2017
Ang Magic ng mga Awiting Pamasko
December 2017


Ang Magic ng mga Awiting Pamasko

Hindi naisip ng mga kabataang ito kung gaanong saya ang maidudulot nila sa pamamagitan lamang ng ilang simpleng kanta.

Isang Awiting Pamasko para kay Joaquin

Larawan
singing Christmas carols

Mga paglalarawan ni Michael Mullan

Ang pagkanta ng mga awitng Pamasko ay hindi popular na tradisyong Pamasko sa Argentina. Sa katunayan, ang Pasko rito ay kaiba sa mga tradisyonal na tanawing may niyebe na maaaring maisip mo. Dahil nakatira kami sa Katimugang Hemisphere, madalas na naiuugnay ko ang Pasko sa malaking fruit salad!

Kaya’t nang iminungkahi ng mga magulang ko na subukan naming mag-caroling bilang isang pamilya, nakaramdam kami ng mga kapatid ko ng pagtataka at pagkasabik din. Hindi kami sigurado sa kakayahan namin sa pagkanta, kung kaya’t nagpasiya kaming gumawa at magdala ng ilang mga cookies na ibibigay sa mga taong bibisitahin namin para mapangiti man lamang sila.

Isang lalaking nagngangalang Joaquin ang naging bahagi ng aming ward sa napakatagal na panahon. Noong Disyembreng iyon nagkaroon siya ng malubhang sakit at hindi na makapunta sa sacrament meeting. Ang aking ama at mga kapatid na lalaki ay ilan sa mga nagdala ng sacrament sa kanya sa ospital matapos magsimba tuwing Linggo.

Noong Linggo bago mag-Pasko, sumakay ng kotse ang buong pamilya ko upang bisitahin si Joaquin, umaasang maipadarama namin sa kanya ang masayang diwa ng Pasko. Pagdating namin, itinuro kami ng nars sa kanyang kama. Mayroon siyang mga banal na kasulatan at himnaryo sa tabi ng kanyang kama, na tila inaasahan niyang darating kami.

Halatang masaya siya noong naroon kami, at lahat kami ay agad nakaramdam ng lubos na pagmamahal para sa kanya. Inihanda, binasbasan, at ipinasa ng mga kapatid ko ang sacrament. Bago umalis, kinanta namin ang napakagandang awiting “Sa Kapatagan, sa May Judea”: “L’walhati sa kaitasan; mundo ay pumayapa, kabutihan sa madla” (Mga Himno, blg. 130).

Talagang kapayapaan at kabutihan ang pumasok sa aming mga puso nang tawagin niya kaming “mga anghel” at pasalamatan sa aming pagbisita, gayong ang tanging nais namin ay ipadama sa kanya ang mga damdaming iyon.

Julia G., Buenos Aires, Argentina

Ang Huling Bahay na Pinuntahan Noong Gabing Iyon

Larawan
singing carols

Bisperas ng Pasko noon, at ayaw kong lumabas para mag-caroling.

Subalit, naisip ng aking ina na magiging masaya kung sasakay ang pamilya sa aming lumang kotse at magmamaneho sa mayelong daan ng kapitbahayan para kumanta ng mga awiting Pamasko sa tatlong balo sa aming ward, at masayang sinuportahan ng aking ama ang kanyang mungkahi.

Naasiwa ako. Sinong magnanais na pakinggan kami? Mamamatay ako sa hiya kung may makikita akong kakilala ko. Bumubulong-bulong at naiinis, sumakay ako sa likod ng kotse kasama ang mga kapatid ko.

Ang pagpunta sa unang apartment ay ilang kanto lang ang layo. Walang nagbukas ng pinto. Nagpunta kami sa pangalawang bahay. Wala pa ring nagbukas ng pinto. Nagsimula akong sumigla.

Sa pagparada namin sa makitid na bakuran ng huli naming pinuntahan, naisip ko, “Sana walang tao sa bahay.”

Madilim na sa labas. Kumatok ang aking ina at naghintay, nanatili pa ring madilim ang harapang balkonahe. Ayos. Hindi magtatagal nasa bahay na kami, kung saan maaari na akong pumasok sa aking kuwarto.

Bigla na lang bumukas ang ilaw sa balkonahe at bumukas ang pintuan. Hiyang-hiya ako. Sigurado akong naistorbo namin siya.

“Tuloy kayo, pasok,” sabi ng maliit at payat na babae. Itinuro niya ang kanyang lumang piano.

“Tumutugtog ka?” tanong niya sa aking ina. “Kumanta tayo sa paligid ng piano.”

Ang kanyang sigla at sigasig ay nagpalambot sa puso ko. Marahil ay hindi kaabalahan sa kanya na naroon kami. Nakaawit na kami ng ilang kanta nang alukin niya kami ng mainit na tsokolate.

“Maaari ka bang tumulong?” tanong niya sa akin. Pagpasok namin sa kusina, nagulat ako sa nakitang kong napakagandang table set na kasiya-siyang pinalamutian para sa Pasko. Napakasaya nitong tingnan! Sa bawat table setting ay may maliit na regalo na ibinalot nang maganda.

“Para kanino po ang mga ito?” tanong ko. Alam kong mag-isa lang siyang nakatira doon.

“Para sa mga kapitbahay ko,” paliwanag niya. “Tuwing Pasko ay inaanyayahan ko ang mga tulad ko—iyong ang mga pamilya ay nasa malayo—para mag-almusal sa araw ng Pasko at mabigyan ng munting regalo.”

Tuwang-tuwa ako sa ideyang ito. Napuno ng paghanga ang matigas kong puso. Napakaganda ng silid na ito. Napakaganda ng maliit na babaeng ito. Napakaganda ng aking ina na nagdala sa amin dito. Sa wakas ay masaya ako.

Sa simbahan nang sumunod na buwan pinasalamatan kaming muli ng sister na ito sa pagbisita namin sa kanya. Sinabi niya sa amin na kami lamang noong taon na iyon ang nakaalala sa kanya. Ilang buwan pa ang lumipas ay bigla siyang pumanaw.

Ginugunita ko ang Paskong iyon at nagpapasalamat ako para sa napakabuting mga magulang at para sa sister na ito, na bawat isa sa kanila ay nais maghatid ng saya sa Pasko sa ibang tao.

Brooke K., Utah, USA