2018
“Ako Yaong Ako Nga”: Mga Simbolo ni Jesucristo sa Lumang Tipan
Disyembre 2018


“Ako Yaong Ako Nga”: Mga Simbolo ni Jesucristo sa Lumang Tipan

Partikular sa sinaunang talaang ito, kailangang hanapin si Jesucristo o baka hindi Siya matagpuan.

Larawan
Christ teaching from the scriptures

Light and Truth, ni Simon Dewey

Nang itago ni Moises ang kanyang mukha, marahil ay parang alingawngaw ng kawalang hanggan ang maawaing mga salita ng Panginoon na nagmula sa nagliliyab na palumpong: “Akin ngang nakita ang kadalamhatian ng aking bayan … ; sapagka’t talastas ko ang kanilang kapanglawan;

“At ako’y bumaba upang iligtas sila. …

“At sinabi ni Moises sa Dios, Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila?

“At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA” (Exodo 3:7–8, 13–14).

Kilala sa sinaunang Israel bilang ang Panginoong Jehova, tinukoy ng premortal na Jesucristo ang Kanyang sarili bilang pinagmumulan ng kaligtasan na dapat hanapin ng Kanyang mga tao. Makalipas ang libu-libong taon, muling pinagtibay ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo ang kanyang pangakong palayain ang makabagong Israel sa mga salitang ito: “Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ang noon, na ako ang ngayon, at na ako ay paparito” (D at T 68:6; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang mga banal na kasulatan, ang mga salita ng buhay, ay dinisenyo upang ituon ang mga anak ng Diyos sa bawat henerasyon kay Jesucristo para sa kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan at lahat ng problema natin sa lupa. Hindi naiiba ang Lumang Tipan; tulad ng bawat aklat ng banal na kasulatan, nilayon ito upang ibaling ang ating puso’t isipan sa ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo. Ngunit partikular sa sinaunang talaang ito, kailangang hanapin si Jesucristo o baka hindi Siya matagpuan.

Sa paghahanap kay Cristo sa anumang aklat ng kasulatan, makakatulong na laging paalalahanan ang ating sarili kung ano ang hinahanap natin. Si Jesucristo ang pinagmumulan ng buhay! Sa malulubhang problema ng espirituwal at pisikal na kamatayan na nagsimula sa Pagkahulog [ni Adan], si Cristo ang walang hanggang kalutasan ng Israel. Sabi ni Lehi, “Inihandog niya ang kanyang sarili … upang tugunin ang layunin ng batas” (2 Nephi 2:7; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ito ang sagot na iyon—ang Manunubos ng Israel, ang Dakilang “Ako Nga”—na hinahanap natin kapag nagsasaliksik tayo sa mga banal na kasulatan. Gayunman, nasa loob ng makata at madalas ay makalumang pananalita sa Lumang Tipan, ang mga walang-hanggang problema—at si Jesucristo, ang kalutasan—ay hindi palaging madaling matukoy. Gayunpaman, naroon lang si Jesucristo sa kailaliman nito, naghihintay na matagpuan sa mga sinaunang salaysay.

Kapag isinaisip ninyo ang pangalan ng Panginoon na ibinahagi kay Moises sa bundok ng Sinai—“Ako nga”—isaalang-alang ang maraming pagkakakilanlan kay Jesucristo ng mga taong nagtitiwala sa Kanya. Ang mga sumusunod na halimbawa ay mga simbolikong turo mula sa Lumang Tipan na nilayon upang buksan ang ating puso’t isipan sa Panginoong Jesucristo para sa kaligtasan.

Ako … ang Corderong Pinatay para sa Iyo

Larawan
Adam and Eve offering sacrifices

Pag-aalay ng Hayop at ang Kasuotang Yari sa mga Balat ng Hayop

Bago pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, dinamitan sila ng Panginoon ng yari sa mga balat ng hayop para gawing panakip sa kanilang katawan. Sa Lumang Tipan, ang salitang pagbabayad-sala, sa iba’t ibang uri nito, ay lumilitaw nang 81 beses. Sa 73 sa mga paglitaw na iyon, ang orihinal na salitang Hebreo ay kaphar, na ang literal na kahulugan ay “takpan.”

Matapos silang palayasin sa halamanan, inutusan sina Adan at Eva na ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan bilang handog sa Panginoon. Kalaunan ay sinabi sa kanila ng isang anghel na ang kaugaliang ito ay “kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama” (Moises 5:7).

Nagpatuloy ang pag-aalay ng mga hayop sa ilalim ng batas ni Moises, pati na ang ritwal na panakip ng mga nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood.

Kapag nakikipagtipan tayo sa Panginoon at tinatanggap natin ang Kanyang banal na mga ordenansa, tinatakpan tayo ng Kanyang Pagbabayad-sala kaya hindi na tayo lantad sa lubos na mga epekto ng Pagkahulog ni Adan. Si Cristo ang tunay na Cordero ng Diyos na inialay para sa atin kaya hindi na tayo kailangang pasakop sa mga epekto ng kasalanan at kamatayan.

Genesis 3:21; 37:3; Exodo 40:14–15; Ezekiel 16:1–12; Mateo 22:11–12; Mga Taga Galacia 3:26–29; 1 Nephi 11:21, 32–33; Alma 34:14–16; Moises 5:5–8; 7:47

Ako … ang Tinapay ng Kabuhayan

Larawan
gathering manna in the wilderness

Manna

Nang maglakbay si Moises at ang mga anak ni Israel mula Egipto patungong lupang pangako, umasa sila sa mga awa ng Panginoon para sa pagkain sa araw-araw. Binigyan sila ng Panginoon ng matamis na “tinapay mula sa Langit,” na tinawag ng mga tao na “Manna” (ibig sabihin ay “Ano ito?”). Yaong mga nagtipon ng tinapay araw-araw at nanatiling tapat sa Panginoon at sa Kanyang propeta ay patuloy na nabuhay sa kanilang paglalakbay sa ilang.

Si Jesucristo ang Tinapay ng Kabuhayan; naparito Siya sa lupa mula sa langit upang bigyan tayo ng buhay araw-araw sa ating mortal na buhay. Habang tinitipon natin ang Kanyang mga salita araw-araw, madarama natin ang tamis at siglang hatid Niya sa buong paglalakbay natin sa buhay.

Exodo 16:4, 12–21, 31; Deuteronomio 8:2–3; Juan 6:26–35, 48–58, 66–68; 3 Nephi 20:8

Ako … ang Pinagmumulan ng Tubig na Buhay

Larawan
Moses smiting the rock at Horeb

Tubig mula sa Bato sa Horeb

Nang mauhaw sa tubig ang mga anak ni Israel sa ilang, bumaling si Moises sa Panginoon. Inutusan si Moises na hampasin ang isang bato sa Horeb (Bundok ng Sinai) gamit ang tungkod na bigay sa kanya ng Panginoon. Nang gawin niya ito, bumulwak ang tubig mula sa bato para magbigay ng buhay sa milyun-milyong naglalakbay na mga Israelita.

Si Jesucristo ang Bato ng Israel; nang hampasin Siya sa Kalbaryo, pumuslit ang dugo mula sa Kanyang katawan. Ang dugo ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng buhay! Makakamit natin ang buhay na matatagpuan sa nagbabayad-salang dugo ni Cristo kapag sinunod natin ang mga propetang nabigyan ng mga susi para pabulwakin ang tubig na buhay mula sa Kanya.

Exodo 17:1–6; Mga Bilang 20:8, 11; Juan 4:10–15; I Mga Taga Corinto 10:1–4; D at T 28:2

Ako … ay Iyong Tagapagpagaling

Larawan
Moses and the brass serpent

Ahas na Nakapatong sa Isang Tikin

Ang mga paghihirap sa kanilang paglalakbay ay nagdulot ng pagrereklamo ng mga anak ni Israel, at pagbulung-bulong laban sa propeta at sa Panginoon. Dahil dito, itinulot ng Panginoon na kagatin sila ng makamandag na mga ahas, na ikinamatay ng marami. Nagdasal si Moises sa Panginoon na alisin ang mga ahas; sa halip, naglaan ng paraan ang Panginoon para matakasan ng mga tao ang kamatayan nang matuklaw sila. Ang kailangan nilang gawin para gumaling ay tumingin sa ahas na tanso na nakakabit sa tikin.

Ipinako si Jesucristo sa isang poste—ang krus—upang umasa tayo sa Kanya sa ating mga pagdurusa at hindi tayo madaig nito. Hindi palaging inaalis ni Jesucristo ang ating mga pagsubok, ngunit bilang ating Tagapagpagaling, maaari Niyang alisin ang lason mula sa mga ito sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Mga Bilang 21:4–9; Juan 3:14–16; I Ni Pedro 2:24; Alma 33:18–22; Helaman 8:14–15; 3 Nephi 27:13–15