2017
Ibinigay Ko ang Aking Mission Fund
February 2017


Ibinigay Ko ang Aking Mission Fund

Larawan
checkbook

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Sumapi ako sa Simbahan bago sumapit ang ika-21 kaarawan ko. Nakadama ako ng matinding hangaring magmisyon, ngunit mahirap ang sitwasyon ko. Dahil iniwan kami ng tatay ko, tinutustusan ko ang mga pangangailangan ng aking ina at tatlong nakababatang kapatid. Halos lahat ng pera ko ay napunta sa pamilya ko. Noong panahong iyon kailangan mo ng £500 (U.S. $660) man lang bago ka makapag-aplay para sa misyon. Pagkaraan ng dalawang taong pag-iipon, £250 pa lang ang pera ko.

Nagkasunud-sunod ang mga problema namin sa pera. Nasangkot sa gulo ang nakababata kong kapatid at pinagmulta ng £240. Pinakiusapan ako ng pamilya ko na ipahiram sa kanya ang pera—halos lahat ng pera ko. Para akong pinapipili kung ang misyon o ang kapatid ko, kahit nangako siyang babayaran ako kapag nagkapera siya. Nahirapan akong magpasiya at humingi ako ng payo sa bishop ko. Pinayuhan niya akong tulungan ang kapatid ko. Sinunod ko ang payo niya at binayaran ko ang multa. Alam ko na iyon ang tamang gawin, pero desperado akong makapagmisyon.

Akala ko aabutin ng ilang taon para muling makaipon ng pera, pero sa mapagkumbabang panalangin, tumanggap ako ng impresyon tungkol sa hinaharap. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag umasa na babayaran ako ng kapatid ko at magmimisyon ako sa susunod na taon. Inabot ng dalawang taon bago ko naipon ang perang ibinigay ko sa kapatid ko, pero sinabi sa akin ng Panginoon na doble pa roon ang mapapasaakin bago matapos ang taon.

Nag-alinlangan ako pero nagpatuloy ako, at linggu-linggo sa sumunod na 10 linggo, isang himala ang nangyari. Narinig ng isang young single adult sa ward na ibinigay ko ang aking mission fund at binigyan niya ako ng £100 para sa misyon ko. Nang sumunod na linggo isa pang young adult ang nagbigay sa akin ng £100 para din doon. Napakumbaba ako at sinimulan kong pagsisihan ang kawalan ko ng pananalig.

Kalaunan, nanghingi ng voluntary redundancies ang employer ko (financial incentive sa mga empleyadong kusang nagbibitiw sa trabaho). Nagboluntaryo ako pero hindi ko inasahan na papayagan akong magbitiw, dahil malaki ang ipinuhunan nila sa training ko. Itinanong ng manager ko kung bakit ko gustong magbitiw sa trabaho, kaya nagpaliwanag ako tungkol sa misyon ko. Tinaasan niya ang suweldo ko na retroactive nang ilang linggo at tinanggap ang pag-aaplay ko sa redundancy. Binigyan din niya ako ng bonus sa leaving package ko.

Nakakita ako ng pansamantalang trabaho, na nauwi sa full-time na trabaho pagkaraan ng dalawang linggo. Inalok din nila ako ng overtime tuwing Sabado’t Linggo. Pumayag akong mag-overtime tuwing Sabado. Hindi nagtagal pagkatapos niyon ay isinumite ko ang mission papers ko at tinawag akong maglingkod sa England London Bristol Mission. Nakapag-ipon ako ng £2,500 nang wala pang isang taon. Literal na mas malaki nang 10 beses sa ibinigay kong pera ang natanggap ko. Sa Lucas 6:38 mababasa roon: “Mangagbigay kayo, at kayo’y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka’t sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.”

Alam ko na napagpala ako dahil sa aking pagsunod at pananalig sa pagsunod sa payo ng bishop ko.