“Pebrero 2–8. ‘Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion’: Moises 7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Pebrero 2–8. ‘Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Enoch Sees the Meridian of Time [Nakita ni Enoc ang Kalagitnaan ng Panahon], ni Jennifer Paget
Pebrero 2–8: “Tinawag ng Panginoon ang Kanyang mga Tao na Sion”
Moises 7
Sa buong kasaysayan, sinikap na ng mga tao na magawa ang naisagawa ni Enoc at ng kanyang mga tao: ang makabuo ng isang ulirang lipunan kung saan walang kahirapan o karahasan. Bilang mga tao ng Diyos, ganito rin ang ating hangarin. Ang tawag natin dito ay pagtatayo ng Sion, at kabilang dito—bukod pa sa pangangalaga sa mga taong nangangailangan at pagtataguyod ng kapayapaan—paggawa ng mga tipan, sama-samang paninirahan sa kabutihan, at pakikipagkaisa sa isa’t isa at kay Jesucristo, “ang Hari ng Sion” (Moises 7:53). Kung ang mundo, ang iyong komunidad, o ang iyong pamilya ay hindi katulad ng gusto mo, makakatulong na itanong, Paano ito ginawa ni Enoc at ng kanyang mga tao? Paano sila nagkaroon ng “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18) sa kabila ng pagtatalo sa kanilang paligid? Kasama sa maraming detalyeng ibinibigay sa atin ng Moises 7 tungkol sa Sion, maaaring ang isang partikular na bagay na mahalaga para sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ito: Ang Sion ay hindi lamang isang lungsod—ito ay isang kalagayan ng puso at espiritu. Ang Sion, tulad ng itinuro ng Panginoon, ay “ang dalisay na puso” (Doktrina at mga Tipan 97:21). Kaya ang pinakamainam na paraan marahil upang maitayo ang Sion ay ang magsimula sa sarili nating puso at tahanan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Maaari akong tumulong sa pagtatayo ng Sion.
Nang unang malaman ni Propetang Joseph Smith ang tungkol kay Enoc at sa kanyang Lungsod ng Kabanalan, nagkaroon siya ng inspirasyon. “Alam [niya] na dumating na ang araw na muling itatatag ng Panginoon ang Sion sa lupa” (Mga Banal, 1:124), at sinimulan niya ang habambuhay na paghahangad na itayo ang Sion. Ang pagbabasa ng Moises 7 ay maaaring magbigay-inspirasyon sa iyo na ipagpatuloy ang pagsisikap na iyon ngayon.
Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga tanong na “Ano ang Sion?” at “Paano ito naiiba sa iba pa sa mundo?” Isiping ilista ang mga sagot na dumarating sa iyo habang pinag-aaralan mo ang Moises 7, lalo na sa mga talata 16–21, 27, 53, 62–69.
Ang mga sagot mo sa mga tanong na ito ay maaaring magpalinaw na marami pa tayong dapat gawin para maitayo ang Sion. Kaya paano natin ito gagawin? Maaaring makatulong na isipin ang mga pagkakataon na nadama mo na nagkaroon kayo ng isang tao ng “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18). Siguro ay sa ward, pamilya, o grupo sa trabaho o paaralan. Ano ang ginawa ng mga tao para makalikha ng matwid na pagkakaisa?
Narito ang ilang iba pang resources na maaari mong saliksikin para makahanap ng mga ideya at inspirasyon. Pumili ng isa o mahigit pang pag-aaralan, pagkatapos ay isulat ang nahihikayat kang gawin para maitayo ang Sion:
-
Mga Taga Filipos 2:1–4; 4 Nephi 1:15–18; Doktrina at mga Tipan 97:21; 105:5.
-
Ulisses Soares, “Magkakapatid kay Cristo,” Liahona, Nob. 2023, 70–73.
-
D. Todd Christofferson, “Iisa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2023, 77–80.
-
“We Come Together and Unite as One” (video), Gospel Library.
6:21We Come Together & Unite As One
Nais ng Diyos ang Kanyang mga tao na magkaroon ng “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18).
Si Jesucristo “ang Hari ng Sion.”
Ano ang ibig sabihin sa iyo ng si Jesucristo ang iyong Hari? Pansinin ang iba pang mga katawagan kay Jesucristo sa talatang ito. Ano ang itinuturo ng mga ito sa iyo tungkol sa Kanya? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “papasok sa pasukan at aakyat sa pamamagitan [Niya]”?
Tingnan din sa “Halina, Hari ng Lahat,” Mga Himno, blg. 32.
Ang Diyos ay nananangis—at nagagalak—para sa Kanyang mga anak.
Ang tingin ng ilang tao sa Diyos ay isang malayong nilalang na ang damdamin ay hindi apektado ng nangyayari sa atin. Nagkaroon ng ibang pananaw si Enoc tungkol sa Diyos sa pangitaing nakatala sa Moises 7. Ano ang natutuhan niya tungkol sa Diyos—at ano ang natututuhan mo—sa mga talata 28–40? Sa palagay mo, bakit nagulat si Enoc na makitang nananangis ang Diyos? Bakit mahalaga para sa iyo na malaman na nananangis Siya?
Habang patuloy ang pangitain, nanangis din si Enoc. Ngunit nagbahagi rin ang Diyos sa kanya ng mga dahilan para magalak. Hanapin ang mga iyon sa Moises 7:41–69. Ano ang natututuhan mo mula sa pangitain ni Enoc na maaaring makatulong sa iyo na “pasiglahin ang iyong puso, at magalak,” sa kabila ng “kapaitan” sa iyong buhay (talata 44)?
Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70–73.
Si Jesucristo ay paparitong muli sa mga huling araw.
Ang pangitain ni Enoc, lalo na ang nakatala sa Moises 7:59–67, ay isa sa mga unang propesiya ng kasaysayan tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ano ang tumatak sa iyong isipan sa paraan ng paglalarawan ng mga talatang ito sa mga huling araw? Halimbawa, isipin kung paano mo nadarama na ang mga propesiya mula sa talata 62 ay natutupad. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga pariralang ito tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw?
Tingnan din sa Henry B. Eyring, “Mga Kababaihan sa Sion,” Liahona, Nob. 2020, 67–69.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Nais ng Diyos na tayo ay magkaroon ng “isang puso at isang isipan.”
-
Para matulungan ang iyong mga anak na malaman ang tungkol kay Enoc at sa Sion, maaari mong gamitin ang “Ang Propetang si Enoc” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan (19–21) o ang pangalawang talata ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa iyong mga anak na tulungan kang muling isalaysay ang kuwento sa sarili nilang mga salita. Maaaring makatulong ang mga larawan ni Enoc sa outline na ito.
-
Narito ang isang paraan para maipaunawa sa iyong mga anak ang ibig sabihin ng magkaroon ng “isang puso at isang isipan” (Moises 7:18): Gumawa ng isang pusong papel at gupit-gupitin ito nang sapat para magkaroon ng kapiraso ang bawat bata. Ipasulat ang kanilang pangalan sa kanilang piraso at magtulungang buuin ang puso. Habang ginagawa nila ito, maaari mong ibahagi ang mga bagay na gustung-gusto mo tungkol sa bawat bata.
-
Tulungan ang iyong mga anak na bilangin kung ilang beses lumitaw ang salitang “Sion” sa Moises 7:18–21, 62–63, 68–69. Tuwing mahahanap nila ang salita, tulungan silang tuklasin ang sinasabi sa talata tungkol sa Sion (tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sion,” Gospel Library). Paano tayo magiging higit na katulad ng mga taong inilarawan sa mga talatang ito?
Maghikayat ng personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Nagtuturo ka man sa iyong pamilya sa bahay o sa isang klase sa araw ng Linggo, ang isa sa pinakamagagandang paraan na matutulungan mo ang iba na magkaroon ng matibay na pananampalataya kay Jesucristo ay tulungan sila na ugaliing maghanap ng personal na mga karanasan sa mga banal na kasulatan. Ibahagi ang mga nararanasan mo sa mga banal na kasulatan, at hikayatin ang mga miyembro ng pamilya o klase na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Kapag naririnig natin kung paano pinagpapala ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang iba, madalas tayong nahihikayat na hangarin ang mga pagpapala ring ito mula sa Panginoon. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25.)
Nais ng Ama sa Langit na piliin kong sumunod sa Kanya.
-
Para pasimulan ang Moises 7:32–33 sa iyong mga anak, maaari mo silang kausapin tungkol sa isang pagpiling kinailangan nilang gawin kamakailan. Pagkatapos ay sama-sama ninyong basahin ang mga talata para malaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit na piliin natin. Anong mga pagpili ang maaari nating gawin para ipakita na Siya ang pinipili natin? Marahil ay maaaring maghalinhinan ang iyong mga anak sa pag-akto ng isa sa mga pagpiling ito habang hinuhulaan ng iba kung ano ang kinakatawan ng aksyon.
Si Jesus ay babalik sa lupa.
-
Sa Moises 7:59, nagtanong si Enoc sa Panginoon. Anyayahan ang iyong mga anak na hanapin iyon, pagkatapos ay sabihin sa kanila na hanapin ang sagot sa talata 60. Maaari mo rin silang kausapin tungkol sa isang pagkakataon na inasahan nilang umuwi ang isang tao. Tanungin sila kung ano ang nadama nila at ano ang ginawa nila para makapaghanda. Paano tayo maaaring maghanda para sa pagbalik ni Jesus?
-
Isiping magpakita ng mga larawan ng mga pagkakataon na nagpakita ang Tagapagligtas sa mga tao (tingnan ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 60, 82, 83, at 84). Ano ang ginagawa ng mga tao sa mga larawan? Ano kaya ang nadama ng mga tao nang makita nila si Jesus? Maaari ka ring kumanta ng isang awitin tungkol sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47), at tanungin ang mga bata kung ano sa palagay nila ang magiging pakiramdam nila kapag muling pumarito si Jesus. Hayaan ang mga bata na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa pagkakataong makita si Jesus kapag pumarito Siyang muli.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.