2018
Pareho Kaming Nabasbasan
Disyembre 2018


Pareho Kaming Nabasbasan

Anna Fingerle

Hesse, Germany

Larawan
Christmas gift

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Naging kalahating-bulag ako nang mabangga ang aking bisikleta ng isang trak. Makalipas ang mga apat na taon, nang Pasko noong 2011, nakaramdam ako ng pahiwatig na humiling sa isang brother mula sa dating ward ko ng isang priesthood blessing. Paminsan-minsan ko lamang nakita ang brother na ito, kaya hindi ko naintindihan kung bakit kailangan kong humiling sa kanya. Alam kong may iba pang karapat-dapat na mga mayhawak ng priesthood na puwede ko hilingan.

Nang sumunod na mga linggo, ang pakiramdam na kailangan ko ng basbas ay lalong lumakas. Naglilingkod ako noon bilang temple worker sa Frankfurt Germany Temple, kaya nagpasiya akong humiling sa isa sa mga brother doon ng isang basbas.

Matapos akong magpasiya, ang brother na nadama kong dapat kong hilingan ng basbas ay pumasok sa templo. Nalaman ko kaagad na ito ay hindi pagkakataon lamang—nais ng Ama sa Langit na humiling ako sa brother na ito. Naglakas loob ako at humiling na makausap siya matapos siyang magsesyon. Pumayag siya.

Maya-maya, ipinaliwanag ko na hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay kinakailangan ko ng blessing o basbas mula sa kanya. Sinabi niyang masaya siyang makatulong. Nag-anyaya siya ng isa pang brother sa kuwarto at sinimulan akong bigyan ng basbas. Nang matapos siya, naguluhan ako. Maganda ang basbas, ngunit wala namang partikular na espesyal dito.

Pagkatapos ay iminulat ko ang aking mga mata.

Nang imulat ko ang aking mga mata, nakita ko ang kuwarto nang halos malinaw. Hindi ako makapaniwala! Tinanong ko ang brother na ito kung alam niya kung bakit kinakailangang siya ang magbigay ng basbas na ito. Nakadama ako ng pagpapakumbaba sa sagot niya.

“Sa tingin ko hindi lang para sa iyo ang basbas na ito,” sabi niya. “Para sa akin din ito. Babasbasan ko ang pamangkin ko bukas dahil mabibinyagan na siya. Hindi aktibo ang aming pamilya sa Simbahan, at siya ang unang miyembro ng aming pamilya na mabibinyagan sa loob halos ng 20 taon. Marami sa pamilya namin ang dadalo sa binyag, at hindi ako sigurado na sapat na ang pananampalataya ko upang magbigay ng basbas. Ngayon alam ko nang kaya ko itong gawin.”

Nang sumunod na mga araw, bumuti ang paningin ko na hindi ko na kinailangan ang aking puting baston. Ibinalot ko ito at ibinigay bilang regalo sa Pasko sa brother na ito kasama ang isang liham. “Alam kong hindi ito ang tungkod ni Moises,” isinulat ko, “ngunit umaasa ako na paaalalahanan ka nito sa taglay mong kapangyarihan ng priesthood.”

Mahal tayo ng Ama sa Langit at masaya Siyang basbasan tayo. Ang basbas na ito sa Pasko ay hindi lamang nagpabalik ng aking paningin kundi binigyan din ang isang mapagpakumbabang mayhawak ng priesthood ng kumpiyansa sa paglilingkod niya sa priesthood.