2017
Ang Bahaging para sa Atin
December 2017


Ang Bahaging para sa Atin

Pagkakaroon ng mga Bagong Kaibigan

Larawan
making friends at lunch

Nang sabihin sa akin ng mga magulang ko na lilipat kaming pamilya sa ibang lugar, nasabik akong magkaroon ng mga bagong kaibigan. Nang dumating kami sa bagong siyudad, nagpunta kami sa simbahan. Dama ko ang malakas na Espiritu roon, at alam kong magiging maayos ang lahat.

Hindi nagtagal, nagsimula na akong pumasok sa bago kong paaralan. Isa ako sa mga iilang Mormon sa paaralan. Nang pumasok ako, parang hindi talaga ako kabilang doon. Talagang masasabi kong naiiba ako sa iba pang mga estudyante.

Sa unang linggo at mga sumunod pa, sinubukan kong makipagkaibigan. Pero parang hiyang-hiya ako! Sinubukan kong tumabi sa iba’t ibang tao sa bawat klase at kumain ng pananghalian sa iba’t ibang mesa araw-araw. Parang wala akong nagagawang anuman.

Nagpasya akong magsikap na maging mas mabuting halimbawa sa mga kasama ko. Tinutukan ko ang Personal na Pag-unlad at masigasig na pinag-aralan ang ebanghelyo. Nang masigasig kong gawin ito, mas naunawaan ko nang lubos na ako ay anak ng Diyos at mahal Niya ako.

Habang tumatagal at ipinagpapatuloy ko ang mga ginagawa ko, may napansin ako: nagsimula akong magkaroon ng mga kaibigan sa paaralan. Parang gusto akong makasama ng mga tao. Sinabi nila kung paano ako namumukod-tangi sa lahat. Natanto ko na ito ay dahil hinayaan kong magningning ang aking liwanag. Kaiba ang mga kilos ko sa mga kaklase ko, disente akong manamit, mabuting mga salita ang gamit ko, at mabait ako sa aking kapwa.

Lahat tayo ay anak ng Diyos. Nagpapasalamat ako na hinayaan kong magningning ang aking liwanag, kahit parang nadama ko noon na hindi ako kabilang doon. Alam kong hindi tayo nag-iisa basta nasa panig tayo ng Panginoon!

Rebekah C., Prince Edward Island, Canada

Maaari Ko Bang Ibahagi ang Aklat ni Mormon?

Sa Mutual, binigyan kami ng asayment na maging missionary sa pamamagitan ng pagkuha ng kompanyon, pagbabahagi ng aming patotoo sa isang hindi miyembro, at pagbibigay ng kopya ng Aklat ni Mormon sa kaibigan naming hindi miyembro.

Matapos ang Mutual, humingi ako ng payo sa aking nanay. Nangako siya na kung ako ay magdarasal nang buong pananampalataya at magtatanong sa Ama sa Langit, siguradong sasagot Siya.

Inabot ako ng dalawang linggo bago ako nakahanap ng isang taong tatanggap ng Aklat ni Mormon. Noong una, paulit-ulit akong tinanggihan. Sobra na akong nasaktan sa katatanggi nila kung kaya’t muntik na akong sumuko.

Isang gabi, napanaginipan ko ang tungkol sa isang babaeng malapit na kaibigan ng aking pamilya. Sa panaginip ko, nalaman ko na siya ang ibinigay para sa amin ng kompanyon ko. Nang magising ako, nagpasalamat ako sa Panginoon sa pagtulong Niya sa akin.

Nang sumunod na Mutual, isinulat namin ng kompanyon ko ang aming patotoo sa unang pahina ng aklat at nag-ayos ng basket ng prutas para sa babae. Nagpunta kami sa kanyang bahay, kumatok sa pintuan, at naghintay. Kahit natakot ako na baka hindi niya ito tanggapin, sinabi ko sa sarili ko na magkaroon ng kaunting pananampalataya. Sa wakas ay lumabas siya na may masayang mukha, at tinanggap ang Aklat ni Mormon.

Sa karanasang ito, natutuhan ko na kung mayroon kang kahit kaunting pananampalataya at alam mong nariyan ang Ama sa Langit, madali mong mararamdaman na maaaring mangyari ang imposible.

Rapunzel L., American Samoa

Ang BAKASYON KO MULA SA mga Piano Lesson

Larawan
vacation from piano lessons

Isang linggo noon, nagdesisyon akong huminto muna sa pagsasanay sa pagtugtog ng piano. Hindi ito pinahintulutan ng aking piano teacher at maging ng aking ina. Isang buong linggo akong hindi nagsanay. Akala ko ay maganda ito dahil masaya ako sa pagpapahinga at sa paggawa ng mga ibang bagay.

Ang pagsasaya ay natapos sa gabi ng Huwebes, nang ipinaalala ng aking ina na kinabukasan ng umaga ang piano lesson ko. Akala ko mayroon akong solusyon: gumising ako isang oras nang mas maaga at nagsimulang magsanay. Ngunit natanto ko na ang mga ginagawa ko ay lubhang hindi sapat at lubhang huli na. Nagamit ko ang kalayaang pumili, ngunit hindi ko naisip ang mga ibubunga nito.

Kinabukasan nang magkita kami ng piano teacher ko, nagsimulang maranasan ko ang mga ibinunga ng pagpili ko. Inamin ko na hindi ako nagsanay, at sinabi ng guro ko na dapat akong maghabol sa lahat ng pagsasanay na hindi ko nagawa, bukod pa sa regular kong oras ng pagsasanay.

Nagpapasalamat ako para sa mga aral na natutuhan ko tungkol sa kalayaang pumili, responsibilidad, at pananagutan. Bawat pagpili ay may kahihinatnan, at natutuhan ko na magagawa kong pumili nang mas tama kung inisip ko muna ang mga ibubunga nito.

Blake H., Utah, USA