“Hulyo 27–Agosto 2. ‘Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain’: Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Hulyo 27–Agosto 2. ‘Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
I Have a Great Work to Do [Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain], ni Tyson Snow
Hulyo 27–Agosto 2: “Ako’y Gumagawa ng Isang Dakilang Gawain”
Ezra 1; 3–7; Nehemias 2; 4–6; 8
Ang mga Judio ay nabihag sa Babilonia sa loob ng mga 70 taon. Nawala sa kanila ang Jerusalem at ang templo, at marami ang nakalimot sa katapatan nila sa batas ng Diyos. Ngunit hindi sila kinalimutan ng Diyos. Sa katunayan, ipinahayag Niya sa pamamagitan ng Kanyang propeta, “dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito” (Jeremias 29:10). Bilang katuparan sa propesiyang ito, gumawa ang Panginoon ng paraan para makabalik ang Kanyang mga tao—kapwa sa Jerusalem at, higit sa lahat, sa kanilang mga tipan. At nagbangon Siya ng mga lingkod na nagsagawa ng “dakilang gawain” (Nehemias 6:3): Isang gobernador na nagngangalang Zerubabel ang nangasiwa sa muling pagtatayo ng bahay ng Panginoon. Tinulungan ni Ezra, isang saserdote at eskriba, ang mga tao na ibaling muli ang kanilang puso sa batas ng Panginoon. At pinamunuan ni Nehemias ang muling pagtatayo ng mga pader na nagpoprotekta sa palibot ng Jerusalem. Naharap sila sa oposisyon, ngunit nakakuha rin sila ng tulong mula sa hindi inaasahang mga source. Ang kanilang mga karanasan ay maaaring magbigay-kaalaman at makahikayat sa atin, dahil tayo ay gumagawa rin ng isang dakilang gawain. At tulad nila, malaki ang kinalaman ng ginagawa natin sa bahay ng Panginoon, sa batas ng Panginoon, at sa espirituwal na proteksyong matatagpuan natin sa Kanya.
Para sa buod ng mga aklat nina Ezra at Nehemias, tingnan sa “Ezra” at “Nehemias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ezra 1
Binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga tao na isakatuparan ang Kanyang mga layunin.
Matapos masakop ng Persia ang Babilonia, bingyang-inspirasyon ng Panginoon ang hari ng Persia, na si Ciro, na magpadala ng isang grupo ng mga Judio papuntang Jerusalem upang muling itayo ang templo. Habang binabasa mo ang Ezra 1, pansinin ang ginawa ni Ciro para masuportahan ang mga Judio sa mahalagang gawaing ito. Paano mo nakikitang gumagawa o kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng mga lalaki at babae sa iyong paligid, kabilang ang mga taong hindi miyembro ng Kanyang Simbahan? Ano ang ipinahihiwatig nito sa iyo tungkol sa misyon ng Panginoon at sa Kanyang gawain?
Tingnan din sa Isaias 44:24–28.
Ezra 3:8–13; 6:16–22
Ang bahay ng Panginoon ay lugar ng kagalakan.
Nang salakayin ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem, ninakaw nila ang mahahalagang bagay sa templo at sinunog ito hanggang sa maabo (tingnan sa 2 Mga Hari 25:1–10; 2 Cronica 36:17–19). Ano kaya ang maaaring naramdaman mo kung isa ka sa mga Judio na nakasaksi nito? (tingnan sa Mga Awit 137). Pansinin kung ano ang naramdaman ng mga Judio makalipas ang ilang dekada, nang pinayagan silang bumalik at muling itayo ang templo (tingnan sa Ezra 3:8–13; 6:16–22). Maaaring maghikayat iyan sa iyo na pagnilayan ang iyong nadarama tungkol sa Panginoon at sa Kanyang bahay. Bakit isang dahilan ng pagdiriwang ang pagtatayo ng templo?
The temple of Zerubbabel [Ang templo ni Zerubabel], larawang-guhit ni Sam Lawlor
Ezra 4–7; Nehemias 2; 4; 6
May mahalagang gawain na ipagagawa sa akin ang Diyos.
Bihirang hindi tinututulan ang gawain ng Panginoon. Totoo ito sa mga pagsisikap na pinamunuan nina Zerubabel at Nehemias. Narito ang isang simpleng pamamaraan na makatutulong sa iyo na matuto mula sa mga kuwentong ito at pag-isipan kung paano mo magagawa ang gawain ng Panginoon sa kabila ng oposisyon:
Ang ipinagawa ng Diyos kay Zerubabel (Ezra 4:3):
Ang ipinagawa ng Diyos para kay Nehemias (Nehemias 2:17–18):
Ang ipinagagawa ng Diyos sa akin:
Oposisyon na kinaharap ni Zerubabel (Ezra 4:4–24):
Oposisyon na kinaharap ni Nehemias (Nehemias 2:19; 4:1–3, 7–8; 6:1–13):
Oposisyon na kinakaharap ko:
Paano tumugon si Zerubabel (Ezra 5:1–2):
Paano tumugon si Nehemias (Nehemias 2:20; 4:6, 9;; 6:3–15):
Paano ako maaaring tumugon:
Para sa tulong na maihambing ang karanasan ni Nehemias sa iyong buhay, maaari mong pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Kami’y Gumagawa ng Dakilang Gawain, na Anopa’t Hindi Kami Makababa” (Liahona, Mayo 2009, 59–62), lalo na ang huling dalawang bahagi. Kapag iniisip mo ang gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos, maaari mong pag-aralan ang “Tema ng Young Women” o ang “Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood” (Gospel Library). O maaari mong tingnan ang himnong tulad ng “Bilang Magkakapatid sa Sion” (Mga Himno, blg. 197) o “Mga Elder ng Israel” (Mga Himno, blg. 198).
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng magkaroon ng “isang pag-iisip sa paggawa” sa paglilingkod sa Tagapagligtas? (Nehemias 4:6). Ano ang maaaring ibig sabihin ng “ang mabuting kamay ng … Diyos ay nasa [iyo]” kapag ginagawa mo ang Kanyang gawain? (Nehemias 2:8; tingnan din sa Nehemias 2:18; Ezra 7:6, 9, 27–28). Paano mo nakita ang Kanyang kamay sa iyong pagsisikap na paglingkuran Siya?
Nehemias 8
Ako ay pinagpapala kapag pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan.
Sa loob ng maraming henerasyon sa pagkabihag, limitado ang paggamit ng mga Judio sa “aklat ng kautusan ni Moises” (Nehemias 8:1). Sa Nehemias 8, binasa ni Ezra ang kautusan sa mga tao. Ano ang nahanap mo sa kabanatang ito na nagpapakita ng nadama ni Ezra at ng kanyang mga tao tungkol sa Diyos at sa Kanyang salita? (tingnan lalo na sa talata 1–12). Ano sa buhay mo ang nagpapakita ng nadarama mo tungkol sa Diyos at sa Kanyang salita?
Tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 133–44.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ezra 3:8–13; 6:16–22
Ang bahay ng Panginoon ay lugar ng kagalakan.
-
Para maituro sa iyong mga anak ang kagalakang nadama ng mga Judio nang itayo muli ang kanilang templo, maaari mong ipakita sa kanila ang isang larawan na katulad ng nasa ibaba. Pag-usapan kung bakit maaaring masaya ang mga taong ito na pumunta sa bahay ng Panginoon. Maaari mo ring sabihin sa iyong mga anak kung bakit ang templo ay lugar ng kagalakan para sa iyo. Paano ka natulungan ng templo na mas mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas?
-
Habang binabasa mo ang Ezra 3:10–13 kasama ang iyong mga anak, tulungan silang makahanap ng mga salitang nagpapakita ng nadama ng mga Judio nang muling itayo ang templo. Pagdating mo sa dulo ng talata 13, siguro maaari kayong sabay-sabay na sumigaw sa tuwa. Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga dahilan para magsaya na binigyan tayo ng Panginoon ng mga templo. Paano natin maipapakita ang kagalakang iyan?
-
Isiping kantahin ang isang awitin tungkol sa templo kasama ang iyong mga anak, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Gospel Library). Pagkatapos ng bawat linya, huminto para hilingin sa isang bata na magbahagi ng isang bagay na gustung-gusto niya tungkol sa templo. Maaari din kayong tumingin sa mga larawan ng mga templo habang kumakanta kayo.
Nehemias 2:17–20; 6:1–9
Tutulungan ako ng Panginoon na magawa ang Kanyang “dakilang gawain.”
-
Ibahagi sa iyong mga anak ang kuwento tungkol kay Nehemias (tingnan sa Nehemias 2:17–20; 6:1–9; o “Si Nehemias” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 173–74). Habang binabasa mo ang Nehemias 2:20, ikaw at ang iyong mga anak ay maaaring “[tumayo]” at kunwari ay tumutulong sa pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. O maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa pagtatayo ng pader gamit ang mga block o iba pang mga bagay. Habang gumagawa sila, matutulungan mo sila na mag-isip ng mahahalagang bagay na nais ng Ama sa Langit na gawin natin.
1:38Nehemiah
-
Habang binabasa mo ang Nehemias 6:9, sabihin sa iyong mga anak na itaas ang kanilang mga kamay kapag narinig nilang sinabi mong “palakasin mo ang aking mga kamay.” Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon na nadama mong pinalakas ng Diyos ang iyong mga kamay para gawin ang Kanyang gawain.
Nehemias 8:1–12
Ang mga banal na kasulatan ay pagpapala.
-
Basahin nang malakas ang ilang parirala mula sa Nehemias 8:2–3, 5–6, 8–9, 12 na naglalarawan kung ano ang ginawa ng mga tao nang marinig nila na binasa ni Ezra ang mga banal na kasulatan. Habang binabasa mo ito, maaaring gawan ng aksiyon ng mga bata ang mga pariralang ito. Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang nadama ninyo nang basahin o marinig ninyo ang mga banal na kasulatan.
-
Habang sama-sama ninyong binabasa ang Nehemias 8:8, maaari mong itanong sa iyong mga anak kung ano ang tumutulong sa kanila para maunawaan ang mga banal na kasulatan. Ipakita sa kanila kung paano gamitin ang mga tulong sa pag-aaral ng banal na kasulatan tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan at Mga Paksa at Mga Tanong (Gospel Library). Anyayahan ang iyong mga anak na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga banal na kasulatan.
Maghanap ng walang hanggang katotohanan sa mga banal na kasulatan. “Ang mga banal na kasulatan … ay puno ng mga katotohanan ng ebanghelyo, ngunit kung minsan kailangan ang kusang pagsisikap upang mahanap ang mga ito. Habang sama-sama kayong natututo mula sa mga banal na kasulatan, tumigil sandali at itanong sa mga tinuturuan mo kung anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang nakita nila. Tulungan sila na maunawaan kung paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Kung minsan ang mga walang hanggang katotohanan ay nakasaad sa mga banal na kasulatan, at kung minsan ay nakalarawan ang mga ito sa mga kuwento at buhay ng mga tao na nabasa natin. Makatutulong din na magkakasamang tuklasin ang pinagmulang kasaysayan ng mga talatang binabasa ninyo, gayundin ang kahulugan ng mga talata at kung paano naaangkop ang mga ito sa atin ngayon” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas:, 22).
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.