Bagong Tipan 2023
Mayo 15–21. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12: “Tingnan Mo, ang Iyong Hari ay Dumarating”


“Mayo 15–21. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12: ‘Tingnan Mo, ang Iyong Hari ay Dumarating,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 15–21. Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
lalaki sa itaas ng puno habang papalapit si Jesus

Zacchaeus in the Sycamore Tree [Si Zaqueo sa Itaas ng Puno ng Sikomoro], ni James Tissot

Mayo 15–21

Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; Juan 12

“Tingnan Mo, ang Iyong Hari ay Dumarating”

Bago basahin ang mga ideya sa outline na ito, basahin ang Mateo 21–23; Marcos 11; Lucas 19–20; at Juan 12. Itala ang mga impresyon na maibabahagi mo sa inyong pamilya o sa inyong mga klase sa Simbahan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang Tagapagligtas ay nagutom matapos maglakbay mula Betania hanggang Jerusalem, at mukhang mapagkukunan ng pagkain ang isang puno ng igos. Ngunit nang lumapit si Jesus sa puno, natuklasan Niya na wala itong bunga (tingnan sa Mateo 21:17–20; Marcos 11:12–14, 20). Sa ilang paraan, ang puno ng igos ay katulad ng mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon sa Jerusalem: ang kanilang hungkag na mga turo at panlabas na mga pagpapakita ng kabanalan ay walang ibinigay na espirituwal na kabusugan. Mukhang maraming kautusang sinusunod ang mga Fariseo at eskriba subalit hindi nila nasunod ang dalawang pinakadakilang utos: ang ibigin ang Diyos at ibigin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili (tingnan sa Mateo 22:34–40; 23:23).

Sa kabilang dako, maraming tao ang nagsimula nang kilalanin ang mabuting bunga sa mga turo ni Jesus. Pagdating Niya sa Jerusalem, sinalubong nila Siya ng mga sangang pinutol mula sa mga puno para ilatag sa Kanyang daanan, nagagalak na sa wakas, tulad ng sinabi sa sinaunang propesiya, “Ang iyong [H]ari ay dumarating” (Zacarias 9:9). Sa pagbabasa mo sa linggong ito, pag-isipan ang mga bunga ng mga turo at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas sa buhay mo at kung paano ka “[m]agbubunga ng marami” (Juan 12:24).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Lucas 19:1–10

Humahatol ang Panginoon hindi ayon sa panlabas na anyo kundi ayon sa mga hangarin ng puso.

Noong panahon ni Jesus, maraming taong nag-akala na ang mga publikano, o mga maniningil ng buwis, ay hindi tapat at ninanakawan ang mga tao. Kaya dahil mayaman si Zaqueo, ang punong publikano, maaaring mas lalo nila siyang pinaghinalaan. Ngunit tumingin si Jesus sa puso ni Zaqueo. Ano ang inihahayag ng Lucas 19:1–10 tungkol sa puso ni Zaqueo? Maaari mong itala ang mga salita sa mga talatang ito na inilalarawan kung ano ang ginawa ni Zaqueo para ipakita ang kanyang katapatan sa Tagapagligtas. Ano ang mga hangarin ng puso mo? Ano ang ginagawa mo para hanapin ang Tagapagligtas, tulad ng ginawa ni Zaqueo?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 137:9.

Mateo 23; Lucas 20:45–47

Kinokondena ni Jesus ang pagpapaimbabaw.

Ang pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa mga eskriba at Fariseo ay bumubuo ng nakatutuwang pagkakaiba sa Kanyang pakikipag-ugnayan kay Zaqueo. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Pinagalitan [ni Jesus] ang mga ipokritong gaya ng mga eskriba, Fariseo, at Saduceo—yaong mga pakunwaring mabait para sila ay mapuri, makaimpluwensya, at yumaman sa mundo, samantalang inaapi ang mga taong dapat ay pinagpapala nila” (“Sa Pagiging Tapat,” Liahona, Mayo 2015, 81).

Sa Mateo 23, gumamit ang Tagapagligtas ng ilang metapora para ilarawan ang pagpapaimbabaw. Isiping markahan o ilista ang mga metaporang ito at itala kung ano ang itinuturo ng mga ito tungkol sa pagpapaimbabaw. Ano ang pagkakaiba ng pagpapaimbabaw at ng mga kahinaan ng tao na nararanasan nating lahat habang sinusubukan nating ipamuhay ang ebanghelyo? Ano ang nahihikayat kang gawin sa naiibang paraan dahil sa mga turo ng Tagapagligtas?

Mateo 21:1–11; Marcos 11:1–11; Lucas 19:29–44; Juan 12:1–8, 12–16

Si Jesucristo ang aking Hari.

Nang dumating si Jesus sa Jerusalem ilang araw lamang bago Niya isinagawa ang Kanyang Pagbabayad-sala, ang mga taong kinilala Siya bilang kanilang Hari ay nagpakita ng kanilang debosyon sa pamamagitan ng pagpapahid ng langis sa Kanya, paglalagay ng mga damit at sanga ng palma sa Kanyang daanan papasok sa Jerusalem, at paghiyaw ng mga papuri. Isipin kung paano mapapalalim ng sumusunod na sanggunian ang pag-unawa mo sa mga pangyayaring ito, na nagsimula sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas.

  • Isang sinaunang halimbawa ng pagpapahid ng langis sa isang hari: 2 Mga Hari 9:1–6, 13

  • Isang sinaunang propesiya tungkol sa matagumpay na pagpasok: Zacarias 9:9

  • Ang kahulugan ng salitang hosana: “Hosana” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org)

  • Mga propesiya kung paano muling paparito ang Tagapagligtas: Apocalipsis 7:9–12

Paano mo maigagalang at matatanggap ang Tagapagligtas bilang iyong Panginoon at Hari?

Tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Hosana at Aleluia—Ang Buhay na Jesucristo: Ang Sentro ng Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2020, 52–55.

Mateo 22:34–40

Ang dalawang dakilang utos ay ibigin ang Diyos at ibigin ang kapwa gaya ng aking sarili.

Kung sakaling mahirapan ka habang sinisikap mong sundin si Jesucristo, makakatulong sa iyo ang mga salita ng Tagapagligtas sa abugado sa Mateo 22 na mapasimple at mapagtuunan mo ang iyong pagkadisipulo. Narito ang isang paraan para magawa ito: Ilista ang ilan sa mga utos ng Panginoon. Paano nakakonekta ang bawat item sa iyong listahan sa dalawang dakilang utos? Paano makakatulong sa iyo ang pagtutuon sa dalawang dakilang utos para masunod ang iba pang mga utos?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 21:12–14.Ano ang ipinapakita ng mga salita at kilos ni Jesus sa Mateo 21:12–14 tungkol sa nararamdaman Niya tungkol sa templo? Paano natin maipapakita ang nararamdaman natin tungkol sa templo? Ano ang maaari nating “i[ta]boy” (talata 12) sa ating buhay para maging higit na katulad ng templo ang ating tahanan? Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99).

Mateo 21:28–32.Anong mga aral mula sa talinghaga ng taong may dalawang anak na lalaki ang maaaring makatulong sa inyong pamilya? Halimbawa, maaari mong gamitin ang kuwento para talakayin ang kahalagahan ng taos na pagsunod at pagsisisi. Siguro maaaring sumulat ng isang script ang pamilya ninyo para isadula ang talinghaga at maghalinhinan sa pagganap sa iba’t ibang tauhan.

Mateo 22:15–22; Lucas 20:21–26.Maaaring masiyahan ang mga bata sa paggawa ng kunwa-kunwariang mga barya na may “larawan [ni Jesus] at nakasulat” na pangalan Niya sa mga iyon. Maaari nilang isulat sa likod ng mga barya ang ilan sa “[mga bagay na] sa Diyos” (Mateo 22:21) na maibibigay natin sa Kanya. Maaari mo ring talakayin kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “larawan [ng Tagapagligtas] at nakasulat” na pangalan Niya sa atin (Mateo 22:20; tingnan din sa Mosias 5:8; Alma 5:14).

Juan 12:1–8.Paano ipinakita ni Maria ang kanyang pagmamahal sa Tagapagligtas? Paano natin ipinapakita ang ating pagmamahal sa Kanya?

Larawan
babae na pinapahiran ng kanyang buhok ang mga paa ni Jesus

Washing Jesus’s Feet [Paghuhugas ng mga Paa ni Jesus], ni Brian Call

Juan 12:42–43.Anong mga bunga sa lipunan ang pumipigil sa atin kung minsan na ipahayag o ipagtanggol ang ating paniniwala kay Cristo? Para sa mga halimbawa ng mga taong hindi nagpatangay sa impluwensya ng lipunan, tingnan ang Daniel 1:3–20; 3; 6; Juan 7:45–53; 9:1–38; at Mosias 17:1–4. Paano natin maipapakita ang paggalang sa iba kapag ipinapahayag o ipinagtatanggol nila ang kanilang mga paniniwala sa relihiyon?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Panginoo’y Hari!,” Mga Himno, blg. 33.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng sining para maisali ang mga miyembro ng pamilya. “Ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo at ang Gospel Media Library sa SimbahanniJesucristo.org ay naglalaman ng maraming imahe at video na makakatulong sa [inyong pamilya] na ilarawan sa kanilang isipan ang mga konsepto o pangyayari” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).

Larawan
matagumpay na pagpasok ni Cristo

Triumphal Entry [Matagumpay na Pagpasok], ni Walter Rane