Bagong Tipan 2023
Pagtuturo sa mga Batang Musmos


“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Pagtuturo sa mga Batang Musmos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at *Pamilya: 2023

Pagtuturo sa mga Batang Musmos

Kung may mga batang musmos sa inyong pamilya, narito ang ilang aktibidad na makakatulong sa kanila na matuto:

  • Umawit. Ang mga himno at awitin mula sa Aklat ng mga Awit Pambata ay nagtuturo ng doktrina sa mabisang paraan. Gamitin ang indeks ng mga paksa sa likod ng Aklat ng mga Awit Pambata para mahanap ang mga awiting nauugnay sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo mo. Tulungan ang iyong mga anak na iugnay ang mga mensahe ng mga awitin sa buhay nila. (Tingnan din ang “Ibilang ang Sagradong Musika sa Inyong Pag-aaral ng Ebanghelyo” sa resource na ito.)

  • Pakinggan o isadula ang isang kuwento. Gustung-gusto ng mga batang musmos ang mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, sa inyong buhay, sa kasaysayan ng Simbahan o ng inyong pamilya, at mula sa mga magasin ng Simbahan. Humanap ng mga paraan para maisali sila sa pagkukuwento. Maaari nilang hawakan ang mga larawan o bagay, idrowing ang naririnig nila, isadula ang kuwento, o maaari din silang tumulong sa pagkukuwento. Tulungan ang iyong mga anak na matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga ikinukuwento mo.

  • Magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan. Maaaring hindi pa ganoon kagaling bumasa ang mga batang musmos, pero maaari mo pa rin silang isali sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring kailanganin mong magtuon sa iisang talata, mahalagang kataga, o salita. Maaari nga ring maisaulo ng mga bata ang maiikling parirala mula sa mga banal na kasulatan kung uulitin nila ito nang ilang beses. Kapag naririnig nila ang salita ng Diyos, madarama nila ang Espiritu.

  • Tingnan ang isang larawan o panoorin ang isang video. Kapag nagpakita ka sa iyong mga anak ng isang larawan o video na may kaugnayan sa isang alituntunin ng ebanghelyo o kuwento sa banal na kasulatan, itanong sa kanila ang mga bagay na tutulong sa kanila na matuto mula sa kanilang nakikita. Halimbawa, maaari mong itanong, “Ano ang nangyayari sa larawan o video na ito? Ano ang ipinadarama nito sa inyo?” Ang Gospel Media app, GospelMedia.ChurchofJesusChrist.org, at mgabata.SimbahanniJesucristo.org ay magandang puntahan para makahanap ng mga larawan at video.

  • Lumikha. Ang mga bata ay maaaring bumuo, gumuhit, o magkulay ng isang bagay na may kaugnayan sa kuwento o alituntuning natututuhan nila.

  • Sumali sa mga object lesson. Ang isang simpleng object lesson ay maaaring magpaunawa sa iyong mga anak ng isang alituntunin ng ebanghelyo na mahirap maintindihan. Kapag gumagamit ng mga object lesson, humanap ng mga paraan para makasali ang iyong mga anak. Mas marami silang matututuhan mula sa isang karanasan na nakikisalamuha sila kaysa manood lang ng isang demonstrasyon.

  • Magdula-dulaan. Kapag isinasadula ng mga bata ang isang sitwasyon na malamang na maranasan nila sa totoong buhay, mas mauunawaan nila kung paano naaangkop ang isang alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang buhay.

  • Ulitin ang mga aktibidad. Maaaring kailangang marinig ng maliliit na bata ang mga konsepto nang maraming beses para maunawaan ang mga ito. Huwag matakot na ulitin nang madalas ang mga kuwento o aktibidad. Halimbawa, maaari mong isalaysay nang ilang beses ang isang kuwento sa banal na kasulatan sa iba’t ibang paraan—sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa mga banal na kasulatan, pagbubuod sa sarili mong mga salita, pagpapalabas ng video, pagpayag na tumulong ang iyong mga anak sa pagkukuwento, pag-anyaya sa kanila na isadula ang kuwento, at iba pa.

Larawan
pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan