Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 13–19. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo: “Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha”


“Disyembre 13–19. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo: ‘Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 13–19. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan

Disyembre 13–19

Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo

“Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha”

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Naniniwala ako na ang saloobin natin sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak at ang paggamit nito ay [isang pagsubok] para sa henerasyong ito. Dalangin ko na lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay manatiling matatag sa pagsubok na iyan” (“Ang Plano at ang Pagpapahayag,” Liahona, Nob. 2017, 31). Pag-isipang mabuti ang mga salitang ito habang pinag-aaralan mo ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak sa linggong ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Bago pa tayo isinilang, tayo ay bahagi na ng isang pamilya—ang pamilya ng ating mga Magulang sa Langit. Nang oras na para umalis sa Kanilang piling, nakapapanatag marahil na malaman na sa lupa, ang mga pamilya ay magiging bahagi pa rin ng plano ng Diyos. Ang huwaran sa lupa ay nilayon na ulitin ang perpektong huwaran sa langit.

Walang garantiya na ang mga pamilya sa lupa ay magiging ideyal o magiging maayos. Ngunit tulad ng itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “binibigyan [ng mga pamilya] ang mga anak ng Diyos ng pinakamagandang pagkakataon na malugod na tanggapin sa mundo na may pagmamahal na halos katulad ng nadama natin sa langit—ang pagmamahal ng magulang” (“Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 20). Nalalaman na ang mga pamilya ay hindi perpekto at dumaranas ng pag-atake ng kaaway, isinugo ng Diyos ang Kanyang Pinakamamahal na Anak para tubusin tayo at pagalingin ang ating mga pamilya. At nagpadala Siya ng mga propeta sa mga huling araw na may pagpapahayag upang ipagtanggol at palakasin ang mga pamilya. Kung tayo ay sumusunod sa mga propeta at sumasampalataya sa Tagapagligtas, kahit hindi maabot ng pamilya sa mundo ang banal na huwaran, may pag-asa para sa pamilya—sa lupa at sa langit.

Larawan

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

“Ang pamilya ang sentro ng plano ng Tagapaglikha.”

Ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay malinaw na tungkol sa mga pamilya. Ngunit ito ay tungkol din sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Ang isang paraan para pag-aralan ang pagpapahayag ay alamin kung ano ang itinuturo nito tungkol sa ating buhay bago tayo isinilang, habang narito tayo sa mundo, at pagkatapos ng buhay rito. Ano ang natututuhan mo kapag pinag-aaralan mo ang pagpapahayag sa ganitong paraan? Paano ka nito natutulungan na maunawaan kung bakit ang kasal at pamilya ay mahalaga sa plano ng Diyos?

Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Plano at ang Pagpapahayag,” Liahona, Nob. 2017, 28–31.

“Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”

Isipin ang mga talata anim at pito sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak bilang huwaran para sa “kaligayahan sa buhay ng mag-anak.” Habang binabasa mo ang mga talatang ito, tukuyin ang mga alituntunin ng “mga matagumpay na buhay mag-asawa at mag-anak.” Pagkatapos ay isipin ang ugnayan ng pamilya na gusto mong palakasin. Ano ang nahihikayat kang gawin? Paano mo isasali ang Tagapagligtas sa iyong mga pagsisikap?

Tingnan din sa Richard J. Maynes, “Pagtatatag ng Isang Tahanang Nakasentro kay Cristo,” Liahona, Mayo 2011, 37–39, ChurchofJesusChrist.org.

Ako “ay papananagutin sa harapan ng Diyos” sa paraan ng pakikitungo ko sa aking pamilya.

Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay kinabibilangan ng mga kagila-gilalas na pagpapala na ipinapangako ng Ama sa Langit sa mga taong sumusunod sa Kanyang payo. Kabilang din dito ang matitinding babala para sa mga taong hindi sumusunod. Isiping gumawa ng listahan ng mga pagpapala at babala na makikita mo.

Paano ka kumikilos ayon sa payo ng Diyos sa pagpapahayag? Kung nakatayo ka sa harapan ng Diyos ngayon, ano ang may tiwala kang tatalakayin sa Kanya tungkol sa samahan ng inyong pamilya? Ano ang kakailanganin ninyong pagbutihin?

Tingnan din sa Alma 5:15–22; Doktrina at mga Tipan 42:22–25; 93:39–44.

Larawan

Dapat palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan.

Matatanggap ko ba ang mga ipinangakong pagpapala kung hindi perpekto ang sitwasyon ng aking pamilya?

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang pagpapahayag ng mga pangunahing katotohanang nauukol sa kasal at pamilya ay hindi para kaligtaan o maliitin ang mga sakripisyo at tagumpay ng mga taong hindi pa nakakamit ang ideyal na sitwasyon sa kasalukuyan. … Lahat ay may mga kaloob; lahat ay may mga talento; lahat ay makatutulong sa pagpapahayag ng banal na plano sa bawat henerasyon. Maraming kabutihan, maraming mahalagang bagay—maging minsan ang lahat ng kinakailangan sa ngayon—ay makakamit hindi man perpekto ang sitwasyon. … Buong pananalig naming pinatototohanan na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakinita nang lahat ito at pupunan, sa huli, ang lahat ng kasalatan at kawalan ng mga taong bumabaling sa Kanya. Walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak” (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52).

Larawan

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

“Ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago isilang, habang narito sa mundo, at sa walang-hanggan.”Kung magiging kapaki-pakinabang para sa inyong pamilya na talakayin ang doktrina na may kaugnayan sa kasarian at pagkaakit sa kaparehong kasarian, maaaring makatulong ang sumusunod na mga resource: Dallin H. Oaks, “Katotohanan at ang Plano,” Liahona, Nob. 2018, 25–28.

“Ang dakilang plano ng kaligayahan.”Upang matulungan ang inyong pamilya na makita ang kahalagahan ng mga pamilya sa plano ng Ama sa Langit, maaari mong isulat ang buhay bago isilang, buhay sa mundo, at kabilang-buhay sa tatlong bahagi ng isang pirasong papel. Sama-samang saliksikin ang pagpapahayag, at isulat sa papel ang natutuhan mo tungkol sa bawat isa sa mga bahaging ito ng plano ng Diyos. Bakit napakahalaga ng mga pamilya sa Diyos?

“Kaligayahan sa buhay-pamilya.”Para matalakay kung paano magtatamo ng dagdag na “kaligayahan sa buhay ng [inyong] mag-anak,” maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pamilya, tulad ng “Tahana’y Isang Langit” (Mga Himno, blg. 186). Ano ang matututuhan natin mula sa awitin at mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na magdudulot ng higit na kaligayahan sa ating pamilya? Paano tayo makasisiguro na ang ating pamilya ay “[nakasalig] sa mga turo ng Panginoong Jesucristo”? Isiping piliin ang isang aral na gusto mong gawin sa linggong ito.

“Palakasin ang pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan.”Paano sinisikap ni Satanas na pahinain ang mga pamilya sa buong mundo? Paano natin magagawa ang ating bahagi upang mapalakas ang mga pamilya? Para sa mga ideya, tingnan ang mensahe ni Sister Bonnie L. Oscarson “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag Ukol sa Mag-anak” (Liahona, Mayo 2015, 14–17).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Tahana’y Isang Langit,” Mga Himno, blg. 186.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang pag-ibig ng Diyos. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “[Ang] ebanghelyo ay isang ebanghelyo ng pagmamahal—pagmamahal sa Diyos at sa isa’t isa” (“God’s Love for His Children,” Ensign, Mayo 1988, 59). Habang binabasa mo ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak, maaari mong isulat o markahan ang mga katibayan ng pag-ibig ng Diyos na pinakamahalaga sa iyo.