“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Ang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan
Ang Tipan
Sa buong Lumang Tipan, madalas mong mababasa ang salitang tipan. Karaniwa’y iniisip natin ngayon na ang mga tipan ay pakikipagpalitan sa Diyos ng mga sagradong pangako, ngunit sa sinaunang daigdig, ang mga tipan ay mahalagang bahagi rin ng pag-uugnayan ng mga tao sa isa’t isa. Para maging ligtas sila at manatiling buhay, kinailangang magtiwala ng mga tao sa isa’t isa, at ang mga tipan ay isang paraan upang matamo ang tiwalang iyon.
Kaya nang kausapin ng Diyos sina Enoc, Noe, Moises, at iba pa tungkol sa mga tipan, inanyayahan Niya sila noon na magtiwala sa Kanya. Tinatawag natin ang tipang ito na ang bago at walang-hanggang tipan o ang tipang Abraham—isang pagtukoy sa pakikipagtipan ng Diyos kina Abraham at Sarah at pagkatapos ay pinanibago sa kanilang mga inapo na sina Isaac at Jacob (na tinatawag ding Israel). Sa Lumang Tipan, kilala lamang ito bilang “ang tipan.” Makikita mo na ang Lumang Tipan ay kuwento pala ng mga taong itinuring ang kanilang sarili bilang mga tagapagmana ng tipang ito—ang pinagtipanang mga tao.
Ang tipang Abraham ay mahalaga pa rin ngayon, lalo na sa mga Banal sa mga Huling Araw. Bakit? Dahil tayo rin ang mga pinagtipanang tao, direktang inapo man tayo nina Abraham, Isaac, at Jacob o hindi. Dahil dito, mahalagang maunawaan kung ano ang tipang Abraham at kung paano ito naaangkop sa atin ngayon.
Ano ang Tipang Abraham?
Gusto ni Abraham na “maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” (Abraham 1:2), kaya inanyayahan siya ng Diyos sa isang pakikipagtipan. Hindi si Abraham ang unang nagkaroon ng hangaring ito, at hindi siya ang unang tumanggap ng tipan. Tutal naman, ito ay isang walang-hanggang tipan. Hinangad ni Abraham “ang mga pagpapala ng mga ama” (Abraham 1:2)—mga pagpapalang inalok ng tipan kina Adan at Eva at pagkatapos niyon ay sa mga taong masigasig na naghangad ng mga pagpapalang ito.
Ang tipan ng Diyos kay Abraham ang nangako ng magagandang pagpapala: isang pamanang lupain, malaking angkan, pagkakaroon ng karapatan na tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood, at isang pangalang igagalang sa darating na mga henerasyon. Ngunit ang tuon ng tipang ito ay hindi lamang sa mga pagpapalang matatanggap ni Abraham at ng kanyang pamilya kundi magiging pagpapala rin ang mga ito sa iba pang mga anak ng Diyos. “Ikaw ay magiging isang pagpapala,” pagpapahayag ng Diyos, “at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain” (Genesis 12:2–3).
Nagbigay ba ang tipang ito kina Abraham, Sarah, at sa kanilang mga inapo ng malaking pribilehiyo sa mga anak ng Diyos? Sa diwa lamang na isang pribilehiyo ang pagpalain ang iba. Ang pamilya ni Abraham ay “dadalhin … ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa,” na ibinabahagi “ang mga pagpapala ng Ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan” (Abraham 2:9, 11). Ang maging pinagtipanang mga tao ng Diyos ay hindi nangangahulugan na mas mabuti sila kaysa sa iba; nangangahulugan ito na may tungkulin silang tulungan ang iba na maging mas mabuti.
Ang tipang ito ang pagpapalang inasam-asam ni Abraham. Matapos itong matanggap, taos-pusong sinabi ni Abraham, “Ang Inyong tagapaglingkod ay masigasig na naghanap sa inyo; ngayon, aking natagpuan kayo” (Abraham 2:12).
Libu-libong taon na ang nakalilipas mula noon, ngunit ang tipang ito ay ipinanumbalik na sa ating panahon. At ito ay kasalukuyang natutupad sa buhay ng mga tao ng Diyos. Ang katuparan ng tipan ay bumibilis sa mga huling araw habang sumusulong ang gawain ng Diyos, na nagpapala sa mga pamilya sa buong mundo. At sinumang nagnanais, tulad ni Abraham, na maging mas mabuting alagad ng kabutihan—sinumang taimtim na naghahanap sa Panginoon—ay maaaring maging bahagi nito.
Ano ang Kabuluhan sa Akin ng Tipang Abraham?
Ikaw ay isang anak ng tipan. Nakikipagtipan ka sa Diyos kapag ikaw ay bininyagan at kapag tumatanggap ka ng sakramento. At tinatanggap mo ang kabuuan ng tipan sa mga sagradong ordenansa ng templo.
Sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansang ito, tayo ay nagiging bayan ng Diyos. Tayo ay nakatali sa Kanya “na may walang hanggang pagkakabigkis.” “Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos,” itinuro na ni Pangulong Russell M. Nelson, “nililisan natin [magpakailanman] ang kawalan ng kaalaman sa mabuti at masama. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang kaugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa. … Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin.” Makikita mo ito sa kasaysayan ng mga taong nakipagtipan sa Diyos sa Lumang Tipan, at makikita mo ito sa sarili mong buhay bilang isa sa Kanyang mga anak na nakipagtipan.
Be Not Afraid [Huwag Matakot], ni Dan Wilson
Ito ang mahalagang pagkaunawang ipinagkaloob sa atin dahil sa Pagpapanumbalik ng tipang Abraham sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Kaya habang nagbabasa ka tungkol sa mga tipan sa Lumang Tipan, huwag mo lamang isipin ang kaugnayan ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob. Isipin mo rin ang kaugnayan Niya sa iyo. Habang nagbabasa ka tungkol sa pangako na di-mabilang na mga inapo, huwag lamang ang milyun-milyong tumatawag ngayon kay Abraham na kanilang ama ang isipin mo. Isipin mo rin ang pangako ng Diyos sa iyo tungkol sa mga walang-hanggang pamilya at walang-hanggang pag-unlad. Habang nagbabasa ka tungkol sa pangako na isang lupaing mana, huwag lamang ang lupaing ipinangako kay Abraham ang isipin mo. Isipin din ang selestiyal na tadhana ng lupa mismo—isang mana na ipinangako sa “mapagpakumbaba” na “naghihintay sa Panginoon” (Mateo 5:5; Mga Awit 37:9, 11). At kapag nagbasa ka tungkol sa pangako na pagpapalain ng mga pinagtipanang tao ng Diyos ang “lahat ng mag-anak sa mundo” (Abraham 2:11), huwag lamang ang ministeryo ni Abraham o ng mga propetang nagmula sa kanya ang isipin mo. Isipin mo rin kung ano ang magagawa mo—bilang isang pinagtipanang alagad ni Jesucristo—upang maging pagpapala sa mga pamilya sa iyong paligid.