Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay: “Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis”


“Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Marso 30–Abril 12. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
nabuhay na mag-uling Cristo kasama ang Kanyang mga Apostol

Christ and the Apostles, ni Del Parson

Marso 30–Abril 12

Pasko ng Pagkabuhay

“Babangon Siya … na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Bagwis”

Sa mga araw bago sumapit ang Linggo ng Pagkabuhay, isiping ituon ang personal mong pag-aaral at pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya sa malakas na patotoo ng Aklat ni Mormon tungkol sa buhay, kamatayan, Pagkabuhay na Mag-uli, at nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga sinaunang Apostol ay malakas ang loob sa kanilang mga patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Milyun-milyon ang naniniwala kay Jesucristo at nagsisikap na sumunod sa Kanya dahil sa kanilang mga salita na nakatala sa Biblia. Subalit maaaring pagtakhan ng ilan, kung si Jesucristo ang Tagapagligtas ng buong mundo, bakit limitado ang Kanyang mga saksi sa iilang taong nagmula sa isang maliit na rehiyon?

Ang Aklat ni Mormon ay nagsisilbing karagdagan, at nakahihikayat na saksi na si Jesucristo ay ang Tagapagligtas ng sanlibutan, “na nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon) at nag-aalok ng kaligtasan sa lahat ng lumalapit sa Kanya. Bukod pa rito, nililinaw rin ng pangalawang saksing ito kung ano ang ibig sabihin ng kaligtasan. Kaya sina Nephi, Jacob, Mormon, at lahat ng propeta ay “masigasig na gumagawa upang maiukit ang mga salitang ito sa mga lamina”—upang ipahayag sa darating na mga henerasyon na “alam [din nila] ang tungkol kay Cristo, at … nagkaroon [sila] ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian” (Jacob 4:3–4). Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pagnilayan ang mga patotoo sa Aklat ni Mormon na ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ay kapwa para sa lahat at personal—tinutubos ang buong mundo at tinutubos kayo.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

2 Nephi 9:6–15, 22; Alma 11:41–45; 40:21–23; 3 Nephi 26:4–5

Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli.

Nakaugalian na sa Pasko ng Pagkabuhay na pagnilayan ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ngunit ano ba talaga ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli? Anong mga kaalaman ang inihahandog ng Aklat ni Mormon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli? Marahil bilang bahagi ng paggunita sa Pasko ng Pagkabuhay ay maaari mong ilista ang mga katotohanan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli na makikita mo sa 2 Nephi 9:6–15, 22; Alma 11:41–45; 40:21–23; at 3 Nephi 26:4–5. Maaari mo ring itala kung bakit sa palagay mo ay mahalagang malaman ang bawat isa sa mga katotohanang ito.

Maaari mong mapansin na ang mga katotohanan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ay madalas ituro kaugnay ng mga katotohanan tungkol sa Huling Paghuhukom. Pagnilayan kung ano ang itinuturo niyan sa iyo tungkol sa kahalagahan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa plano ng kaligtasan.

Tingnan din sa Lucas 24:36–43; Mga Gawa 24:15; I Mga Taga Corinto 15:12–23.

Mosias 3:7; 15:5–9; Alma 7:11–13

Dinala ni Jesucristo mismo ang aking mga kasalanan, pasakit, at kahinaan.

Malinaw na itinuturo ng Biblia na si Jesucristo ay nagbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Gayunman, pinalalawak ng Aklat ni Mormon ang ating pag-unawa sa sakripisyo at pagdurusa ni Cristo sa mahahalagang paraan. Makikita mo ang ilan sa mga turong ito sa Mosias 3:7; 15:5–9; at Alma 7:11–13. Matapos mong basahin ang mga talatang ito, isiping itala ang natuklasan mo sa isang tsart na katulad nito:

Ano ang pinagdusahan ng Tagapagligtas?

Bakit Siya nagdusa?

Ano ang ibig sabihin nito sa akin?

Ano ang pinagdusahan ng Tagapagligtas?

Bakit Siya nagdusa?

Ano ang ibig sabihin nito sa akin?

Tingnan din sa Isaias 53; Sa mga Hebreo 4:14–16.

Larawan
nagdarasal si Jesus sa Halamanan ng Getsemani

Gethsemane, ni Michael T. Malm

Mosias 5:1–2; 27:8–28; Alma 15:3–12; 24:7–19

Nililinis ako ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at tinutulungan akong maging perpekto.

Maaaring masabi na ang malaking bahagi ng Aklat ni Mormon ay isang salaysay tungkol sa mga taong nagbago dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa katunayan, ang ilan sa mga taong ito ay nakagawa ng mabibigat na kasalanan at mga kaaway pa ng mga tao ng Diyos bago nagkabisa sa kanila ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na lumikha ng malaking pagbabago ayon sa pananampalataya nila sa Kanya. Mababasa mo ang ilan sa mga karanasang ito sa Mosias 5:1–2; 27:8–28; at Alma 15:3–12; 24:7–19; maaari ka ring mag-isip ng iba pang mga halimbawa na pag-aaralan. Ano ang napapansin mong pagkakatulad ng mga karanasang ito sa bawat isa? Anong mga pagkakaiba ang napapansin mo? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salaysay na ito kung paano ka mababago ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Tingnan din sa Alma 5:6–14; 13:11–12; 18; 19:1–16; 22:1–26; 36:16–21; Eter 12:27; Moroni 10:32–33.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay na kasama ang pamilya mo, humanap ng mga paraan para sama-sama kayong matuto tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pati na sa Pagkabuhay na Mag-uli. Narito ang ilang ideya.

3 Nephi 1117

Natuklasan ng ilang pamilya na ang pag-aaral ng salaysay tungkol sa pagbisita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga lupain ng Amerika ay lalong makahulugan sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay. Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng masalat ang Kanyang mga sugat (tingnan sa 3 Nephi 11:14–15) o maging isa sa mga batang binasbasan Niya (tingnan sa 3 Nephi 17:21). Paano pinalalalim ng salaysay na ito ang ating pasasalamat sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Isang painting na naglalarawan sa salaysay na ito ang kasama sa outline na ito; ang iba pa ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari ding masiyahan ang mga miyembro ng pamilya mo na magdrowing ng sarili nilang paglalarawan ng kanilang binasa.

Mga mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya

Sa maraming panig ng mundo, ang pangkalahatang kumperensya ng Abril sa taong ito ay magaganap sa katapusan ng linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay. Marahil ay makakatulong sa inyong pamilya ang pakikinig sa mga mensahe sa kumperensya para makatuon sa Tagapagligtas ngayong Pasko ng Pagkabuhay. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na makinig sa mga mensahe sa kumperensya na nagpapatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli—lalo na mula sa mga Apostol, na mga natatanging saksi ni Jesucristo. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang mga mensahe at tukuyin ang mga turong nagpapalakas ng inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol

Bilang pamilya, basahin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign o Liahona, Mayo 2017, loob ng pabalat sa harap; tingnan din sa ChurchofJesusChrist.org), at anyayahan ang bawat miyembro ng pamilya na pumili ng isang mensahe sa Pasko ng Pagkabuhay mula sa patotoong ito upang ibahagi sa iba. Halimbawa, maaari kang gumawa ng mga poster na ididispley sa social media, sa inyong pintuan sa harapan, o sa bintana.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pinakamahalagang bagay na magagawa mo bilang magulang ay ipamuhay ang ebanghelyo nang buong puso. Ito ang pinakamagandang paraan para maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu Santo. Hindi mo kailangang maging perpekto, masigasig lang na sikaping gawin ang lahat ng makakaya mo at hangaring mapatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 13–14.)

Larawan
binabati ni Cristo ang mga Nephita

Paglalarawan kay Cristo na kasama ang mga Nephita na gawa ni Ben Sowards