Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2: “Naniniwala Kami”


“Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2: ‘Naniniwala Kami,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
quilt na nagpapakita ng mga kamay ng maraming kulay ng balat

To All Worthy Male Members [Sa Lahat ng Karapat-dapat na mga Miyembrong Lalaki], ni Emma Allebes

Disyembre 6–12

Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2

“Naniniwala Kami”

Habang pinag-aaralan mo ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2, pag-isipan ang epekto ng mga ito sa Simbahan. Ano ang hinahangaan mo tungkol sa mga katotohanang itinuturo ng mga ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa loob ng 200 taon simula noong Unang Pangitain ni Joseph Smith, ang Diyos ay patuloy na nagbibigay ng “paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman” sa mga lider ng Kanyang Simbahan (Doktrina at mga Tipan 42:61). Sa ilang pagkakataon, ang paghahayag na iyan ay para sa mga lider ng Simbahan na gumawa ng mga pagbabago sa mga patakaran at gawi ng Simbahan, “alinsunod sa kalooban ng Panginoon, iniaangkop ang kanyang mga awa alinsunod sa mga kalagayan ng mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 46:15). Ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2 ay kumakatawan sa ganitong uri ng paghahayag—ang isa ay humantong sa pagtigil ng pagsasagawa ng pag-aasawa nang mahigit sa isa, at ang isa naman ay ginawa para sa mga tao sa lahat ng lahi na makatanggap ng mga pagpapala ng priesthood, pati na ang mga pagpapala ng templo. Ang mga pagbabagong tulad ng mga ito ay bahagi ng kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng “tunay at buhay na simbahan” (Doktrina at mga Tipan 1:30), na may tunay at buhay na propeta.

Ngunit mayroon ding mga bagay na hindi nagbabago—mga saligan at walang-hanggang katotohanan. At kung minsan ang layunin ng paghahayag ay magbigay ng dagdag na pang-unawa sa mga katotohanang ito, tinutulungan tayong makita nang mas malinaw ang mga ito. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya—ang 13 maiikling pahayag ni Joseph Smith tungkol sa pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw—ay tila akma sa paglilinaw na ito. Ang dalawang uri ng paghahayag na ito ay gumagabay at nagbabasbas sa Simbahan, isang Simbahan na matibay na nakasalig sa walang-hanggang katotohanan gayunman ay kayang umunlad at magbago habang pinalalawak ng Panginoon ang ating pang-unawa upang tulungan tayong harapin ang mga hamon ngayon. Sa madaling salita, “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Ang Mga Saligan ng Pananampalataya

Ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay naglalaman ng mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Isang paraan na maaari mong pag-aralan ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay sa paglilista sa mga katotohanang matatagpuan sa bawat isa at pagkatapos ay hanapin ang mga banal na kasulatan na may kaugnayan sa mga katotohanang ito. Paano pinagyayaman ng mga banal na kasulatang ito ang iyong pang-unawa sa mga katotohanang nasa Mga Saligan ng Pananampalataya?

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mga Saligan ng Pananampalataya,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; L. Tom Perry, “Ang mga Doktrina at Alituntuning nasa mga Saligan ng Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2013, 46–48; “Kabanata 38: Ang Wentworth Letter,” sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 511–524.

Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9; Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2.

Ang Simbahan ni Jesucristo ay ginagabayan ng paghahayag.

“Naniniwala kami na [ang Diyos] ay maghahayag pa ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9), kahit na ang ibig sabihin ng mga bagay na ito ay pagbabago sa mga patakaran at gawi ng Simbahan. Isinasaisip ang alituntuning ito, rebyuhin ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2, at hanapin ang mga salita at parirala na nagpapalakas sa iyong pananampalataya tungkol sa patuloy na paghahayag. Anong iba pang mga halimbawa ng patuloy na paghahayag sa propeta ng Panginoon ang naiisip mo? Paano naapektuhan ng mga paghahayag na ito ang iyong buhay? Paano naisulong ng mga ito ang gawain ng kaharian ng Ama sa Langit?

Tingnan din sa Alma 3:7; 2 Nephi 28:30.

Opisyal na Pahayag 1

Kailangang maisulong ang gawain ng Diyos.

Sa “Mga Hango mula sa Tatlong Talumpati ni Pangulong Wilford Woodruff Tungkol sa Pahayag” (sa katapusan ng Opisyal na Pahayag 1), ano ang mga dahilan na ibinigay ng propeta sa pagpapatigil ng Panginoon sa pagsasagawa ng pag-aasawa nang mahigit sa isa? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa gawain ng Diyos?

Larawan
ipinintang larawan ni Wilford Woodruff

Wilford Woodruff, ni H. E. Peterson.

Opisyal na Pahayag 2

Maaari tayong magtiwala sa Panginoon, kahit hindi natin lubusang nauunawaan ang isang bagay.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na magtiwala sa Panginoon (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5), at iyon nga ang ginawa ng maraming miyembro ng Simbahan na lahing Aprikano nang hindi ipinagkaloob sa kanila ng Simbahan ang ordinasyon sa priesthood at mga ordenansa ng templo. Kahit hindi nila nauunawaan kung bakit umiiral ang patakarang ito—at kadalasan ay nasasaktan dahil sa paliwanag na itinuturo noon, na tinatanggihan ngayon ng Simbahan—maraming matatapat na miyembro mula sa lahing Aprikano ang nagtiwala sa Panginoon at nanatiling tapat sa buong buhay nila. Habang binabasa mo ang Opisyal na Pahayag 2, pag-isipan kung paano ka natutong magtiwala sa Panginoon kahit wala kang ganap na pang-unawa.

Ang pagkaalam tungkol sa pananampalataya ng mga itim na miyembro ng Simbahan ay maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Ang Mga Saligan ng Pananampalataya.Isipin kung paano makalilikha ang inyong pamilya ng mga “munting-lesson” para sa Mga Saligan ng Pananampalataya. Halimbawa, sa buong linggo, bawat miyembro ng pamilya ay maaaring pumili ng isang saligan at maghanap ng kaugnay na talata ng banal na kasulatan, larawan, himno, o awit na pambata o magbahagi ng personal na karanasan.

O maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagtatanong sa isa’t isa tungkol sa Simbahan at sa ating mga pinaniniwalaan at pagkatapos ay sagutin ang mga tanong na iyon gamit ang isang saligan ng pananampalataya.

Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2.Ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2 ay tumutulong sa atin na maunawaan ang papel na ginagampanan ng makabagong paghahayag sa Simbahan. Habang sama-sama itong binabasa ng inyong pamilya, isiping talakayin kung paano tayo inaakay ng propeta “sa pamamagitan ng inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos” (Opisyal na Pahayag 1). Paano pinalalakas nitong dalawang pahayag ang ating pananampalataya sa isang buhay na Diyos na personal na gumagabay sa Kanyang Simbahan? Paano natin nakikita ang Kanyang kamay sa gawain ng Simbahan ngayon? Maaari kayong magpasiya na sama-samang tuklasin ang ilan sa mga resource sa “Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan” sa itaas.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mag-follow-up sa mga paanyayang kumilos. “Kapag nag-follow-up ka sa isang paanyayang kumilos, ipinapakita mo sa mga [miyembro ng iyong pamilya] na nagmamalasakit ka sa kanila at inaalam mo kung paano pinagpapala ng ebanghelyo ang kanilang buhay. Binibigyan mo rin sila ng pagkakataon na ibahagi ang kanilang mga karanasan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 35).