Bagong Tipan 2023
Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11: “Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko na ang Aking Tupang Nawala”


“Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11: ‘Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko na ang Aking Tupang Nawala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Mayo 1–7. Lucas 12–17; Juan 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
lalaking yakap ang kanyang anak

The Prodigal Son [Ang Alibughang Anak], ni Liz Lemon Swindle

Mayo 1–7

Lucas 12–17; Juan 11

“Makigalak Kayo sa Akin, Sapagkat Natagpuan Ko na ang Aking Tupang Nawala”

Habang binabasa mo ang Lucas 12–17 at Juan 11, mapanalanging hangarin ang nais ipaalam at ipagawa sa iyo ng Ama sa Langit. Ang pag-aaral mo ng mga kabanatang ito ay magbubukas sa puso mo sa mga mensaheng para lamang sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa karamihan ng mga sitwasyon, 99 sa 100 ang ituturing na napakagaling—ngunit hindi kapag ang bilang na iyon ay kumakatawan sa minamahal na mga anak ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10). Kung gayon, kahit ang isang kaluluwa ay karapat-dapat na masusi at walang takot na hanapin “hanggang sa ito’y [ating] matagpuan” (Lucas 15:4), tulad ng itinuro ng Tagapagligtas sa talinghaga ng nawawalang tupa. Sa gayon ay makapagsisimula na ang kagalakan, sapagkat “magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu’t siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi” (Lucas 15:7). Kung tila hindi patas iyan, makakatulong na alalahanin na, ang totoo, walang “hindi nangangailangan ng pagsisisi.” Kailangan nating lahat na masagip. At lahat tayo ay maaaring makibahagi sa pagsagip, at magkakasama tayong nagagalak sa bawat kaluluwang naligtas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:15–16).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Lucas 12; 14–16

Pinagpapala ako kapag itinutuon ko ang puso ko sa mga bagay na walang hanggan.

Bakit sasabihan ng Diyos ng “Hangal” ang isang masipag at matagumpay na lalaki na nagtayo ng malalaking kamalig at pinuno ang mga iyon ng mga bunga ng kanyang pinaghirapan? (tingnan sa Lucas 12:16–21). Sa mga kabanatang ito sa Lucas, itinuturo ng Tagapagligtas ang ilang talinghaga na magpapaibayo ng ating mga inaasam hindi lamang sa mundo kundi hanggang sa kawalang-hanggan. Ang ilan sa mga talinghagang ito ay nakalista rito. Paano mo ibubuod ang mensahe ng bawat isa? Ano sa palagay mo ang sinasabi sa iyo ng Panginoon?

Tingnan din sa Mateo 6:19–34; 2 Nephi 9:30; Doktrina at mga Tipan 25:10.

Lucas 15

Nagagalak ang Ama sa Langit kapag natatagpuan ang mga nawawala.

Habang binabasa mo ang mga talinghagang itinuro ni Jesus sa Lucas 15, ano ang natututuhan mo tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa mga nagkasala o kaya’y “nawala”? Ano ang dapat madama ng isang espirituwal na lider—o sinuman sa atin—sa kanila? Isipin kung paano kaya sinagot ng mga Fariseo at eskriba ang mga tanong na ito (tingnan sa Lucas 15:1–2). Ang sagot ni Jesus ay matatagpuan sa tatlong talinghaga sa Lucas 15. Habang nagbabasa ka, isipin kung ano ang itinuturo ni Jesus sa mga eskriba at Fariseo sa mga talinghagang ito.

Maaari ka ring gumawa ng listahan ng mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga talinghaga. Halimbawa, maaari mong tukuyin kung ano ang nawala sa bawat talinghaga at kung bakit ito nawala, paano ito natagpuan, at ano ang reaksyon ng mga tao nang matagpuan ito. Ano ang mga mensahe ni Jesus para sa mga taong “nawawala”—kabilang na ang mga tao na ang palagay ay hindi sila nawawala? Ano ang Kanyang mga mensahe para sa mga taong naghahanap sa mga nawawala?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:10–16; Jeffrey R. Holland, “Ang Isa pang Alibugha,” Liahona, Hulyo 2002, 62–64.

Larawan
babaeng naghahanap ng barya

The Lost Piece of Silver [Ang Nawawalang Piraso ng Pilak], ni James Tissot

Lucas 16:1–12

Ano ang itinuturo ni Cristo sa talinghaga ng tusong katiwala?

Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage ang isang aral na matututuhan natin mula sa talinghaga: “Maging masigasig; sapagkat ang araw kung kailan magagamit ninyo ang inyong kayamanan sa mundo ay lilipas kaagad. Matuto maging sa mga di-tapat at masasama; kung napakasinop nila para paghandaan ang tanging kinabukasang iniisip nila, paano pa kaya kayo, na naniniwala sa isang walang-hanggang kinabukasan, higit na nararapat maghanda para doon! Kung hindi pa kayo natututo ng karunungan at pagtitimpi sa paggamit ng ‘[masamang] kayamanan,’ paano maipagkakatiwala sa inyo ang mas nagtatagal na mga kayamanan?” (Jesus the Christ [1916], 464). Anong iba pang mga aral ang nakikita mo sa talinghagang ito?

Lucas 17:11–19

Ang pasasalamat para sa aking mga pagpapala ay mas maglalapit sa akin sa Diyos.

Kung naging isa ka sa sampung ketongin, sa palagay mo ba ay babalik ka para pasalamatan ang Tagapagligtas? Anong iba pang mga pagpapala ang natanggap ng nagpasalamat na ketongin dahil nagpasalamat siya?

Maaari mo ring pagnilayan ang mga salita ng Tagapagligtas na, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya” (talata 19). Sa iyong opinyon, paano nagkakaugnay ang pasasalamat at pananampalataya? Paano tayo tinutulungan ng dalawang ito na maging buo?

Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 41–44.

Juan 11:1–46

Si Jesucristo ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay.

Ang himala ng pagbabangon kay Lazaro mula sa mga patay ay isang makapangyarihan at di-mapapabulaanang patotoo na si Jesus nga ang Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas. Anong mga salita, parirala, o detalye sa Juan 11:1–46 ang nagpapalakas sa iyong pananampalataya na si Cristo “ang muling pagkabuhay at ang buhay”? Ano para sa iyo ang ibig sabihin ng si Jesus “ang muling pagkabuhay at ang buhay”?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Lucas 15:1–10.Nauunawaan ba ng mga miyembro ng inyong pamilya kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng isang bagay—o ng mawala? Ang pag-uusap tungkol sa kanilang mga karanasan ay maaaring magpasimula ng talakayan tungkol sa mga talinghaga ng nawawalang tupa at ng nawawalang piraso ng pilak. O maaari kayong maglaro kung saan magtatago ang isa at hahanapin siya ng iba pang mga miyembro ng pamilya. Paano naipauunawa sa atin ng aktibidad na ito ang mga talinghagang ito?

Lucas 15:11–32.Paano tayo maaaring maging katulad ng ama sa kuwentong ito kapag mayroon tayong mga mahal sa buhay na nawawala? Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ng nakatatandang anak na makakatulong sa atin na maging higit na katulad ni Cristo? Sa anong mga paraan katulad ng ating Ama sa Langit ang ama sa talinghagang ito?

Lucas 17:11–19.Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na ipamuhay ang salaysay tungkol sa sampung ketongin, maaari mo silang anyayahang mag-iwan ng lihim na maiikling sulat ng pasasalamat. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang “Mga Pagpapala ay Bilangin,” (Mga Himno, blg 147) at isa-isahin ang mga pagpapalang natanggap ng inyong pamilya.

Juan 11:1–46.Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Nasa Puso ng Pastol,” Mga Himno, blg. 134.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga kuwento at halimbawa upang magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang Tagapagligtas ay madalas gumamit ng mga kuwento at talinghaga para magturo tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Isipin ang mga halimbawa at kuwento mula sa sarili mong buhay na maaaring magbigay-buhay sa isang alituntunin ng ebanghelyo para sa inyong pamilya (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas22).

Larawan
lalaking nakaluhod at nagpapasalamat sa harapan ni Jesus

Where Are the Nine [Nasaan ang Siyam], ni Liz Lemon Swindle