“Hulyo 26–Agosto 1. Doktrina at mga Tipan 84: ‘Ang Kapangyarihan ng Kabanalan’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 26–Agosto 1. Doktrina at mga Tipan 84,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021
Hulyo 26–Agosto 1
Doktrina at mga Tipan 84
“Ang Kapangyarihan ng Kabanalan”
Sa pagbabasa mo ng Doktrina at mga Tipan 84, pag-isipan ang payo na “[mabuhay] sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos” (talata 44). Paano ka mabubuhay sa mga salita sa paghahayag na ito?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Simula noong ipanumbalik ang priesthood o pagkasaserdote noong 1829, nabiyayaan ang mga Banal sa mga Huling Araw ng sagradong kapangyarihang iyan. Sila ay nabinyagan, nakumpirma, at tinawag na maglingkod sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, tulad natin ngayon. Ngunit ang pagtatamo o paggamit ng kapangyarihan ng priesthood ay hindi nangangahulugan na lubos na ang pagkaunawa rito, at nais ng Diyos na marami pang maunawaan ang Kanyang mga Banal—lalo na’t ipanunumbalik na ang mga ordenansa ng templo. Ang paghahayag noong 1832 tungkol sa priesthood, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 84, ay nagpalawak sa pag-unawa ng mga Banal sa kung ano talaga ang priesthood. At ganyan din ang magagawa nito para sa atin ngayon. Marami pang dapat matutuhan tungkol sa banal na kapangyarihan na humahawak ng “susi ng kaalaman tungkol sa Diyos,” na naghahayag ng “kapangyarihan ng kabanalan,” at naghahanda para “[ma]kita [natin ang] mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay” (mga talata 19–22).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 84:1–5, 17–28
Magagamit ko ang kapangyarihan ng priesthood at mga pagpapala ng Diyos.
Kapag naiisip mo ang salitang priesthood, ano ang pumapasok sa isip mo? Gaano kadalas mo iniisip ang tungkol sa priesthood at ang impluwensya nito sa iyong buhay sa araw-araw? Matapos pag-isipan ang mga tanong na ito, pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 84:1–5, 17–28, at pag-isipan ang nais ng Panginoon na malaman mo tungkol sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Paano mo magagamit ang mga talatang ito para ilarawan ang priesthood sa isang tao at ipaliwanag ang mga layunin nito?
Maaari mo ring isipin ang pakikibahagi mo sa mga ordenansa ng priesthood. Paano mo nakita “ang kapangyarihan ng kabanalan” (talata 20) sa mga ito? Isipin kung ano ang nais ng Panginoon na gawin mo upang matanggap pa lalo ang Kanyang kapangyarihan sa iyong buhay.
Tingnan din sa M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Set. 2014, 28–33.
Doktrina at mga Tipan 84:31–42
Kung tatanggapin ko ang Panginoon at ang Kanyang mga tagapaglingkod, tatanggapin ko ang lahat ng mayroon ang Ama.
Itinuro ni Elder Paul B. Pieper: “Nakakatuwa na sa sumpa at tipan ng priesthood [Doktrina at mga Tipan 84:31–42], ginamit ng Panginoon ang mga [pandiwang] matamo at matanggap. Hindi Siya gumamit ng pandiwang ordenan. Sa templo natatamo at natatanggap ng kalalakihan at kababaihan—nang magkasama—ang mga pagpapala at kapangyarihan ng Aaronic at Melchizedek Priesthood” (“Inihayag na mga Katotohanan ng Mortalidad,” Liahona, Ene. 2016, 21).
Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 84:31–42, hanapin ang mga salitang “tumanggap o tumatanggap” at “tinanggap o tinatanggap.” Pag-isipan kung ano ang maaaring kahulugan ng mga ito sa kontekstong ito. Paano mo “tinatanggap” ang Panginoon at Kanyang mga tagapaglingkod?
Maaari mo ring isulat ang mga pangako sa mga talatang ito na may kaugnayan sa sumpa at tipan ng priesthood, na “hindi masisira” ng Diyos (talata 40). Ano ang nakita mo na nagbigay-inspirasyon sa iyo na maging mas matapat pa sa pagtanggap sa Ama, sa Kanyang mga tagapaglingkod, at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood?
Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tipan,” “Sumpa,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.
Doktrina at mga Tipan 84:43–58
Lumalapit ako kay Cristo kapag sinusunod ko ang Kanyang mga salita at pinakikinggan ang Kanyang Espiritu.
Ang regular na pagbabasa ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta ay hindi lang isang bagay na tatapusin sa listahan ng mga espirituwal na bagay na kailangang gawin. Anong mga katotohanan ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 84:43–58 na tumutulong upang maunawaan mo kung bakit kailangan mong patuloy na pag-aralan ang salita ng Diyos? Pansinin ang pagkakaiba ng liwanag at kadiliman sa mga talatang ito; paanong ang “[pakikinig] na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan” ay nagdulot ng liwanag, katotohanan, at “Espiritu ni Jesucristo” sa iyong buhay? (mga talata 43, 45).
Tingnan din sa 2 Nephi 32:3; “Ang Aklat ni Mormon—Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 147–56.
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay tumutulong sa akin na madama ang impluwensya ng Espiritu.
Doktrina at mga Tipan 84:62–91
Makakasama ko ang Panginoon kapag naglilingkod ako sa Kanya.
Habang binabasa mo ang mga talatang ito, maaari mong tukuyin ang mga paraan na sinabi ng Panginoon na susuportahan Niya ang Kanyang mga Apostol at mga missionary. Paano kaya maiaangkop ang mga pangakong ito sa gawain na ipinagagawa Niya sa iyo? Halimbawa, paano natupad sa iyong buhay ang mga pangako sa talata 88?
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Doktrina at mga Tipan 84:6–18.Pagkatapos basahin kung paano natanggap ni Moises ang kanyang awtoridad ng priesthood, maaaring magbahagi ang isang priesthood holder sa inyong pamilya o isang ministering brother ng kanyang karanasan nang maorden siya sa isang katungkulan sa priesthood. Kung posible, maaari niyang ibahagi at talakayin ang kanyang priesthood line of authority. Bakit mahalaga na matunton natin ang awtoridad ng priesthood sa Simbahan ngayon pabalik sa awtoridad ni Jesucristo? Para makahingi ng priesthood line of authority, magpadala ng email sa lineofauthority@ChurchofJesusChrist.org.
-
Doktrina at mga Tipan 84:20–21.Kailan naranasan ng inyong pamilya “ang kapangyarihan ng kabanalan” na ipinapakita sa pamamagitan ng ordenansa tulad ng binyag o sakramento? Marahil maaari ninyong pag-usapan kung paano naghahatid ng kapangyarihan ng Diyos ang mga ordenansang ito sa ating buhay. Maaari rin kayong magdispley ng isang larawan ng templo at talakayin kung paano nagbibigay sa atin ng karagdagang kapangyarihan ang mga ordenansa ng templo upang maging katulad tayo ng Tagapagligtas. Maaari kayong kumanta ng isang awit tungkol sa priesthood, tulad ng “Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 60), at talakayin kung ano ang itinuturo ng awit na ito tungkol sa priesthood.
-
Doktrina at mga Tipan 84:43–44.Maaari kayong magkakasamang maghanda ng pagkain o miryenda at sulatan ang bawat sangkap gamit ang salita o parirala sa talata 44. Bakit mahalaga na isama natin ang bawat sangkap? Bakit mahalagang mabuhay ayon sa bawat salita ng Diyos?
-
Doktrina at mga Tipan 84:98–102.Ano ang natutuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa “bagong awitin” (talata 98) sa mga talatang ito? Ano ang magagawa natin sa ating panahon para makatulong sa pagsasakatuparan ng mga kondisyon na inilarawan sa awit na ito?
-
Doktrina at mga Tipan 84:106–10.Paano “[na]pabanal na magkakasama” ng mga kaloob at pagsisikap ng “bawat bahagi” (talata 110) ang ating pamilya?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awit: “ Ang Pagkasaserdote ay Naipanumbalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 60; tingnan din sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya.”
Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo
Mag-anyaya ng pagkilos at i-follow-up ang mga ito. Kapag inaanyayahan ninyo ang inyong pamilya na ipamuhay ang kanilang natutuhan, ipakita ninyo sa kanila na ang ebanghelyo ay isang bagay na dapat ipamuhay, hindi lamang pinag-uusapan. Ano ang maaari ninyong anyayahan na gawin nila mula sa inyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 84?
Rome Italy Temple