“Marso 30–Abril 5. ‘Lulunukin Niya ang Kamatayan Magpakailanman’: Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Marso 30–Abril 5. ‘Lulunukin Niya ang Kamatayan Magpakailanman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Larawang-guhit ng libingang walang laman
Marso 30–Abril 5: “Lulunukin Niya ang Kamatayan Magpakailanman”
Pasko ng Pagkabuhay
Ang buhay ni Jesucristo ang “tampulan ng buong kasaysayan ng sangkatauhan” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Gospel Library). Ano ang ibig sabihin niyan? Kahit paano, ang ibig sabihin nito ay na iniimpluwensyahan ng buhay ng Tagapagligtas ang walang-hanggang tadhana ng lahat ng taong nabuhay o mabubuhay pa. Maaari mo ring sabihin na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, sa unang Linggong iyon ng Pasko ng Pagkabuhay, ay pinag-uugnay ang lahat ng tao ng Diyos sa buong kasaysayan: yaong mga isinilang bago ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay inasam iyon nang may pananampalataya (tingnan sa Jacob 4:4), at yaong mga isinilang pagkaraan ay ginugunita iyon nang may pananampalataya. Kapag binasa natin ang mga salaysay at propesiya sa Lumang Tipan, hindi natin makikita kailanman ang pangalang Jesucristo, pero nakikita natin ang katibayan ng pananampalataya at pananabik ng mga sinaunang mananampalataya sa kanilang Mesiyas at Manunubos. Kaya tayo na inaanyayahang alalahanin Siya ay makadarama ng kaugnayan sa mga taong umasam sa Kanya. Sapagkat tunay na pinasan na ni Jesucristo “ang lahat [ng ating] kasamaan” (Isaias 53:6; idinagdag ang diin), at “kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Corinto 15:22; idinagdag ang diin).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ang mga propeta noon at ngayon ay nagpapatotoo sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.
Maraming sipi sa Lumang Tipan ang nagtuturo sa ministeryo at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Nakalista sa table sa ibaba ang ilan sa mga siping ito. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, ano ang mga impresyong dumarating sa iyo tungkol sa Tagapagligtas?
|
Lumang Tipan |
Bagong Tipan |
|---|---|
Lumang Tipan Zacarias 9:9 | Bagong Tipan Mateo 21:1–11 |
Lumang Tipan Zacarias 11:12–13 | Bagong Tipan Mateo 26:14–16; 27:3–8 |
Lumang Tipan Isaias 53:4 | Bagong Tipan Mateo 8:16–17; 26:36–39 |
Lumang Tipan Isaias 53:7 | Bagong Tipan Marcos 14:60–61 |
Lumang Tipan Awit 22:16 | Bagong Tipan Juan 19:17–18; 20:25–27 |
Lumang Tipan Awit 22:18 | Bagong Tipan Mateo 27:35 |
Lumang Tipan Awit 69:21 | Bagong Tipan Mateo 27:34, 48 |
Lumang Tipan Awit 118:22 | Bagong Tipan Mateo 21:42 |
Lumang Tipan Isaias 53:9, 12 | Bagong Tipan Mateo 27:57–60; Marcos 15:27–28 |
Lumang Tipan Isaias 25:8 | Bagong Tipan Marcos 16:1–6; Lucas 24:6 |
Lumang Tipan Daniel 12:2 | Bagong Tipan Mateo 27:52–53 |
Ang mga propesiyang nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas ay mas sagana at malinaw pa sa Aklat ni Mormon. Isipin kung paano lumalakas ang iyong pananampalataya sa mga siping kagaya nito: 1 Nephi 11:31–33; 2 Nephi 25:13; Mosias 3:2–11; Alma 7:10–13.
Ang mga propeta sa mga huling araw ay patuloy na nagpapatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang misyon ng pagbabayad-sala. Habang nakikinig ka sa pangkalahatang kumperensya ngayong katapusan ng linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, pansinin ang mga patotoo tungkol kay Cristo na marinig mo. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga iyon tungkol sa Kanya?
Si Jesucristo ay inaalok ako ng kapayapaan at kagalakan.
Ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang masayang panahon, dahil ito ang panahon para ipagdiwang ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Subalit, kahit na sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, maraming taong hindi makaramdam ng kagalakan sa iba’t ibang kadahilanan. Ano ang magagawa mo para ipalaganap ang kapayapaan at kagalakan sa Tagapagligtas ngayong Pasko ng Pagkabuhay?
Ang isang ideya ay maghanap ng mga mensahe sa mga banal na kasulatan tungkol sa kapayapaan at kagalakang alok ni Jesucristo, tulad ng mga ito: Mga Awit 16:8–11; 30:2–5; Isaias 12; 25:8–9; 40:28–31; Juan 14:27; 16:33; Alma 26:11–22. Isipin kung paano mo maibabahagi ang mga mensaheng ito sa iba. Halimbawa, maaari ka sigurong gumawa ng mga Easter card na ipamimigay, batay sa mga mensaheng ito. Ipagdasal kung sino ang kailangang tumanggap ng iyong pagbati sa Easter o Pasko ng Pagkabuhay. Maaari mo ring ipasiya na ibahagi ang iyong mga mensahe sa social media, kung saan maraming tao ang makakakita sa mga iyon.
Ang mga himno tungkol kay Cristo at sa Pagkabuhay na Mag-uli, tulad ng “Siya’y Nabuhay!” (Mga Himno, blg. 119), ay maaari ding magpadama sa atin ng kapayapaan at kagalakan sa Pasko ng Pagkabuhay. Maghanap ng mga parirala sa himno na nagpapakita, sa iyong opinyon, ng kagalakan sa Pasko ng Pagkabuhay.
Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Hindi Gaya ng Ibinibigay ng Sanlibutan,” Liahona, Mayo 2021, 35–38; Mark S. Palmer, “Ang Ating Kalungkutan ay Magiging Kagalakan,” Liahona, Mayo 2021, 88–90.
Why Weepest Thou [Bakit Ka Umiiyak], ni Simon Dewey (detalye)
Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, may kapangyarihan si Jesucristo na tulungan akong madaig ang kasalanan, kamatayan, mga pagsubok, at mga kahinaan.
Narito ang isang aktibidad na makakatulong sa iyo na makita ang maraming pagpapalang dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Basahin ang mga talata sa ibaba kung ano ang tinutulungan ni Jesucristo na madaig natin. Subukang ayusin ang mga sipi sa mga kategoryang ito: kasalanan, kamatayan, mga pagsubok, at mga kahinaan (ang ilang sipi ay maaaring akma sa mahigit sa isang kategorya). Habang nagbabasa ka, ano ang mga impresyon mo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas?
-
Isaias 61:1–3
-
Ezekiel 36:26–28
-
Mateo 11:28–30
-
Lucas 1:46–55
-
Roma 8:35–39
Paano mo ipaliliwanag sa isang kaibigang hindi Kristiyano kung bakit mahalaga si Jesucristo sa iyo? Ang mensahe ni Elder Ahmad S. Corbitt na “Alam Ba Ninyo Kung Bakit Ako Naniniwala kay Cristo Bilang Isang Kristiyano?” (Liahona, Mayo 2023, 119–21) ay maaaring makatulong.
Tingnan din sa Reyna I. Aburto, “Hindi Nagtagumpay ang Libingan,” Liahona, Mayo 2021, 85–87; Mga Paksa at mga Tanong, “Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” “Pagkabuhay na Mag-uli,” Gospel Library.
Binayaran ni Jesucristo ang halaga para sa aking kaligtasan.
Ano ang natututuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa halagang ibinayad ni Jesucristo para sa iyong kaligtasan: Isaias 53:3–5; Mosias 3:7; Doktrina at mga Tipan 19:16–19? Ano ang halagang ibinayad ng ating Ama sa Langit? (tingnan sa Juan 3:16).
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Si Jesus ay nagdusa at namatay para sa akin.
-
Ang linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay magandang panahon para ituro sa iyong mga anak kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin sa Getsemani at sa krus. Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng mga larawan sa ibaba at hayaang pag-usapan nila kung ano ang nangyayari sa mga larawan. Habang tinitingnan ng iyong mga anak ang mga larawan, maaari mong basahin ang mga talatang naglalarawan sa mga kaganapang ito (tingnan sa Mateo 26:36–46; 27:35–50; Lucas 22:39–46; Juan 19:16–30). Maaaring ituro ng iyong mga anak ang mga detalye sa mga larawan na naririnig nila sa mga talata.
Kaliwa: Si Cristo sa Getsemani, ni Harry Anderson. Kanan: Ang Pagpapako sa Krus, ni Harry Anderson
-
Paano tayo pinagpapala dahil sa sakripisyo ni Jesus para sa atin? Tulungan ang iyong mga anak na maghanap ng mga salita at parirala na sumasagot sa tanong na ito sa Isaias 53:4–12; Alma 7:11–13; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Ibahagi sa isa’t isa ang nadarama ninyo tungkol sa Tagapagligtas matapos basahin ang mga talatang ito.
Si Jesus ay nabuhay na mag-uli para sa akin.
-
Maaari mong gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito o iba pang mga larawan sa outline na ito para ikuwento sa inyong mga anak ang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan din sa “Nagbangon si Jesus,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 139–44). Pagkatapos ay hayaang ikuwento ito sa iyo ng iyong mga anak.
-
Isipin kung paano mo tutulungan ang iyong mga anak na makasumpong ng kagalakan kay Cristo ngayong Pasko ng Pagkabuhay. Halimbawa, maaari ninyong kantahin ang isang paboritong himno tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay, tulad ng “Si Cristo Ngayo’y Nabuhay” (Mga Himno, blg. 120) o “Getsemani” (Gospel Library). Para mahanap ang iba pang mga awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, maaari kang tumingin sa indeks ng mga paksa ng Mga Himno at Aklat ng mga Awit Pambata. Maaari ninyong ibahagi ng iyong mga anak sa isa’t isa kung bakit gusto ninyo ang mga awiting ito at ang nadarama ninyo kapag kinakanta ninyo ang mga ito. Ano ang itinuturo sa atin ng mga awiting ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Madarama ng mga bata ang Espiritu ngunit maaaring kailanganin nila ng tulong na mapansin ang Kanyang impluwensya. “Turuan ang mga bata tungkol sa iba’t ibang paraan ng pakikipag-ugnayan sa atin ng Espiritu. Tulungan silang makilala ang Kanyang tinig kapag nangungusap Siya sa kanila. Makatutulong ito para makaugalian nila ang paghahangad ng personal na paghahayag at pagkilos ayon dito sa buong buhay nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 35). Halimbawa, habang kumakanta kayo ng inyong mga anak ng mga awitin tungkol sa Tagapagligtas, tumingin sa mga larawan Niya, o magbasa ng mga kuwento tungkol sa Kanya, ibahagi sa isa’t isa ang espirituwal na nadarama ninyo.
-
Ang Gospel Library ay may koleksyon ng Easter videos na maaaring ikasiya ng iyong mga anak. Maaari mo sigurong hayaan na sila ang pumili ng panonoorin. Tanungin sila kung ano ang natutuhan nila tungkol kay Jesucristo mula sa video. Maaari mo ring hilingin sa kanila na ibuod ang mensahe ng video sa isang pangungusap.
Ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Habang sama-sama ninyong pinanonood ng inyong mga anak ang pangkalahatang kumperensya sa katapusan ng linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, tulungan silang mapansin ang pagpapatotoo ng mga espesyal na saksi ng Tagapagligtas tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Marahil ay makagagawa kayo ng isang game tungkol dito—anyayahan silang tumayo tuwing maririnig nila ang mga salitang tulad ng Easter o Pasko ng Pagkabuhay o Pagbabayad-sala o Pagkabuhay na Mag-uli. Ibahagi sa isa’t isa kung bakit nagpapasalamat kayo sa mga patotoo ng mga buhay na propeta tungkol sa Tagapagligtas.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.