Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia: ‘Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu’


“Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia: ‘Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 23–29. Mga Taga Galacia,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
nagpakita si Cristo kay Pablo sa bilangguan

Setyembre 23–29

Mga Taga Galacia

“Magsilakad Kayo Ayon sa Espiritu”

Habang binabasa mo ang Mga Taga Galacia, itala ang mga impresyong natatanggap mo. Ang paggawa nito ay makakatulong sa iyo na tandaan at pagnilayan ang mga ito sa hinaharap.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay ng kalayaan mula sa espirituwal na pagkaalipin. Ngunit kung minsa’y tinatalikuran ng mga tao ang naranasan nilang kalayaan sa ebanghelyo at “ninanasa [nilang] magbalik sa pagkaalipin” (Mga Taga Galacia 4:9). Ito ang ginagawa ng ilang Banal sa Galacia—tinatalikuran nila ang kalayaang ibinigay sa kanila ni Cristo (tingnan sa Mga Taga Galacia 1:6). Ang Sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia, kung gayon, ay isang apurahang panawagang bumalik sa “kalayaan [kung saan] pinalaya tayo ni Cristo” (Mga Taga Galacia 5:1). Ang panawagang ito ay kailangan din nating marinig at sundin dahil kahit nagbabago ang mga sitwasyon, patuloy pa rin ang tunggalian sa pagitan ng kalayaan at pagkaalipin. Tulad ng itinuro ni Pablo, hindi sapat na “[matawag] sa kalayaan” (Mga Taga Galacia 5:13); kailangan din nating “magsitibay” rito (Mga Taga Galacia 5:1) sa pamamagitan ng pag-asa kay Cristo.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Taga Galacia 1–5

Ang batas ni Cristo ay nagpapalaya sa akin.

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia nang malaman niya na inililigaw sila ng mga maling turo. Ang isa sa mga turong ito ay para maligtas, ang mga Gentil na tumanggap sa ebanghelyo ay kailangang matuli at sumunod sa iba pang mga tradisyon ng batas ni Moises. Tinawag ni Pablo ang mga tradisyong ito na “pamatok ng pagkaalipin” (Mga Taga Galacia 5:1) dahil pinipigilan nito ang mga Banal noon na lubos na sundin ang batas ni Cristo, na naghahatid ng tunay na kalayaan. Ano ang nakikita mo sa payo ni Pablo sa mga taga-Galacia na magpapaunawa sa iyo kung ano ang tunay na kalayaan? Maaari mo ring pagnilayan kung anong mga pamatok ng pagkaalipin ang umiiral sa iyong buhay. Mayroon bang pumipigil sa iyo na dumanas ng kalayaang maibibigay ng ebanghelyo? Paano “[ka] pinalaya” ni Cristo at ng Kanyang ebanghelyo? (Mga Taga Galacia 5:1).

Tingnan din sa 2 Nephi 2:27; 9:10–12.

Mga Taga Galacia 3

Ako ay tagapagmana ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham.

Nag-alala ang ilan sa mga Banal sa Galacia na dahil hindi sila literal na mga inapo (“binhi”) ni Abraham, baka hindi nila matanggap ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham, kabilang ang kadakilaan. Ayon sa Mga Taga Galacia 3:7–9, 13–14, 27–29, ano ang nagpapagindapat sa isang tao na maging “binhi ni Abraham”? Para malaman ang mga pagpapalang ipinangako kay Abraham at ang mga pagpapalang maaari nating manahin bilang kanyang mga binhi, tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipang Abraham,”.

Mga Taga Galacia 3:6–25

Na kay Abraham ba ang ebanghelyo ni Jesucristo?

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith: “Hindi tayo maaaring maniwala, na ang matatanda sa lahat ng panahon ay walang alam sa sistema ng langit tulad ng akala ng marami, dahil lahat ng nangaligtas noon, ay nangaligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng dakilang planong ito ng pagtubos, tulad noong bago dumating si Cristo. … Si Abraham ay nag-alay ng sakripisyo, at sa kabila nito, ipinangaral sa kanya ang Ebanghelyo” (“The Elders of the Church in Kirtland to Their Brethren Abroad,” The Evening and the Morning Star, Mar. 1834, 143, josephsmithpapers.org). Ang sumusunod na mga talata ay nagpapahiwatig din na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinangaral bago nagministeryo ang Tagapagligtas sa lupa: Helaman 8:13–20; Moises 6:50–66.

Mga Taga Galacia 5:13–26; 6:7–10

Kung “[lalakad ako] ayon sa Espiritu,” tatanggapin ko ang “bunga ng Espiritu.”

Sa pag-aaral sa mga talatang ito, masusuri mo kung gaano ka lubos na lumalakad ayon sa Espiritu. Nararanasan mo ba ang bunga ng Espiritu na binanggit sa mga talata 22–23? Anong iba pang bunga, o mga resulta, ng espirituwal na pamumuhay ang napansin mo? Pagnilayan kung ano ang kailangan mong gawin para malinang nang mas lubusan ang bungang ito. Paano mapagbubuti ng paglilinang sa bungang ito ang mahahalagang kaugnayan sa buhay mo?

Larawan
mga mansanas sa puno

Kailangan kong hangarin ang “bunga ng Espiritu” sa buhay ko.

Marahil ay sinusubukan mong lumakad ayon sa Espiritu, ngunit parang ang mga pagsisikap mo ay hindi naghahatid ng ipinangakong bunga. Basahin ang Mga Taga Galacia 6:7–10 (madalas tukuyin bilang batas ng pag-aani). Ano sa pakiramdam mo ang mensahe ng Panginoon para sa iyo sa mga talatang ito? Paano mo maaaring gamitin ang mga talatang ito para hikayatin ang isang tao na nahihirapang ipamuhay ang ebanghelyo?

Tingnan din sa Alma 32:28, 41–43; Doktrina at mga Tipan 64:32–34.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Taga Galacia 3:11

Ano ang ibig sabihin ng “[mabuhay] sa pananampalataya”? Ano ang ginagawa ng inyong pamilya para ipakita na kayo ay nabubuhay sa pananampalataya?

Mga Taga Galacia 4:1–7

Maaari mong pasimulan ang Mga Taga Galacia 4 sa pagtalakay sa mga pagkakaiba sa pagitan ng mga alipin ng isang hari at ng kanyang mga anak. Ano ang mga pagkakataon o potensyal ng anak ng isang hari na wala sa isang alipin? Pag-isipan ito habang sabay-sabay ninyong binabasa ang mga talata 1–7. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa ating kaugnayan sa Ama sa Langit?

Mga Taga Galacia 5:22–23

Para maragdagan ng kaunting saya sa talakayan ninyo ng Mga Taga Galacia 5:22–23, maaaring sulatan ng inyong pamilya ng mga salitang ginamit ni Pablo ang iba’t ibang prutas para ilarawan ang “bunga ng Espiritu.” Pagkatapos ay maaaring pumili ng isa ang bawat miyembro ng pamilya, ipaliwanag ito, at magkuwento ng isang tao na halimbawa ng bungang iyon. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa mga paraan na maaanyayahan ng inyong pamilya ang Espiritu sa inyong tahanan at mapagyayaman ang bungang ito. Pagkatapos ng talakayan, maaari kayong sama-samang kumain ng fruit salad.

Mga Taga Galacia 6:1

Maaaring may mga pagkakataon na may isa sa inyong pamilya na “masumpungan sa anomang pagsuway.” Anong payo ang nakikita mo sa Mga Taga Galacia 6:1 kung ano ang gagawin sa gayong sitwasyon?

Mga Taga Galacia 6:7–10

Kung nakapagtanim na ng isang bagay ang inyong pamilya, maaari mong gamitin ang karanasang iyon para ilarawan ang alituntunin na “ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya” (talata 7). O maaari mong tanungin ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa kanilang mga paboritong prutas o gulay at pag-usapan ninyo ang kailangang gawin para lumago ang isang halaman na nagbubunga ng pagkaing iyon. (Magagamit mong visual aid ang larawang kasama sa outline na ito.) Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang mga pagpapalang inaasahang matatanggap ng inyong pamilya at paano “aanihin” ang mga pagpapalang iyon.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang inyong pamilya na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili. Sabi ni Nephi, “Inihahalintulad ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). Para matulungan ang inyong pamilya na gawin ito, maaari mo silang anyayahang pagnilayan ang mga pagkakataon na naranasan nila ang bunga ng Espiritu na inilarawan sa Mga Taga Galacia 5:22–23. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)

Larawan
mga peras sa isang puno

Itinuro ni Pablo na kapag lumakad tayo ayon sa Espiritu, daranasin natin ang bunga ng Espiritu sa ating buhay.