Doktrina at mga Tipan 2021
Agosto 16–22. Doktrina at mga Tipan 89–92: “Isang Alituntunin na may Lakip na Pangako”


“Agosto 16–22. Doktrina at mga Tipan 89–92: ‘Isang Alituntunin na may Lakip na Pangako,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Agosto 16–22. Doktrina at mga Tipan 89–92,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
lalaki at babae na naghahanda ng pagkain

Agosto 16–22

Doktrina at mga Tipan 89–92

“Isang Alituntunin na may Lakip na Pangako”

Mapanalanging pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 89–92, at itala ang anumang espirituwal na impresyon na matatanggap mo. Maging sensitibo sa kung paanong “ang Espiritu ay nagpapahayag ng katotohanan” sa iyo habang ikaw ay nag-aaral (Doktrina at mga Tipan 91:4).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa Paaralan ng mga Propeta, itinuro ni Propetang Joseph Smith sa mga elder ng Israel ang tungkol sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Tinalakay nila ang mga espirituwal na katotohanan, magkakasamang nanalangin, nag-ayuno, at naghanda upang ipangaral ang ebanghelyo. Ngunit may kung anong bagay sa kapaligiran na tila mali sa atin ngayon, at tila hindi rin ito tama kay Emma Smith. Sa oras ng mga miting, naninigarilyo ang mga lalaki at ngumunguya ng tabako, na karaniwan naman noong panahong iyon, ngunit nag-iiwan ito ng mantsang itim sa sahig at nag-iiwan ng mabahong amoy sa paligid. Sinabi ni Emma kay Joseph ang mga alalahanin niya, at nagtanong si Joseph sa Panginoon. Ang resulta ay isang paghahayag na hindi lamang tungkol sa usok at mga mantsa ng tabako. Nagbigay ito sa mga Banal, sa darating na mga henerasyon, ng “isang alituntunin na may lakip na pangako”—mga pangako na kalusugan ng katawan, “karunungan,” at “malaking kayamanan ng kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 89:3, 19).

Tingnan din sa Mga Banal, 1:190–93.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 89

Ang Word of Wisdom ay “isang alituntunin na may lakip na pangako.”

Nang unang marinig ng mga elder sa Paaralan ng mga Propeta na binasa ni Joseph Smith ang Word of Wisdom, kaagad nilang “inihagis sa apoy ang kanilang mga pipa at mga tabako” (Mga Banal, 1:192). Noong panahong iyon, ang Word of Wisdom ay mas itinuturing na babala kaysa sa isang kautusan, ngunit gusto nilang ipakita ang kahandaan nilang sumunod. Marahil “inihagis” mo na mula sa iyong buhay ang mga bagay na ipinagbabawal ng Word of Wisdom, pero ano pa ang matututuhan mo mula sa paghahayag na ito? Isipin ang mga ideyang ito:

  • Hanapin ang mga parirala na maaaring hindi mo napansin—o di mo gaanong pinag-isipan—noon. Ano ang natutuhan mo mula sa mga ito?

  • Kasama sa Doktrina at mga Tipan 89 ang ilang pangako (tingnan sa mga talata 18–21). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mga pangakong ito?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng paghahayag na ito tungkol sa Panginoon?

  • Anong mga halimbawa ang nakita mo tungkol sa “masasama at mga pakana … sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao”? (talata 4).

  • Isipin ang paghahayag na ito bilang “isang alituntunin na may lakip na pangako” (talata 3)—walang hanggang mga katotohanan na gumagabay sa paggawa ng desisyon—hindi lang listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Anong mga alituntunin ang nakita mo na gagabay sa iyong mga desisyon?

Ang mga makabagong propeta ay nagbabala rin tungkol sa nakapipinsalang mga bagay at pag-uugali na hindi binanggit sa Word of Wisdom (tingnan sa “Pisikal at Emosyonal na Kalusugan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, 25–27). Ano ang nadama mo na dapat mong gawin upang mas mapangalagaan ang iyong isipan at katawan?

Tingnan din sa Daniel 1; I Mga Taga Corinto 6:19–20; Gospel Topics, “Word of Wisdom,” topics.ChurchofJesusChrist.org; “The Word of Wisdom,” Revelations in Context,183–91; addictionrecovery.ChurchofJesusChrist.org.

Larawan
mga batang lalaki na tumatakbo sa dalampasigan

Ang Word of Wisdom ay nagtuturo sa atin na pangalagaan ang ating katawan.

Doktrina at mga Tipan 90:1–17

Hawak ng Unang Panguluhan ang “mga susi ng kaharian.”

Sa bahagi 90, nagtagubilin ang Panginoon tungkol sa “ministeryo at sa panguluhan” (talata 12) nina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams—mga miyembro ng ngayon ay tinatawag nating Unang Panguluhan. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Unang Panguluhan mula sa mga talata 1–17? Pag-aralang muli ang mga mensahe kamakailan ng mga miyembro ng Unang Panguluhan. Paano “[na]ilahad” ng mga salita nila “ang mga hiwaga ng kaharian” sa iyo? (talata 14). Paano nila “[isina]saayos ang lahat ng gawain ng Simbahan at kahariang ito”? (talata 16).

Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya sa Pagsang-ayon,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 58–60.

Doktrina at mga Tipan 90:24

“Lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [aking] ikabubuti.”

Pag-isipan ang anumang karanasan mo na nagpapatotoo sa mga pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 90:24. Maaari mong isulat o irekord ang iyong mga karanasan at ibahagi ito sa isang kapamilya o mahal sa buhay—siguro sa isang taong nangangailangan ng katiyakan o panghihikayat. Kung may hinihintay ka pang mga pagpapala, isipin kung ano ang magagawa mo para manatiling tapat habang naghihintay ka na makita kung paanong ang “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [iyong] ikabubuti.”

Doktrina at mga Tipan 90:28–31

Sino si Vienna Jaques?

Si Vienna Jaques ay isinilang noong Hunyo 10, 1787, sa Massachusetts. Isang babaeng may pananampalataya na may sapat na salaping panustos, unang nakilala ni Vienna ang mga missionary noong 1831. Matapos magtamo ng espirituwal na patotoo na ang kanilang mensahe ay totoo, naglakbay siya para makita ang Propeta sa Kirtland, Ohio, kung saan siya nabinyagan.

Sinunod ni Vienna ang payo ng Panginoon sa kanya na nasa Doktrina at mga Tipan 90:28–31. Ang kanyang paglalaan sa Panginoon, kabilang na ang mga donasyong ginawa niya sa Kirtland, ay dumating noong panahong nangangailangan ang Simbahan, noong sinisikap ng mga lider na makabili ng lupain kung saan itatayo ang Kirtland Temple. Si Vienna ay “tapat, at hindi … tamad” sa buong buhay niya at kalaunan ay nagawang “makapanirahang mapayapa” (talata 31) sa Salt Lake Valley, kung saan siya namatay sa edad na 96.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 89.Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng inyong pamilya na magdrowing o maghanap ng mga larawan ng mga pagkain at iba pang mga sangkap na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 89. Pagkatapos ay maaari kayong maglaro—maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagpili ng mga larawan, na inilalagay sa basura ang mga bagay na hindi natin dapat gamitin at sa isang pinggan naman ang mga bagay na dapat nating gamitin. Paano natupad ang mga pangako sa mga talata 18–21 sa ating buhay?

Ang pagbabasa ng “Pisikal at Emosyonal na Kalusugan” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (25–27) ay maaaring maghikayat ng talakayan tungkol sa iba pang mga paraan sa pangangalaga ng ating kalusugan at tungkol sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 90:5.Pag-usapan kung paano kayo “tumatanggap ng mga orakulo [paghahayag o propeta] ng Diyos.” Paano natin maipapakita na sila ay hindi “isang bagay na walang halaga” sa atin?

Doktrina at mga Tipan 91.Maaari ninyong talakayin kung paano naaangkop ang payo ng Panginoon tungkol sa Apocripa (tingnan sa mga talata 1–2) sa media na nakakaharap ngayon ng inyong pamilya (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Apocripa,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Maaari rin kayong magbahagi ng mga personal na karanasan nang makatulong sa inyo ang “[pagbibigay]-liwanag ng Espiritu” (talata 5) para makilala ang tama at mali.

Doktrina at mga Tipan 92:2.Ano ang ibig sabihin ng maging “masiglang kasapi” ng Simbahan?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 73.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng iba’t ibang paraan. Alamin ang iba’t ibang paraan upang maisama ang inyong pamilya sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaaring kumanta ang mga miyembro ng pamilya ng mga himno o awit pambata na may kaugnayan sa isang talata, magdrowing ng mga larawan tungkol sa binasa nila, o ibuod ang isang talata sa sarili nilang mga salita.

Larawan
mga prutas at mga gulay

“At lahat ng banal na … [ginagawa] ang mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto” (Doktrina at mga Tipan 89:18).