2020
Isang Espesyal na Mensahe para sa mga Nakababahalang Panahon
COVID 19: Mga Mensahe ng Pananampalataya


Isang Espesyal na Mensahe para sa mga Nakababahalang Panahon

Suplemento sa Liahona ng Mayo 2020

Larawan
babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Lahat tayo ay naapektuhan ng pinakahuling pandemya at ng iba pang mahihirap na pangyayari sa buong mundo. Nauunawaan namin na ang mga pagkagambalang ito ay maaaring mag-udyok ng damdamin ng pagkabigo, pagkabalisa, at takot. Ngunit hindi tayo pinapabayaan ng Diyos. Matutulungan Niya tayong sumulong nang may pananampalataya.

Handa para sa mga Panahong Mapanganib

“Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 1:17).

Ang huwaran na iyon ng gumagabay na paghahayag ay nagpapatuloy ngayon. Inihahanda tayo ng Panginoon para sa mga pangyayaring tulad ng mga ito sa pamamagitan ng mga makabagong propeta, kabilang na ang ating kasalukuyang lider na si Pangulong Russell M. Nelson.

“Nabubuhay tayo sa kagila-gilalas na panahon kung kailan palagi nating nakikita ang kamay ng Panginoon sa buhay ng Kanyang mga anak,” pagpapatotoo ng propeta kamakailan sa isang online video. “Kilala, minamahal, at binabantayan tayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.”

Ang mga pagsubok na ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na gamitin ang natutuhan natin tungkol sa ebanghelyong nakasentro sa tahanan na pagsamba. Taglay ang pusong naglilingkod, matutulungan natin nang may habag ang mga tao sa paligid natin.

Kapayapaan kay Cristo

Sa kabila ng lahat ng ito, naghahatid sa atin ang Panginoon ng kapayapaan na mas makapangyarihan pa kaysa sa takot.

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27).

Umaasa kami na ang resources sa ibaba ay tutulong sa inyo na malagpasan ang mga paghihirap na nararanasan ninyo ngayon. Dapat ninyong malaman na kayo ay minamahal. Bilang mga anak ng Diyos, sama-sama nating malalagpasan ang hamong ito.

Mga Tanong at mga Sagot

1. Saan ko makikita ang mga pinakabagong gabay tungkol sa mga aktibidad ng Simbahan?

Ang home page ng Simbahan (ChurchofJesusChrist.org) ay regular na ia-update para magbigay ng impormasyon tungkol sa mga miting sa araw ng Linggo at iba pang mga aktibidad ng Simbahan. Halimbawa, hiniling ng Unang Panguluhan sa mga bishop at stake president na sama-samang alamin kung paano mabibigyan ng sakramento ang mga miyembro kahit minsan lang sa isang buwan. Ang home page ay nagtatampok din ng mga nakapapanatag na mensahe na maaari mong gamitin upang mabigyan ng pag-asa ang mga tao sa paligid mo. Tandaan na ang iyong pinakamahalagang resource ay ang Espiritu Santo, na makapagbibigay sa iyo ng personal na paghahayag tungkol sa pagtulong sa mga taong pinamumunuan mo.

2. Paano ako makakapag-minister sa ibang tao nang ligtas sa panahong ito?

Para sa mga taong naninirahan kasama ang kanilang mga mahal sa buhay, ang ilan sa pinakamahahalagang pagmi-minister ay magagawa sa loob mismo ng sarili nating mga tahanan. Ang mga mungkahi para sa pagtulong sa mga kabataan at bata ay matatagpuan sa dulo ng artikulong ito. Para sa pagkonekta sa mga taong nasa labas ng ating mga tahanan, binibigyan tayo ng teknolohiya ng maraming pagpipilian. Tumawag, mag-text, o maghanap ng iba pang mga paraan upang matulungan ang mga taong pinagmamalasakitan mo. Bukod pa sa pagsuri sa kanilang mga temporal na pangangailangan, isipin din kung ano ang magagawa mo upang matulungan silang madama na mas konektado sila at hindi sila nag-iisa.

Dapat ding isipin ng mga lider kung paano makatutulong sa kanila ang teknolohiya upang matiyak na natutugunan ang mga pangangailangan ng bawat miyembro. Kabilang sa resources sa pagpapadala ng mensahe ang Member Tools na app, mga ugnayan (circles) sa Gospel Living na app, at Leader and Clerk Resources.

3. Paano naman ang pangkalahatang kumperensya?

Inanyayahan tayo ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na maghanda para sa pangkalahatang kumperensya at makibahagi rito. Bagama’t ang mga Banal ay hindi pisikal na magtitipon sa Conference Center o sa mga meetinghouse sa Abril 4–5, dahil sa teknolohiya ay maaari tayong magtipon sa digital na paraan at magkaisa sa espiritu habang sama-sama tayong nagbabasa, nanonood, at nakikinig. Tutulungan tayo ng kumperensyang ito na gunitain at ipagdiwang ang Unang Pangitain, na naganap 200 taon na ang nakalilipas, at ang patuloy na Pagpapanumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw na ito.

4. Paano ako pinakamainam na makasasamba sa labas ng mga miting sa Simbahan?

Larawan
pamilya na nakatingin sa isang aklat

Ginagamit ng mga Banal sa buong mundo ang mga banal na kasulatan, musika ng ebanghelyo, Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, mga magasin ng Simbahan, Sabbath.ChurchofJesusChrist.org, at iba pang resources ng Simbahan upang mapuspos ng pagsamba ang kanilang mga araw ng Sabbath. Sinabi ng ilang pamilya na ang mga miting na ito na nakasentro sa tahanan ay kabilang sa mga pinakaespirituwal na karanasan nila bilang isang pamilya! Kahit nahihirapan ka, huwag sumuko. Ayos lang na gawing simple ang mga bagay-bagay—maaaring maging napakagandang karanasan sa pagsamba ang isang awitin, isang kuwento mula sa banal na kasulatan, at isang maikling patotoo.

Mga Mensahe ng Pag-asa at Kapanatagan

Sa kabila ng mga nakababahalang balita sa paligid natin, kailangan nating mag-ukol ng panahon upang magpahinga mula sa mga problema at palakasin ang ating mga kaluluwa. Ang mga artikulo sa ibaba ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu at magbigay-daan upang makita natin ang mga hamon sa ibang pananaw. Isaalang-alang natin lalo na ang nararanasan ngayon ng mga bata at kabataan, at maging sensitibo tayo sa mga pagkagambala at kabiguan na kinakaharap nila. Bilang matatanda, tungkulin natin na ibigay sa kanila ang mga sagot at tulong na kailangan nila.

Mula sa mga Nakaraang Kumperensya

  • Bisitahin ang gc.ChurchofJesusChrist.org at pindutin ang “Mga Paksa” upang mabilis na mahanap ang mga nakaraang mensahe na nakaayos batay sa mga tema tulad ng pagpapagaling, pasasalamat, at pagmamahal.

Tungkol sa Paghahanap ng Kapayapaan

Tungkol sa Pagharap sa mga Natural na Kalamidad

Tungkol sa Pagtanggap sa Kalooban ng Panginoon

  • Pagtanggap sa Kalooban at Takdang Panahon ng Panginoon” (Liahona Agosto 2016): Ibinahagi ni Elder Bednar ang mga kuwento ng matatapat na Banal.

  • Ngunit Kung Hindi” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2002): Hinihikayat tayo ni Elder Wickman na huwag mag-alinlangan sa kabutihan ng Diyos, kahit may nangyayaring trahedya.

Tungkol sa Pagdadalamhati

  • Sasapit ang Linggo” (pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2006): Ipinapaalala sa atin ni Elder Wirthlin na makaaasa tayo sa pagpapagaling.

Para sa Pagtulong sa mga Bata

  • Pagpapagaling Pagkatapos ng Trahedya” (Liahona Abril 2019): Mga resource upang matulungan ang mga kabataan at bata na makadama ng katatagan at kapanatagan.

  • Makikita Ko Siyang Muli” (Liahona ng Abril 2019): Nagpatotoo si Sister Aburto tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Kabilang sa ikalawang pahina ang mga kard na naglalaman ng mga siping nakapapanatag.

  • Bisitahin ang lessonhelps.ChurchofJesusChrist.org at pindutin ang mga paksang tulad ng “Fear/Worry.”