“Hunyo 23–29: ‘Katumbas … ng Kayamanan ng Buong Mundo”: Doktrina at mga Tipan 67–70,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 67–70,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Hunyo 23–29: “Katumbas … ng Kayamanan ng Buong Mundo”
Doktrina at mga Tipan 67–70
Mula 1828 hanggang 1831, tumanggap ng maraming paghahayag si Propetang Joseph Smith mula sa Panginoon, kabilang na ang banal na payo para sa mga indibiduwal, mga tagubilin sa pamamahala sa Simbahan, mga pangitain tungkol sa mga huling araw, at maraming nagbibigay-inspirasyong katotohanan tungkol sa kawalang-hanggan. Pero marami sa mga Banal ang hindi pa nakabasa ng mga ito. Hindi pa nailathala ang mga paghahayag, at ang ilang makukuhang kopya ay nakasulat-kamay sa hiwa-hiwalay na piraso ng papel na ipinakalat sa mga miyembro at dala-dala ng mga missionary.
Pagkatapos, noong Nobyembre 1831, nagpatawag si Joseph ng isang kapulungan ng mga pinuno ng Simbahan para talakayin ang paglalathala ng mga paghahayag. Matapos alamin ang kalooban ng Panginoon, nagplano ang mga leader na ito na ilathala ang Aklat ng mga Kautusan—ang nauna sa Doktrina at mga Tipan ngayon. Hindi magtatagal ay mababasa na nila mismo ang salita ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ng isang buhay na propeta, malinaw na katibayan na “ang mga susi ng mga hiwaga ng kaharian ng ating Tagapagligtas ay muling ipinagkatiwala sa tao.” Dahil dito at sa marami pang ibang dahilan, itinuturing ng mga Banal noon at ngayon ang mga paghahayag na ito na “katumbas … ng mga kayamanan ng buong Mundo” (Doktrina at mga Tipan 70, section heading).
Tingnan sa Mga Banal, 1:160–65.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Doktrina at mga Tipan 67:1–9; 68:3–6
Sinasambit ng mga lingkod ng Panginoon ang Kanyang kalooban kapag nadarama nila ang impluwensiya ng Espiritu Santo.
Tila madali ang desisyong ilathala ang mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith, pero hindi sigurado ang ilang unang leader ng Simbahan kung magandang ideya ito. Ang isang ipinag-alala nila ay may kinalaman sa mga kamalian sa paraan ng pagsulat ni Joseph Smith sa mga paghahayag. Dumating ang paghahayag sa bahagi 67 bilang tugon sa alalahaning iyon. Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga propeta at paghahayag ng Panginoon mula sa mga talata 1–9? Anong karagdagang kabatiran ang natamo mo sa 68:3–6?
Paano mo nalaman sa iyong sarili na ang mga paghahayag na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga lingkod ay totoo? Maaari mo ring pagnilayan ang mga karanasan kung kailan nadama mong nangungusap sa iyo ang Panginoon sa pamamagitan ng isa sa Kanyang mga lingkod (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:4). Kailan mo nadama na ikaw ay “pinakikilos ng Espiritu Santo” (talata 3) na sabihin ang isang bagay? Paano “[tumayo] sa tabi [mo]” ang Panginoon? (talata 6).
Bago inilimbag ang Aklat ng mga Kautusan, lumagda ang ilang leader ng Simbahan sa isang nakasulat na patotoo na ang mga paghahayag sa aklat ay totoo. Para makita ang kopya ng kanilang patotoo, tingnan ang “Testimony, circa 2 November 1831,” Revelation Book 1, 121, josephsmithpapers.org.
Doktrina at mga Tipan 67:10–14
“Magpatuloy sa pagtitiyaga.”
Paano tayo hinahadlangan ng inggit, takot, at kapalaluan na mas mapalapit sa Panginoon? Paano natin madaraig ang “likas na tao” o “makamundong pag-iisip” upang ating “[makita Siya] at [makilala] na [Siya] nga”? (talata 12; tingnan din sa Mosias 3:19). Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na naghihikayat sa iyo na “magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa [tayo] ay maging ganap”? (talata 13).
Doktrina at mga Tipan 68:25–31
Makatutulong ako na ituon ang aking tahanan kay Jesucristo.
Ang mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 68:25–31 ay partikular na tumutukoy sa mga magulang, pero magulang ka man o hindi, magagamit mo ang Kanyang payo na gawin ang iyong bahagi sa pagsentro ng iyong tahanan sa doktrina ni Jesucristo. Nakalista sa ibaba ang ilan sa mga alituntuning sinabi ng Panginoon na dapat ituro sa tahanan. Isipin kung paano mo magagawa ang bawat isa sa mga ito na maging bahagi ng pundasyon ng tahanang nakasentro kay Cristo—ang tahanang tinitirhan mo ngayon o ang magiging tahanan mo sa hinaharap. Maaaring makatulong ang resources at mga tanong na ibinigay.
-
Pagsisisi: Pag-aralan ang Alma 36:17–20, at pansinin kung paano pinagpala si Alma sa kritikal na panahon dahil naituro sa kanya ng kanyang ama ang nagbabayad-salang misyon ng Tagapagligtas. Paano mo mahihikayat ang inyong pamilya na bumaling kay Jesucristo at magsisi? (tingnan din sa 2 Nephi 25:26).
-
Pananampalataya kay Cristo: Basahin ang limang mungkahi ni Pangulong Russell M. Nelson para magkaroon ng pananampalataya sa “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok” (Liahona, Mayo 2021, 103). Pagnilayan kung paano maaaring lumikha ng kultura ng pananampalataya sa inyong pamilya ang mga mungkahing ito.
-
Binyag: Rebyuhin ang tipan sa binyag na inilarawan sa Mosias 18:8–10, 13. Paano maaaring magpalakas sa inyong pamilya ang mga pagsisikap mong tuparin ang tipang ito?
-
Kaloob na Espiritu Santo: Pag-aralan ang mga paanyaya sa mga pahina 17–19 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Ano ang nahihikayat kang gawin para anyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa inyong tahanan?
-
Panalangin: Ano ang natutuhan mo tungkol sa kapangyarihan ng panalangin sa tahanan sa “Dito ay May Pag-ibig”? (Aklat ng mga Awit Pambata, 102–103). Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 18:15–21?
-
Iba pang mga alituntuning matatagpuan mo sa Doktrina at mga Tipan 68:25–31:
Anong payo ang ibibigay mo sa isang tao na ang mga pagsisikap na patatagin ang pananampalataya kay Cristo ay hindi sinusuportahan ng mga miyembro ng pamilya?
Tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library; Mga Paksa at Tanong, “Pagiging Magulang,” Gospel Library; Dieter F. Uchtdorf, “Si Jesucristo ang Lakas ng mga Magulang,” Liahona, Mayo 2023, 55–59.
Tinutulungan ako ng mga kaibigang “tunay at tapat” na sundin si Jesucristo.
Sa palagay mo, bakit “karunungan sa [Panginoon]” na samahan ng isang taong “tunay at tapat” si Oliver Cowdery sa tungkuling inilarawan sa talatang ito? Paano naaangkop ang pahayag na ito sa iyo?
Tulungan ang mga mag-aaral na pasiglahin ang isa’t isa. Bawat indibiduwal sa iyong klase o pamilya ay saganang pinagmumulan ng patotoo, mga kabatiran, at mga karanasan sa pamumuhay nang naaayon sa ebanghelyo. Anyayahan silang magbahagi sa at pasiglahin ang isa’t isa.
Mananagot ako sa mga paghahayag na ibinigay na ng Panginoon.
Binigyan ng Panginoon ng responsibilidad ang ilang elder na pangasiwaan ang paglalathala ng mga paghahayag. Kahit wala ka ng partikular na responsibilidad na iyon, ano ang ipinagkatiwala sa iyo o responsibilidad mo “sa mga paghahayag at kautusan”? (talata 3).
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tao, Lugar, Pangyayari
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang Doktrina at mga Tipan ay nagtuturo sa akin tungkol kay Jesucristo.
-
Ikuwento sa iyong mga anak kung paano nalathala sa isang aklat ang mga paghahayag kay Joseph Smith (tingnan sa “Kabanata 23: Ang Doktrina at mga Tipan,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 90–92, o sa katumbas na video nito sa Gospel Library). Tulungan silang maalala ang ilan sa mga bagay na natutuhan ninyo tungkol kay Jesucristo mula sa Doktrina at mga Tipan ngayong taong ito. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang ilan sa mga paborito ninyong talata mula sa Doktrina at mga Tipan.
4:28Mary at Caroline Rollins: Matinding pagmamahal sa mga banal na kasulatan
-
Maaari mo ring ipakita sa iyong mga anak ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas at pag-usapan ninyo kung paano nagkakaiba-iba ang mga ito at kung paano nagkakatulad ang mga ito (tingnan ang mga paglalarawan sa mga aklat na ito sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Paano natin malalaman kung totoo ang mga banal na kasulatan? Ano ang natutuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 67:4, 9 tungkol sa mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith?
Doktrina at mga Tipan 68:25–31
Maaari akong mabinyagan kapag walong taong gulang na ako.
-
Sa Doktrina at mga Tipan 68:27, tinukoy ng Panginoon kung ilang taon dapat ang isang tao para mabinyagan. Tulungan ang iyong mga anak na tuklasin kung ano ang sinabi Niya. Bakit nais ni Jesus na mabinyagan tayo? Maaaring makatulong ang isang awiting tulad ng “Pagbibinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54–55). Gamit ang mga larawan o mga talata 25–31 (o pareho), tulungan ang iyong mga anak na tuklasin ang mga bagay na nais ng Panginoon na matutuhan ng mga bata.
-
Basahin ninyo ng iyong mga anak ang tungkuling ibinigay ng Panginoon kay Oliver Cowdery sa section heading para sa Doktrina at mga Tipan 69. Anong payo ang ibinigay ng Panginoon sa talata 1? Bakit mahalagang makasama ang mga taong “[magiging] tunay at tapat”? Maaari sigurong magkuwento ang iyong mga anak tungkol sa isang taong kilala nila na “tunay at tapat.” Sama-samang kantahin ang isang awiting naghihikayat sa mga bata na maging tunay at tapat na tulad ng Tagapagligtas, gaya ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41). Paano natin matitiyak na tunay at tapat tayo sa Panginoon? Paano Niya tayo magagamit para pagpalain ang iba kapag tayo ay tunay at tapat?
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.