“Agosto 18–24: ‘Isang Alituntunin na May Lakip na Pangako’: Doktrina at mga Tipan 89–92,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 89–92,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Agosto 18–24: “Isang Alituntunin na May Lakip na Pangako”
Doktrina at mga Tipan 89–92
Sa Paaralan ng mga Propeta, tinuruan ni Propetang Joseph Smith ang mga elder ng Israel tungkol sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Tinalakay nila ang mga espirituwal na katotohanan, magkakasama silang nanalangin, nag-ayuno, at naghanda para ipangaral ang ebanghelyo. Pero may kung anong bagay sa kapaligiran na maaaring tila kakatwa sa atin ngayon, at tila hindi rin iyon tama kay Emma Smith. Sa oras ng mga miting, nanigarilyo at ngumuya ng tabako ang mga lalaki, na karaniwan naman noong panahong iyon, pero namantsahan nito ang sahig at nag-iwan ito ng mabahong amoy sa paligid. Sinabi ni Emma kay Joseph ang kanyang mga alalahanin, at nagtanong si Joseph sa Panginoon. Ang tugon Niya ay isang paghahayag na hindi lamang patungkol sa usok at mga mantsa ng tabako. Nagbigay ito sa mga Banal, sa darating na mga henerasyon, ng “isang alituntunin na may lakip na pangako”—mga pangakong kalusugan ng katawan, “karunungan,” at “malaking kayamanan ng kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 89:3, 19).
Tingnan din sa Mga Banal, 1:191–93.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ibinigay sa akin ng Panginoon ang Word of Wisdom para tulungan akong maging malusog sa katawan at espiritu.
Nang unang marinig ng mga elder sa Paaralan ng mga Propeta na binasa ni Joseph Smith ang Word of Wisdom, agad nilang “inihagis sa apoy ang kanilang mga pipa at mga tabako” (Mga Banal, 1:193). Gusto nilang ipakita ang kahandaan nilang sundin ang Panginoon. Marahil ay “inihagis” mo na mula sa iyong buhay ang mga bagay na ipinagbabawal sa Word of Wisdom, pero ano pa ang maaari mong matutuhan mula sa paghahayag na ito? Isipin ang mga ideyang ito:
-
Isipin ang paghahayag bilang “isang alituntunin na may lakip na pangako” (talata 3)—matitibay na katotohanang gumagabay sa paggawa ng desisyon. Anong mga alituntunin ang nakita mo na maaaring gumabay sa iyong mga desisyon? Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon? (tingnan sa mga talata 18–21). Paano Niya natupad ang mga pangakong ito sa iyong buhay?
-
Anong mga halimbawa ang nakita mong “masasama at mga pakana … sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao” na nauugnay sa Word of Wisdom? (talata 4). Bukod pa sa paghahayag na ito, ano ang naibigay ng Panginoon para tulungan kang maiwasan o madaig ang mga kasamaang ito?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng paghahayag na ito tungkol sa Panginoon? Paano nauugnay ang Word of Wisdom sa Doktrina at mga Tipan 29:34–35.
-
Ano ang nahihikayat kang gawin para higit na pangalagaan ang iyong katawan?
Maaaring nagkaroon ka na ng mga pagkakataong ipaliwanag sa iba kung bakit mo sinusunod ang Word of Wisdom—at maaari kang magkaroon ng mas maraming oportunidad sa hinaharap. Isipin kung paano mo magagamit ang mga oportunidad na ito para patotohanan ang Tagapagligtas, ang kasagraduhan ng ating katawan, at ang iba pang mga espirituwal na katotohanan. Para sa mga ideya, tingnan sa “Ang inyong katawan ay sagrado,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 22–29.
Tingnan din sa 1 Corinto 6:19–20; Thomas S. Monson, “Mga Alituntunin at Pangako,” Liahona, Nob. 2016, 78–79; Mga Paksa at Tanong, “Word of Wisdom,” Gospel Library; “The Word of Wisdom,” sa Revelations in Context, 183–91; “Adiksyon,” “Physical Health [Pisikal na Kalusugan],” Tulong sa Buhay, Gospel Library.
Mga Alituntunin at Pangako
Matuto at magturo sa pamamagitan ng mga alituntunin. Sa halip na lumikha ng mga listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin, maaari tayong mamuhay ayon sa mga alituntunin para magamit ang ating kalayaan at pananampalataya kay Cristo. Halimbawa, isipin ang mga tanong na batay sa alituntuning tulad ng mga ito tungkol sa Word of Wisdom: Aling mga alituntunin ang maaaring makahikayat sa isang taong nahihirapang sundin ang Word of Wisdom? Aling mga alituntunin ang makapapanatag sa akin kapag mayroon akong mga problema sa kalusugan sa kabila ng pagsunod sa Word of Wisdom?
Nais ng ating Ama sa Langit na pangalagaan natin ang ating katawan.
Hawak ng Unang Panguluhan ang “mga susi ng kaharian.”
Sa bahagi 90, nagbigay ng mga tagubilin ang Panginoon tungkol sa “ministeryo at sa panguluhan” (talata 12) nina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams—mga miyembro ng tinatawag natin ngayong Unang Panguluhan. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Unang Panguluhan mula sa mga talata 1–17? Isiping rebyuhin ang mga mensahe kamakailan ng mga miyembro ng Unang Panguluhan. Ano ang ginagawa nila para “isaayos ang lahat ng gawain ng simbahan at kahariang ito”? (talata 16). Paano mo maipapakita na ang mga ito ay hindi “isang bagay na walang halaga” sa atin? (talata 5).
Isiping kantahin o basahin ang mga titik ng “Halina, Tinig ng Propeta’y Dinggin” (Mga Himno, blg. 14) o ng isa pang awitin tungkol sa mga propeta na nauugnay sa mga turo sa mga talatang ito. Paano nakatulong ang paglilingkod ng Unang Panguluhan para makilala mo ang Ama sa Langit at si Jesucristo?
“Lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [aking] ikabubuti.”
Pagnilayan ang anumang mga karanasan mo na nagpapatotoo sa pangako ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 90:24. Maaari mong irekord ang iyong mga karanasan at ibahagi ang mga ito sa isang kapamilya o mahal sa buhay—sa isang tao siguro na nangangailangan ng katiyakan o panghihikayat. Kung naghihintay ka pa rin ng partikular na mga pagpapala, pagnilayan kung ano ang magagawa mo para manatiling tapat habang naghihintay kang makita kung paanong “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [iyong] ikabubuti.”
Doktrina at mga Tipan 90:28–31
Sino si Vienna Jaques?
Si Vienna Jaques ay isinilang noong Hunyo 10, 1787, sa Massachusetts. Isang babaeng may pananampalataya na napakayaman, unang nakilala ni Vienna ang mga missionary noong 1831. Matapos magtamo ng espirituwal na patotoo na ang kanilang mensahe ay totoo, naglakbay siya para makilala ang Propeta sa Kirtland, Ohio, kung saan siya nabinyagan.
Sinunod ni Vienna ang payo ng Panginoon sa kanya sa Doktrina at mga Tipan 90:28–31. Ang kanyang paglalaan sa Panginoon, kabilang na ang mga donasyong una niyang nagawa sa Kirtland, ay dumating sa isang panahon na nangangailangan ang Simbahan, kung kailan sinisikap ng mga leader na bilhin ang lupain kung saan itatayo ang Kirtland Temple. Si Vienna ay “tapat, at hindi … tamad” sa buong buhay niya at kalaunan ay nagawa niyang “makapanirahang mapayapa” (talata 31) sa Salt Lake Valley, kung saan siya namatay sa edad na 96.
“Ang Espiritu ay nagpapahayag ng katotohanan.”
Nakakabasa tayong lahat ng mga mensaheng naglalaman ng “maraming bagay … na totoo” at “maraming bagay … na hindi totoo” (Doktrina at mga Tipan 91:1–2). Anong payo ang nakita mo sa bahagi 91 na makakatulong sa iyo na mahiwatigan ang katotohanan sa mga mensaheng nababasa mo? Paano ka natulungan ng Espiritu na mahiwatigan ang katotohanan sa kamalian?
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tao, Lugar, Pangyayari
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang Word of Wisdom ay tumutulong sa akin na maging malusog sa katawan at espiritu.
-
Para mapasimulan ang bahagi 89, marahil ay maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang larawan ng isang templo o kantahin ang isang awitin tungkol sa pisikal na kalusugan, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73), para ituro na ang ating katawan ay parang mga templo para sa ating espiritu. Tulungan ang iyong mga anak na isadula ang mga paraan na maaari nilang pangalagaan ang kanilang katawan.
-
Para malaman ang mga utos ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 89:10–17, maaari ninyong idrowing o tingnan ng iyong mga anak ang mga larawan ng mabubuting bagay na maaari nating kainin o gawin para mapanatiling malusog ang ating katawan (tingnan ang larawan at pahina ng aktibidad sa dulo ng outline na ito). Ano ang ibinabala ng Panginoon na huwag nating gamitin? Bakit Niya gusto na pangalagaan natin ang ating katawan?
2:56Ang Word of Wisdom: Ang batas ng Panginoon sa kalusugan
-
Pinayuhan ni Elder Gary E. Stevenson ang mga kabataan na magplano nang maaga kung ano ang gagawin nila kapag tinutukso silang uminom ng alak o gumamit ng droga. Itinuro niya: “Makikita ninyo na halos wala nang kontrol sa inyo ang [tukso]. Napagpasiyahan na ninyo kung paano tutugon at ano ang gagawin. Hindi na ninyo kailangang magdesisyon sa tuwing tinutukso kayo” (“Ang Inyong Priesthood Playbook,” Liahona, Mayo 2019, 48). Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 89:4 at ang pahayag ni Elder Stevenson, tanungin ang iyong mga anak kung paano sila maaaring magpasiya ngayon—para sa buong buhay nila—na sundin ang Word of Wisdom. Maaari pa nga ninyong isadula kung paano sila maaaring tumugon kung alukin sila ng isang tao, maging ng isang kaibigan, ng isang bagay na labag sa Word of Wisdom. Paano tayo pinagpapala ng Panginoon kapag sinusunod natin ang Word of Wisdom? (tingnan sa mga talata 18–21).
Ang ating katawan ay kaloob mula sa Diyos.
Binibigyan ako ng Diyos ng mga propeta para gabayan at protektahan ako.
-
Maaari ninyong tingnan ang mga larawan ng mga sinaunang propeta o kantahin ang isang awitin tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Paano napagpala ng Diyos ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta? Bakit tayo dapat makinig sa mga propeta ng Diyos? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 90:5). Pagkatapos ay maaari kayong tumingin ng iyong mga anak sa isang larawan ng buhay na propeta at magbahagi ng ilang bagay na itinuro o ibinabala sa atin ng Panginoon sa pamamagitan niya. Paano natin masusunod ang propeta?
Maipapaalam sa akin ng Espiritu kung ano ang totoo.
-
Maaari mong ibuod ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 91 para maipaunawa sa iyong mga anak kung bakit ibinigay ang paghahayag na ito. Maaari pa nga silang mag-isip ng mga lugar, tulad ng media, kung saan tayo nakakakita ng “maraming bagay … na totoo” at “maraming bagay … na hindi totoo” (mga talata 1–2). Ano ang itinuturo sa atin ng mga talata 4–6 tungkol sa Espiritu Santo? Paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang tama?
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.