampara

Saving That Which Was Lost {Pagliligtas sa Nawala}, ni Michael T. Malm

Agosto 15–21

Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86

“Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa”

Ang outline na ito ay tumutukoy sa ilan sa mga paksa ng doktrina sa mga awit na ito. Sa iyong pag-aaral, may mga salita, imahe, o ideya na maaaring makaagaw ng iyong pansin. Ano sa pakiramdam mo ang sinisikap ng Panginoon na ituro sa iyo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga manunulat ng Mga Awit ay nagbahagi ng malalim na personal na damdamin sa kanilang tula. Sumulat sila tungkol sa nadaramang panghihina-ng-loob, takot, at pagsisisi. May mga pagkakataon na tila nadama nilang pinabayaan sila ng Diyos, at ang ilang mga awit ay may pahiwatig ng kaunting kabiguan o kawalang-pag-asa. Kung nadama mo na ang mga ito, ang pagbabasa sa Mga Awit ay makatutulong sa iyo na malaman na hindi ka nag-iisa. Pero makakakita ka rin ng mga awit na makahihikayat sa iyo kapag ganito ang iyong nadarama, dahil pinuri rin ng mga mang-aawit ang Panginoon sa Kanyang kabutihan, namangha sa Kanyang kapangyarihan, at nagsaya sa Kanyang awa. Alam nila na ang mundo ay nabibigatan sa kasamaan at kasalanan ngunit ang Panginoon ay “mabuti, at mapagpatawad” (Mga Awit 86:5). Naunawaan nila na ang pagsampalataya sa Panginoon ay hindi nangangahulugang hindi ka kailanman daranas ng pagkabalisa, kasalanan, o takot. Ibig sabihin nito ay alam mo kung Sino ang lalapitan mo kapag kailangan mong gawin ito.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Awit 49; 62:5–12

Ang pagkatubos ay dumarating sa pamamagitan lamang ni Jesucristo.

Ang Mga Awit 49 ay may mensahe para sa “mababa at mataas, mayaman at dukha” (talata 2). Ano kayang mensahe ito? Ano sa palagay mo ang idinaragdag ng Mga Awit 62:5–12 sa mensaheng iyan?

Ang pagbabasa sa mga awit na ito ay maaaring maghikayat sa iyo na pagnilayan ang mga paraan na inilalagay ng ilang tao ang kanilang tiwala sa isang bagay maliban sa Diyos para sa pagtubos (tingnan sa Mga Awit 49:6–7). Paano naiimpluwensyahan ng iyong buhay ang iyong patotoo na “tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol”? (talata 15).

Tingnan din sa Mga Kawikaan 28:6; Alma 34:8–17.

Mga Awit 51; 85–86

Dahil sa awa ng Tagapagligtas, maaaring mapatawad ang aking mga kasalanan.

Ang mga pagsamo para sa awa sa Mga Awit 51 ay sinasabing kay Haring David, na nagkasala ng pangangalunya at pagpatay (tingnan sa 2 Samuel 11). Kahit hindi mabigat ang ating mga kasalanan, makakaugnay tayo sa pangangailangan ng awa na ipinahayag sa awit na ito. May matututuhan din tayo tungkol sa ibig sabihin ng magsisi. Halimbawa, anong mga salita o parirala sa Mga Awit 51 ang nagtuturo sa iyo tungkol sa kailangan nating gawin para makapagsisi? Ano ang natutuhan mo tungkol sa epekto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa iyong buhay?

Maaari mong itanong ang mga tanong din na iyon habang binabasa mo ang Mga Awit 85–86. Maaari ka ring maghanap ng mga pariralang naglalarawan sa Panginoon. Paano pinalalakas ng mga pariralang ito ang iyong pananalig na patatawarin ka Niya? (tingnan, halimbawa, sa Awit 86:5, 13, 15).

Tingnan din sa Alma 36; Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67–69; Carole M. Stephens, “Ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2016, 9–12.

Mga Awit 51:13–15; 66:16–17; 71:15–24

Ang patotoo ko kay Jesucristo ay makakatulong sa iba na lumapit sa Kanya.

Pagnilayan kung paano mo natamo ang iyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan. Pagkatapos, habang inaaral mo ang Mga Awit 51:13–15; 66:16–17; 71:15–24, isipin kung paano mo maaanyayahan ang iba na “lumapit at tingnan ang ginawa ng Diyos” (Awit 66:5). Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “magsalita ng [Kanyang] katuwiran sa buong maghapon”? (Mga Awit 71:24). Paano mo sasabihin sa iba “ang ginawa niya para sa [iyong] kaluluwa”? (“Mga Awit 66:16).

Tingnan din sa Mosias 28:1–4; Alma 26.

Larawan
dalawang binatang nag-uusap

Maibabahagi natin sa iba ang ating patotoo tungkol sa ginawa ng Panginoon para sa atin.

Mga Awit 63; 69; 77–78

Tutulungan ako ng Panginoon sa oras ng aking agarang pangangailangan.

Inilarawan ng ilang mang-aawit, sa malinaw na pananalita, kung ano ang pakiramdam ng malayo sa Diyos at kailanganin ang Kanyang tulong. Maaari mong hanapin ang mga paglalarawang iyon sa Mga Awit 63:1, 8; 69:1–8, 18–21; 77:1–9. Ano ang nakikita mo sa Mga Awit 63; 69; 77–78 na nagbigay ng katiyakan sa mga mang-aawit na ito?

Kapag ikaw ay naliligalig, paano nakakatulong sa iyo na “alalahanin ang mga gawa ng Panginoon” at ang Kanyang “mga kahanga-hangang gawa noong unang panahon”? (Mga Awit 77:11). Ang ilan sa mga kahanga-hangang gawang iyon ay inilarawan sa Mga Awit 78. Habang binabasa mo ang tungkol sa mga ito, pagnilayan kung ano ang makatutulong sa iyo na “ilagak ang [iyong] pag-asa sa Diyos” (talata 7). Anong mga karanasan mula sa iyong family history ang nakahihikayat sa iyo?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mga Awit 51:17.Isipin kung paano mo maituturo sa iyong pamilya ang kahulugan ng pagkakaroon ng bagbag na puso. Halimbawa, ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring maghalinhinan sa pagbubukas ng isang bagay na may matigas na balat, tulad ng itlog o mani. Paanong katulad kung minsan ng balat na iyon ang ating mga puso? Paano natin mabubuksan ang ating puso sa Panginoon? Ang sama-samang pagbabasa ng Awit 51 ay maaaring magbigay ng ilang ideya.

Awit 61:2–3.Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng pamilya sa pagdodrowing ng mga simbolo sa mga talatang ito at talakayin kung paano natutulad si Jesucristo sa isang mataas na “bato,” “isang kanlungan para sa [atin],” at “matibay na muog.”

Mga Awit 71:17; 78:5–7.Ano ang nais ng Panginoon na inyong “ituro … sa ng [inyong] mga anak”? (Awit 78:5). Marahil ang bawat miyembro ng pamilya ay maaaring magbahagi ng halimbawa ng “kagila-gilalas na mga gawa” ng Panginoon, tulad ng isang kuwento sa banal na kasulatan, karanasan, o personal na patotoo, na tumutulong sa kanila na “ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos” (Mga Awit 71:17; 78:7).

Awit 72Ang Awit 72 ay isinulat ni David tungkol sa kanyang anak na si Solomon, ngunit marami rito ang maiaangkop din kay Jesucristo. Habang binabasa ng inyong pamilya ang awit na ito, maaari nilang itaas ang isang larawan ng Tagapagligtas kapag nakakita sila ng mga talatang nagpapaalala sa kanila kay Jesucristo. Paano tayo makatutulong na isakatuparan ang hangaring “mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian”? (“MAwit 72:19; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 65:2.

Awit 85:11.Ang talatang ito ay maaaring makahikayat ng talakayan tungkol sa mga pangyayari sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo—kung paanong ang Aklat ni Mormon ay katotohanan na “[bubukal] sa lupa” at kung paanong ang mga sugo ng langit ay “ipinadala mula sa langit” (tingnan din sa Moises 7:62). Ang video na “Preparation of Joseph Smith: Tutored by Heaven” (ChurchofJesusChrist.org) ay naglalarawan ng ilan sa mga pangyayaring ito.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Kailangan Ko Kayo,” Mga Himno, blg .54.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng iba’t ibang paraan. “Maghanap ng mga paraan na maiiba-iba mo ang mga pagsisikap mong ituro ang ebanghelyo. Ang paggawa nito ay magdaragdag ng yaman at kagandahan sa karanasan. … Isipin kung paano maaanyayahan ng musika, mga kuwento, larawan, at iba pang mga anyo ng sining ang Espiritu” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).

Larawan
lalaking nakaluhod sa harapan ni Jesus

Doubt Not, Thomas {Huwag kang Mag-alinlangan, Tomas},ni J. Kirk Richards