2020
Isang Napakagandang Bagong Kabanata
Enero 2020


Isang Napakagandang Bagong Kabanata

Larawan
chapter of life

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Natapos ang isang kabanata ng aking buhay nang mabiyuda ako noong Oktubre 2010. Noong panahong iyon, nagtatrabaho ako bilang guro sa katimugang France. Isang aksidente sa trabaho ang naglimita sa pagkilos ko, at nalungkot ako dahil hindi naging mabilis ang paggaling at paglakas ko. Masaya akong nagtrabaho sa loob ng 11 taon. Mahal ko ang trabaho ko. Marami akong kaibigan. Ngunit hindi ko na matugunan ang mga kahilingan ng aking trabaho.

Inaamin ko, pagkalipas ng mahigit 33 taong pagsunod sa Word of Wisdom, naisip ko kung bakit hindi ko magawang “[tumakbo nang] hindi [n]apapagod” o “[lumakad nang] hindi [n]anghihina” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:20). Sa huli, kinailangan kong magretiro nang maaga, at natapos ang isa na namang kabanata ng aking buhay.

Naninirahan ako kasama ng aking anak na babae nang makatanggap siya ng sulat na nagsasabing ililipat siya ng pinagtatrabahuhan niya sa Paris. Nagpasiya ako na sumama sa kanya at magsimula ng bagong kabanata ng aking buhay sa isang bagong lugar.

Di-nagtagal pagkarating namin doon, tinawag kaming dalawa na maglingkod sa Paris France Temple. Pinagtibay sa akin ng tawag na maglingkod sa templo na ako ay nasa tamang lugar sa tamang panahon dahil dinala ako ng Panginoon rito. Nakadama ako ng matinding kagalakan sa regular na paglilingkod sa bahay ng Panginoon, at napakasaya na kasama ko sa templo ang aking anak. Napuspos ng kagalakan ang aking puso!

Ngayon, nakikita ko na ang malaking pagpapala na hindi ko nakita noon dahil sa mga paghihirap na naranasan ko. Mahirap malimitahan sa pagkilos, hindi makapagtrabaho, at mapilitang magretiro nang maaga. Ngunit alam ko na tinulungan ako ng ating Panginoong Jesucristo. Tinulungan Niya ako na magdahan-dahan at mahanap ang kapahingahan, pag-asa, at kapayapaan na ngayon ay malaking bahagi ng aking buhay.

Tuwing pumapasok ako sa templo, nadarama ko ang Espiritu Santo. Sa mahihirap na panahon na maraming pang-uudyok sa atin mula sa mundo, nakakatuwang malaman na binigyan tayo ng Panginoon ng mga banal na lugar kung saan ang lahat ay maayos at maganda. Lubos akong nagpapasalamat para sa bagong kabanatang ito ng paglilingkod sa templo sa aking buhay. Napakaganda nito!