2020
Palakasin ang Iyong Pananampalataya sa Pamamagitan ng Unang Pangitain
Abril 2020


Palakasin ang Iyong Pananampalataya sa Pamamagitan ng Unang Pangitain

Dalangin ko na tularan ninyo ang huwaran ni Joseph sa panalangin, matutuhan ang mga katotohanang natutuhan niya, at palakasin ang inyong pananampalataya sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Larawan
Teenaged Elder Anderson shares his beliefs with friends Illustration of Elder Neil Anderson when he was 16 years old at a conference he traveled to the east coast to attend. He is in a informal group of people and he is explaining his beliefs to the group.

Noong ako ay 16 na taong gulang, naglakbay ako mula sa bahay namin sa Idaho para dumalo sa kumperensya sa East Coast ng Estados Unidos, na dinaluhan ng mga kabataang lalaki at kabataang babae mula sa lahat ng 50 estado at halos 40 bansa. Bago iyon, bihira akong makaranas ng sitwasyon kung saan ang mga paniniwala at pananalig ko ay hindi kapareho ng sa iba.

Isang gabi habang kaswal na nag-uusap kami ng isang grupo, nagkaroon ng talakayan tungkol sa ilan sa mga paniniwala at gawain ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isang malaking grupo ng mga estudyante ang biglang nagtuon ng kanilang atensyon sa akin at nagsimulang magtanong, nang may pagpuna sa ating mga paniniwala.

Hindi ko inaasahan iyon. Ngunit matapos akong makapag-isip nang ilang sandali, sinimulan kong ibahagi ang ilang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ipinaliwanag ko na mayroon tayong Ama sa Langit, na tayo ay Kanyang mga anak na lalaki at babae, at narito tayo sa lupa upang magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at upang patunayan ang ating sarili sa pamamagitan ng pagpili ng mabuti sa halip na masama.

Ang pagbabahagi ng mga alituntuning ito ay naghikayat sa akin na banggitin ang patotoo ni Joseph Smith. Hindi nagtanong ang mga estudyante tungkol kay Joseph Smith, pero sinabi ko pa rin ang pinagmulan ng dahilan kung bakit ako naniniwala sa pinaniniwalaan ko. Nang ikinuwento ko ang pagpapakita ng Ama at ng Anak sa Sagradong Kakahuyan, biglang natahimik ang lahat. Isang nakaaantig na kabanalan ang nadama sa silid, at nadama kong napuspos ako at ang aking mga sinasabi ng espirituwal na kapangyarihan.

Pagkatapos nito, pinasalamatan ako ng ilang estudyante sa aking matibay na paniniwala. May ilan pang humiling ng karagdagang impormasyon tungkol sa Simbahan. Nang bumalik ako sa aking silid nang gabing iyon, natanto ko na ang naranasan ng taong ito ay nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Nadama ko mismo ang kapangyarihan ng pagpapatotoo tungkol sa Diyos Ama, kay Jesucristo, at sa Unang Pangitain.

Simula noon mahigit 50 taon na ang nakararaan, pinatotohanan ko nang maraming beses ang Ama, ang Anak, at si Propetang Joseph Smith. Sa mga karanasang ito, patuloy kong nadama ang pagpapatibay ng Espiritu Santo.

Gusto kong magbahagi ng limang alituntunin na natutuhan ko mula sa aking espirituwal na pang-unawa tungkol sa Unang Pangitain. Ang mga alituntuning ito ay nagpalakas sa aking pananampalataya at hangarin na sundin ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Umaasa ako na palalakasin din kayo ng mga ito.

Larawan
An illustration of the First Vision

1. Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay Tatlong Magkakahiwalay at Magkakaibang Nilalang

Sa maraming siglo, pinagtalunan ng mga iskolar at pilosopo ng relihiyon ang likas na katangian ng Diyos Ama, ni Jesucristo, at ng Espiritu Santo. Naniniwala ang karamihan sa kanila na Sila ay iisang nilalang. Dahil sa karanasan ni Joseph sa Sagradong Kakahuyan 200 taon na ang nakararaan, alam natin ang lubos na katotohanan tungkol sa katangian ng Diyos.

Una sa lahat, Siya ay buhay! Pangalawa, ang Ama at ang Anak ay dalawang hiwalay, maluwalhati, nabuhay na mag-uling mga nilalang, naiiba sa isa’t isa. Kalaunan, nalaman ni Joseph na “ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu. Kung hindi ganito, ang Espiritu Santo ay hindi makapananahanan sa atin” (Doktrina at mga Tipan 130:22).

2. Tayo ay mga Anak na Lalaki at Anak na Babae ng Diyos

Sa pamamagitan ng Unang Pangitain at iba pang mga karanasan, nalaman ni Propetang Joseph Smith na ang Diyos ay hindi isang kapangyarihan na malayo sa atin na lumikha sa mundo at sa mga naninirahan dito at pagkatapos ay nalimutan na sila. Sa katunayan, bawat isa sa atin ay “minamahal na anak na babae [o anak na lalaki] ng mga magulang sa langit.”1

Nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak na: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”2 Malinaw na ipinahayag ng ating Ama ang tadhanang iyan: “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Ang tunay nating pagkakakilanlan ay mula sa Diyos, at narito tayo sa lupa upang maging higit na katulad Niya. Ang pagkaunawang ito mula sa Unang Pangitain ay nagtulot sa akin bilang isang binatilyo na malaman na mayroon akong Ama sa Langit na nagmamahal sa akin at gusto akong bumalik sa Kanya.

3. Tayo ay Maaaring Mapatawad sa Ating mga Kasalanan

Isa sa mga labis na ikinabahala ni Joseph ay ang mapatawad sa kanyang mga kasalanan. Sa isang tala tungkol sa Unang Pangitain, sinagot ng Panginoon ang binatilyong naghahanap ng katotohanan sa mga salitang ito: “Joseph, anak ko, ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na. Humayo ka, lumakad sa aking mga palatuntunan, at sundin ang aking mga kautusan. Masdan, ako ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ipinako Ako sa krus para sa sanlibutan nang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”3

Nalaman ni Joseph na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, siya ay pinatawad sa kanyang mga kasalanan at naging malinis at dalisay sa harapan ng Diyos. Binigyan siya ng isang tiyak na kaalaman na si Jesucristo ay dinala sa kanyang sarili ang mga kasalanan at pasanin ng lahat ng mga nabuhay at mabubuhay sa mundo.

Mula sa Unang Pangitain, nalaman natin na dahil sa pagpapala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, maaari din tayong mapatawad sa ating mga kasalanan at balang-araw ay makatayong malinis sa harapan ng Ama.

4. Naririnig at Sinasagot ng Ating Ama sa Langit ang Ating mga Panalangin

Sa kakahuyan noong 1820, nang araw na iyon nalaman ni Joseph na nakikinig ang Ama sa Langit at sumasagot sa panalangin. Kalaunan, sinabi ni Joseph, “Buo ang aking pagtitiwala na magtatamo ng banal na pagpapatunay, tulad ng dati” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:29). Ang Kanyang halimbawa ay nagtuturo sa atin na malalapitan natin ang ating Ama sa Langit sa panalangin upang matanggap ang mga sagot sa atin.

Ginawa ni Joseph ang huwarang ito ng panalangin nang paulit-ulit. May tiwala siya na makikinig ang Panginoon at sasagutin ang kanyang mga panalangin. Nanalangin siya tungkol sa mga bagay na malamang na ipinagdasal ninyo.

Nanalangin siya para sa karunungan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:12–13).

Nanalangin siya tungkol sa binyag (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68).

Nanalangin siya para sa kaligtasan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:1–4).

Nanalangin siya para sa mga missionary (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:22).

Nanalangin siya para sa Simbahan, sa mga miyembro nito, at mga lider nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:71–76).

At nanalangin siya para sa kanyang pamilya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109:68–69).

Ito ay isang huwaran para sa atin. Ipinakita sa atin ni Joseph na maaari tayong lumapit lahat sa ating Ama sa panalangin.

5. Kilala Tayo nang Personal ng Ama at ng Anak

Mula sa Unang Pangitain, nalaman natin na kilala tayo nang personal ng mga selestiyal na Nilalang na ito, tulad din ng kilala nila si Joseph. Tinawag ng Ama sa pangalan si Joseph at, “itinuturo ang isa,” ay sinabing, “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Alam ng Ama at ng Anak ang mga pangangailangan, alalahanin, at inaasam ni Joseph, tulad din ng alam Nila ang sa atin. Alam din Nila ang ating mga tagumpay at kalungkutan.

Noong kabataan ko, nagdasal ako para sa maraming bagay. Habang ginugunita ko ito ngayon, ilan sa mga bagay na iyon ay tila hindi naman gaanong mahalaga. Ngunit mahalaga iyon sa akin noon, at naunawaan ko sa murang edad na mayroon akong Ama sa Langit na nakikinig sa akin. Hindi ako laging nakatanggap ng agarang sagot, ngunit nadama ko na sa Kanyang sariling panahon at sa sarili Niyang paraan ay tutuparin Niya ang aking kahilingan sa paraang akma sa akin.

Manalig at magtiwala na ang Diyos ay mangungusap sa inyo. Maniwala sa mga damdaming dumarating nang malalim sa inyong puso. Natutuhan kong maniwala sa panalangin at maunawaan ang kapangyarihan nito dahil alam ko ang mga karanasan ni Propetang Joseph Smith. Alam ko na kilala ako ng Diyos sa pangalan at na sasagutin Niya ako, tulad din ng alam Niya ang inyong pangalan at sasagutin kayo.

Patotoo

Sa 68 taon na nabubuhay ako sa mundo, maraming pagkakataon kong sinubukan ang huwaran ni Joseph sa panalangin. Bilang tunay na mga disipulo ng Tagapagligtas, nakatanggap din ako ng mga sagot mula sa langit. Alam ko na si Jesus ang Cristo. Siya ang Anak ng Diyos. Siya ay nabuhay na mag-uli at buhay ngayon. May kapangyarihan Siya na tulungan kayong magtagumpay. Sa pamamagitan ng ating pananampalataya, pagsunod, at pagsisisi, ligtas Niya tayong maibabalik sa ating tahanan sa langit.

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo at Kanyang inorden na saksi, pinatototohanan ko nang may katiyakan at pananalig na pinagtibay ng Espiritu Santo na ang Ama at ang Anak ay nagpakita kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan. Dalangin ko na tularan ninyo ang huwaran ni Joseph sa panalangin, matutuhan ang mga katotohanang natutuhan niya, at palakasin ang inyong pananampalataya sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Mga Tala

  1. “Young Women Theme,” youngwomen.ChurchofJesusChrist.org.

  2. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  3. “Joseph Smith’s Accounts of the First Vision,” josephsmithpapers.org.

Paglalarawan ni David Malan

Paglalarawan ni Kendall Ray Johnson